Pekeng labanan sa Sta. Margarita: Terorismo laban sa mamamayan, suntok sa hangin ng AFP sa NPA
Sa desperasyong umabot sa deadline ng pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan na itinakda ng kanyang commander-in-chief, garapalang panlilinlang at karahasan ang iwinawasiwas ni Brigadier General Steve Crespillo sa mga mamamayang Cagayano.
Kasinungalingan ang ipinapakalat ng 501st Infantry Brigade na balita ng naganap na labanan sa Sta. Margarita, Baggao. Nais ilinaw ng NPA-East Cagayan na walang naganap na anumang labanan sa pagitan ng mga tropa ng 77th Infantry Battalion at yunit ng BHB.
Lantarang terorismo ang pagpapakawala ng rocket at walang-habas na pag-iistraping ng dalawang helicopter ng Philippine Air Force sa kabila ng kawalan ng aktwal na sagupaan. Sinisindak nito at inilalagay sa kapahamakan ang mga mamamayang naninirahan at nagtatrabaho sa liblib na bahagi ng nasabing baryo.
Dapat maging mapanuri at kritikal sa harap ng paglaganap ng mga pekeng balita sa radyo man, sa TV, o sa social media lalo’t nagkukumahog sa promosyon at insentiba mula sa punong kumander na si Duterte ang mga desperadong tulad ni Brig. Gen. Crespillo.
Ubos-kayang labanan at panagutin si Duterte at ang AFP sa paghahasik ng terorismo mula sa himpapawid na tumatarget sa buhay, kabuhayan, at ari-arian ng mga karaniwang mamamayan.
Huwag magpadala at pangibabawan ang takot at pag-aalinlangan. Sumandig sa organisadong lakas at sama-samang pagkilos na siyang tiyak na magluluwal ng mga kongkretong tagumpay sa pag-aangat ng kabuhayan ng masang Pilipino sa gitna ng papalubhang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa bansa at labis nang nahihinog na krisis ng imperyalismo sa buong daigdig.###