Pekeng pagpapasuko sa mga magniniyog sa Quezon, palabigasan ng 201st Brigade
Mariing kinukundina ng NDFP-ST ang serye ng pandarahas at sapilitang pagpapasuko ng 201st Brigade sa mga kasapi ng ligal na organisasyon ng mga magniniyog sa Quezon. Ngayong Setyembre, aabot sa 282 magsasaka mula sa limang barangay ng bayan ng Lopez at samahan ng mga magniniyog sa Macalelon ang sapilitang pinasuko ng mga berdugo.
Bahagi ang kampanyang pagpapasuko ng maruming anti-komunistang gera. Sa harap ng pandemyang Covid-19 at lumalalang kahirapan, inuna pa ng rehimen ang kampanyang pagpapasuko sa mamamayan kaysa sa ayuda at mga serbisyong pangkalusugan. Tinagurian ng rehimen na mga “frontliners” ang mga sundalo pero ang totoo, ang pinupuksa ng mga ito ay ang mga samahang magsasaka at kanilang kabuhayan, hindi ang bayrus. Palatandaan ng malaking karuwagan at kabiguan ng 201st Brigade ang maruming taktika nitong ituon ang gera laban sa mamamayan para lamang makamit ang kanilang pangarap na gising na masugpo ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.
Sa likod nito, nagpapakasasa ang 201st Brigade sa pamumuno ni BGen. Norwyn Tolentino sa mga kikbak mula sa insentibong pabuyang P65,000 na makukuha sa bawat “mapapasukong” NPA. Walang tigil ang mga mersenaryo na magpasuko dahil malinaw na palabigasan nito ang Enhanced Comprehesive Local Integrated Program (E-CLIP). Napakagahaman ng 201st Brigade na kahit ang mga relief at pondo sa ayuda sa Quezon ay kinukulimbat nila.
Kinakasangkapan din ng AFP ang kampanyang pagpapasuko sa pagpapakalat ng mga pekeng balita at black propaganda lalo sa social media para siraan at palabasing “humihina” na ang CPP-NPA-NDFP sa Quezon. Nais nilang lumikha ng isterya sa mga komunidad upang ilayo ang mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Higit lamang na kinamumuhian ng mamamayan ang AFP dahil sa pasismong inihahasik nila sa bayan. Sa harap ng panlilinlang ng 201st Brigade, marapat na magpakatatag ang mga Quezonin at huwag magpadala sa anumang pagbabanta at pananakot ng mga pasista. Imbes na magpadala sa pamemresyur at panggigipit ng 201st Brigade, dapat ilantad ng mamamayan ang mga krimen ng AFP at magpunyagi sa pagtanggol ng kanilang mga karapatan. Hindi rin dapat itigil ang mga kampanya ng masang magsasaka sa Quezon para sa ayuda, pagpapataas ng presyo ng kopra, pagbawi sa coco levy fund at iba pa.
Kailangang patuloy na pahigpitin ang pagkakaisa ng mamamayan ng Quezon at buong rehiyon upang labanan ang mga kontra-rebolusyonaryong kampanya ng rehimen. Pasiglahin ang mga kampanyang layas-militar sa mga komunidad at baryo. Patatagin ang mga organisasyong masa at itaas ang mapanlabang diwa ng mamamayan laban sa karahasan ng AFP. Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay.###