Pigilan ang panunumbalik sa kapangyarihan ng pamilya Marcos
Mariing kinukundina ng NDFP-ST at ng malawak na mamamayan ng Timog Katagalugan ang pagtakbo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagkapresidente. Desperado itong pakana ng pamilya Marcos upang muling makabalik sa tuktok ng kapangyarihan sa Pilipinas sa kabila ng walang kahihiyang pagbabalewala at pagtatakip ng mga ito sa kanilang mga krimen sa bayan. Dahil dito, marapat na ibuhos ang buong lakas ng sambayanan upang biguin ang pagtatangka ng pamilya Marcos, kasabay ng pagbigo sa hangarin ni Duterte na maghari lagpas 2022.
Labis na ikinagagalit ng mamamayang Pilipino ang lantarang pagrerebisa ng mga Marcos sa kasaysayan. Sa tulong ni Duterte, pinipilit nilang palabasing bayani ang yumaong si Ferdinand Marcos sa kabila ng nagdudumilat na katotohanang isa itong pasista’t diktador. Paulit-ulit nilang pinalalabas na mabuti ang idinulot ng Martial Law at harapang sinasalaula ang tagumpay ng EDSA People Power I. Ngunit sa kolektibong alaala ng sambayanan, hindi mapapawi ang lagim ng Batas Militar ng diktadurang Marcos na nagresulta sa libong biktimang pinaslang, puong libong iligal na inaresto at piniit at daang bilang ng sapilitang pagkawala.
Sa ilalim ng diktadura, malawakang nandambong ang mga Marcos sa kaban ng bayan at nagpatupad ng mga patakaran na nagpasadsad sa ekonomiya ng bansa at ibayong nagpahirap sa mamamayan. Bilyun-bilyong piso ang hinuthot ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos na upang itago sa bayan ay sa isang Swiss Bank at ibang offshore accounts inilagak. Noong Nobyembre 2018, napatunayang maysala si Imelda sa pitong kasong graft sa panahong naging gobernador siya ng Metro Manila mula 1975-1986. Sa kabila nito, hindi kakikitaan ng anumang bahid ng pagsisisi ang mga Marcos bagkus patuloy na nagpapasasa sa nakaw na yaman. Ginagamit ito ngayon para mailuklok sa kapangyarihan si Bongbong.
Higit na nagbibigay ng lakas ng loob sa mga Marcos ang pakikipagsabwatan sa kanila ni Duterte para sa paghahati at pagsasalo sa kapangyarihan. Hindi malayong maganap ang mga maniobra ni Duterte sa darating na eleksyong presidensyal sa Mayo 2022 mula sa pandaraya hanggang sa pagdedeklara ng failure of elections upang ipataw ang Martial Law at manatili sa pwesto.
Dapat hadlangan ng mamamayan na mailuklok sa poder ang pamilya Marcos at Duterte. Kapwa silang may pananagutan sa bayan mula sa korapsyon at pandarambong hanggang sa paghahasik ng pasismo at terorismo ng estado na nagresulta sa maramihang pagpatay at labis na paglabag sa karapatang tao. Upang makapaghari, nagpakatuta rin ang mga ito sa mga imperyalistang kapangyarihan, nagtaksil sa bayan at inilako ang pambansang soberanya.
Mahigpit na kaisa ng sambayanang Pilipino ang NDFP-ST para biguin ang muling paghahari ng kasalukuyang taksil, mandarambong at tiranong si Duterte at ng pamilya ng diktador na si Marcos. Kailangang magsikhay ang rebolusyonaryong kilusan upang lubos na ihiwalay sina Duterte at Marcos. Walang kapagurang batikusin ang historical revisionism ng rehimen at ng mga Marcos at isiwalat ang katotohanan sa gitna ng laganap na fake news at disimpormasyon. Papanagutin sila sa kanilang mga krimen sa bayan.
Dapat aktibong kontrahin ng mamamayan ang pamamayagpag nina Duterte at Marcos lalo sa panahon ng pangangampanya. Nananawagan ang NDFP-ST sa mga tunay na lingkod bayan sa rehiyon na pakinggan ang daing ng taumbayan at makipagkaisa sa kanilang interes, hindi sa paksyong Duterte-Marcos. Itutok natin ang nagkakaisang hanay ng mamamayan sa paglaban sa maiitim na balak nina Duterte at Marcos sa eleksyon 2022.
Habang nilalabanan ang pangkating Marcos-Duterte, nararapat na ipagpatuloy ang pambansa demokratikong rebolusyon dahil nananatili ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Nararapat na magkaisa ang mamamayan tungo sa landas ng rebolusyon upang ganap na wakasan ang ganitong sistema.###