Pigilan ang umiigting na pandemya ng karahasan sa kababaihan at sa iba pang sektor! Palayain sina Jen Nagrampa-Caballero, San Andres at lahat ng bilanggong pulitikal!
Mariing kinukundena ng MAKIBAKA-Bikol ang iligal na pag-aresto kay Bikolana Gabriela Chairperson Jenelyn Nagrampa-Caballero noong Hulyo 8 habang siya ay nasa kanyang tahanan sa San Isidro, Nabua, Camarines Sur. Si Nagrampa-Caballero ay isa sa mga kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan sa rehiyon.
Inaresto rin noong Hulyo 10 si Pastor Dan San Andres, tagapagsalita ng KARAPATAN-Bikol at pari ng UCCP sa Sipocot. Parehas silang inaresto batay sa gawa-gawang kasong murder.
Hindi pa man natutuyo ang tinta ng pirma ni Duterte sa papel ng bagong batas na Anti-Terror Act (ATA) ay umarangkada na ang kanyang mga kampong militar at pulis sa pag-aresto ng mga kritiko ng kanyang rehimen. Sa rehiyon ng Bikol, sina Nagrampa-Caballero at San Andres ang mga unang biktima ng higit pang kabangisan ng berdugong si Duterte sa pagtugis sa mga itinuturing niyang banta sa kanyang paghahari.
Ang kalunus-lunos na kalagayan ng kababaihan at ng lahat ng masang api’t pinagsasamantalahan ang nagtulak kina Nagrampa-Caballero, San Andres at puu-puong libo pang mamamayang organisahin ang kanilang hanay at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Bahagi ang pasistang paghahari ni Duterte ng bulok, macho at pyudal na kulturang laganap sa malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ngayong panahon ng COVID-19, lalo pa ngang tumingkad ang pangangailangang bumalikwas at magprotesta. Hindi kriminal kundi mga huwaran ang mga tulad ni Nagrampa-Caballero na pinipiling lumaban para sa kapakanan at kagalingan ng kanilang sektor at ng malawak na sambayanan kahit pa sa gitna ng mga limitasyong dala ng pandemya.
Mula nang ideklara ang lockdown, maraming kababaihan ang naging biktima ng karahasan sa loob mismo ng kanilang mga tahanan dulot ng mapanupil at sapilitang pagpiit sa kanila ng estado sa kanilang mga bahay. Nakararanas din ng diskriminasyon at kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang-tao ang hanay ng LGBT sa panahong ito – mula sa mga bastos at hindi makataong parusa hanggang sa pagbabawal sa kanilang karapatang magpahayag ng opinyon.
Mahigpit na naninindigan ang MAKIBAKA-Bikol na walang anumang batas o patakaran, kabilang na ang ATA, ang makagagapi sa lakas ng kababaihan at ng sambayanang patuloy na dinudusta ng pasistang rehimeng US-Duterte. Kaisa ang kababaihang lumalaban, nananawagan ang MAKIBAKA-Bikol sa kagyat na pagpapalaya kay Nagrampa-Caballero, San Andres at sa iba pang bilanggong pulitikal.
Hindi kailanman magpapapigil at magpapabusal ang magigiting na Bikolana sa teroristang gubyerno ni Duterte. Marami, at patuloy pang darami, ang pumipili sa landas ng paglaban. Nananawagan ang MAKIBAKA-Bikol sa hanay ng kababaihan, LGBT at iba pang sektor ng lipunang humawak ng armas upang baguhin ang abang kalagayang pilit na iginagapos sa kanila ng lipunang malakolonyal at malapyudal.
Palayain sina Jenelyn Nagrampa-Caballero at Pastor Dan San Andres!
Laban, Kababaihan! Tumindig at kumilos laban sa atakeng ala-SEMPO ni Duterte sa Kabikulan!
Ibasura ang Anti-Terror Act at biguin ang batas militar! Pabagsakin ang rehimeng US-Duterte!