Pilit na pinagtatakpan ni Duterte ang kasalukuyang pang-ekonomyang krisis sa bansa
Dismayado ang mamamayang Pilipino sa isinagawang pulong balitaan ni GRP Pres. Rodrigo Duterte noong Setyembre 11 pagdating niya galing sa mga bansang Israel at Jordan. Pawang mga walang kakwenta-kwentang buladas lamang ang lumabas sa bibig ni Duterte sa isang oras na ‘interview’ sa kanya ng kanyang Political Adviser na si Salvador Panelo. Sa gitna ng kumukulong pang-ekonomyang krisis sa bansa, hindi nag-abala si Duterte at kanyang mga alipures sa gobyerno na magkaroon ng mga kongkretong hakbangin sa paglutas nito at pag-alalay sa mamamayang hinahagupit ng matinding kahirapan.
Upang pagtakpan ang nararanasang krisis sa bansa at ang lumalakas na panawagan ng mamamayang Pilipinong pabagsakin ang kanyang rehimeng walang ibang hatid kundi brutalidad at matinding kahirapan, nililibang nya ang publiko sa paninira kay Sen. Trillanes para patahimikin ito at ang kakatwang sabwatan diumano sa pagitan ng mga sundalong Magdalo, Liberal Party at Communist Party of the Philippines para patalsikin sya sa pwesto.
Anuman ang gawing pagtatakip ni Duterte sa kainutilan nya at kawalang-pakialam sa pambansang krisis sa kasalukuyan, hindi nya malilinlang ang mamamayan. Nagkakamali si Duterte kung inaakala nyang mapagtatakpan nya ang palpak nyang pamamalakad sa reaksyunaryong gobyerno at pagpapakatuta sa US at iba pang imperyalistang bansa. Sa tindi ng krisis na nararanasan ng sambayanan, lalo lamang silang itinutulak ni Duterte para maghanap ng ibang alternatibong makapagsasalba sa kanila sa balon ng kahirapan.
Bukas ang pintuan ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan upang sama-sama at hakbang-hakbang na resolbahin ang mga suliranin sa kabuhayan ng mamamayan. Malaon nang pinatunayan ng NDFP ang paghahangad na tugunan ang saligang suliraning ugat ng kronikong krisis ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng pakikibaka, maging sa paglahok sa peace talks. Inihahapag nito ang mahalagang programang pang-ekonomya na tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Hindi lamang nito wawakasan ang pagsandig ng pambansang ekonomya sa imperyalismong US kundi libreng mamamahagi ng sapat na lupaing mabubungkal sa mga magsasaka at magbubukas sa maraming oportunidad para sa hanapbuhay sa mga manggagawa. Higit pa, itinataguyod nito ang isang planadong pambansang ekonomyang nakatuon sa pagpapaunlad ng agrikultura at pagtatayo ng batayan, intermedya at maliliit na industriya at titiyakin nitong tatamasahin ng mamamayan ang kaunlaran at kasaganaan ng bansa.
Kung tutuusin, ang mga hakbanging ito mismo ang pangunahing adyenda ng NDFP sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na ilang beses na tinalikuran ni Duterte sa paulit-ulit na pagkansela sa peace talks. Sadyang walang intensyon si Duterte na isulong ang interes ng mamamayan.
Nananawagan ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan sa lahat ng mamamayang makiisa sa panawagan ng malawak na pambansang rebolusyonaryong hanay upang singilin at ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte. Suportahan at itaguyod natin ang demokratikong rebolusyong bayan na inilulunsad ng New People’s Army sa kanayunan na katuwang ng mga ipinupunla nating demokratikong gobyernong bayan. Kaisa kami ng mamamayang Pilipino sa paghahangad na ibagsak ang rehimeng US-Duterte at isulong ang pambansa-demokratikong programa na tunay na maglilingkod at magsisilbi sa interes ng mamamayan.###