Pinagkakakitaan ng rehimeng US-Duterte ang E-CLIP
Notoryosong balon ng korupsyon ang kampanyang pagpapasuko ni Duterte. Ang malubha pa, magsasaka ang kalakhan sa mga biktima nito. Sa Bikol, linulunod sa kurakot ng sandamakmak na listahan ng mga peke at sapilitang sumuko ang mga heneral ng 9th IDPA, iba pang upisyal-militar, RTF-ELCAC, NTF-ELCAC, at iba pang galamay ng pasistang rehimen. Sa huling kwarto ng 2020 hanggang Hunyo 2021, sa prubinsya pa lamang ng Masbate ay 538 sibilyan na ang sapilitang pinasuko ng militar at pulis.
Sa kabila ng mga pahayag na malapit na umanong mapulbos ang NPA, patuloy pa ring tumataas ang badyet na ilinalaan ng rehimeng US-Duterte para sa kampanyang kontrainsurhensya. Ilangdaang ulit pa ngang mas malaki ang pondo sa kontrainsurhensya kaysa sa pondo sa agrikultura at reporma sa lupa. Mula 2017 hanggang 2019, tumaas nang halos 480% ang pondong ilinaan sa ECLIP habang isa sa mga ahensyang may pinakamaliit na pondo ang DA at DAR.
Habang hindi na malaman ng mga magsasaka paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita, P65,000 kada pekeng surrenderee ang nadaragdag sa makakapal nang bulsa ng upisyal-militar. Marami na mula sa hanay ng mga magbubukid ang nagsiwalat ng iba’t ibang modus operandi ng ECLIP sa rehiyon. Kung paano lamang sila pinilit ng militar na pumaloob sa programa, kung paano sila lininlang at sinabing mayroong pagtitipon at bigla na lamang pinapirma sa mga blangkong papel at ipinaradang NPA, kung paanong ang mga sobreng iniaabot sa kanila sa gitna ng entablado ay binabawi lang din sa dulo ng programa at kung paanong photo ops lang naman ang habol ng militar. Noong Disyembre 2019, lalong nabunyag ang kabulukan ng ECLIP nang hambog na ilathala ng 2nd IBPA ang naka-Photoshop na litrato ng mga magsasakang sibilyang diumano’y sumukong NPA. Lumulutang ang paa at pinagtagpi-tagpi lamang ang litrato mula sa ibang mga litrato ng pekeng pagpapasuko.
Ang mga bulok na programang tulad ng E-CLIP at ang kainutilang magpatupad ng makabuluhang reporma sa lupa at unahin ang kagalingan ng mga magsasaka at iba pang anakpawis ang higit na nagpapatingkad sa baho ng reaksyunaryong gubyerno. Nananawagan ang PKM-Bikol sa masang Bikolanong higit pang palakasin ang kanilang pagkakaisa at paglaban sa korupsyon at pasismo. Kagyat na i-ulat ang anumang kaso ng peke at sapilitang pagpapasuko at iba pang pang-aabusong militar.
Nananawagan din ang PKM-Bikol sa mamamayang Bikolano na maging mapanuri, laluna ang mga kagawad ng midya. Marapat lamang na makipagkapit-bisig sa hanay ng mga magsasaka sa kanilang laban sa pasismo at militarisasyon. Marapat lamang na itakwil nila ang pagiging instrumento ng saywar at disimpormasyon.
Hindi kailanman mailalayo ng mga programang gaya ng E-CLIP ang loob ng masang magbubukid mula sa demokratikong rebolusyong bayan na sa pangunahin ay digma ng mga magsasaka para sa lupa. Ito ang kanilang tanging sandata laban sa pyudalismo at iba pang salot ng lipunan. Ang mga kontrainsurhensyang programa ng mga reaksyunaryong rehimen ay hamon upang ibayo pang makapagpukaw, makapag-organisa at makapagmobilisa ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan at mapalakas hanggang sa ganap na maipagwagi ang makatwirang digma ng mamamayan.