Pinahamak ng 83rd IBPA ang buhay at kinabukasan ng dinukot nilang menor-de-edad
Delikado at malisyoso ang pagpapalaganap ng 83rd IBPA ng balitang kasapi ng BHB ang menor-de-edad na dinukot nila matapos ang engkwentro sa Brgy. Toytoy, Garchitorena, Camarines Sur. Ilinabas nila ang kanyang litrato sa social media, idineklarang child warrior at tinutukan ng baril bilang bahagi ng kasuklam-suklam na pagtutulak ng pinatinding kampanyang kontrainsurhensya. Hindi lamang buhay at kinabukasan ng kanilang dinukot na menor de edad ang kanilang ilinalagay sa panganib, kundi ang kapakanan ng iba pang mga tulad niyang bata at kabataan sa buong rehiyong tiyak na target din ng mga abusong militar. Gagamiting dahilan ng militar at pulis ang naturang insidente upang patindihin pa ang mga operasyong militar sa rehiyon.
Desperadong-desperado ang militar na lumikha ng mga senaryong makasisira sa reputasyon ng BHB at pabanguhin ang kanilang imahe. Hindi kasapi ng BHB ang 16 taong gulang na batang dinukot at itinatago ngayon ng 83rd IBPA. Mahigpit na ipinatutupad at matapat na sinusunod ng lahat ng yunit ng Pulang hukbo ang International Humanitarian Law (IHL), Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRHIL) na pinirmahan din ng GRP, at ang mismo nitong mga patakaran sa pagrerekluta at pagtanggap sa mga nais sumapi bilang Pulang mandirigma o kombatant.
Mulat ang mga bata sa kanayunan sa reyalidad ng pang-aapi at pagsasamantala sa lipunan. Wala silang katiyakang mayroon pang kakainin ang kanilang pamilya sa susunod na araw. Lumalaki sila sa mga komunidad na palagiang inaatake at sinasakyada ng AFP-PNP-CAFGU. Marami sa kanila ang nawalay at nawalan ng mga magulang, kapatid at kamag-anak dahil sa pasismo ng estado. Sa pinakamasasahol na kaso, sila mismo ang nagiging biktima nito.
Ito ang kalagayan ng mga bata at mamamayang Pilipinong nais wakasan ng BHB sa pamamagitan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka. Habang ipinagtatanggol ang mga komunidad na naiikutan at naoorganisa nila, walang-kapaguran nilang ipinapaintindi at pinalalakas sa masang anakpawis ang kapasyahan nilang isapraktika ang karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa mga atake ng kaaway. Puspusang isinusulong ng Pulang hukbo ang armadong pakikibaka upang sa mga susunod na dekada, matamasa ng mga bata at susunod pang henerasyon ang isang lipunang ligtas at makatarungan.
Mahigpit na nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa masang Bikolano na palakasin ang kanilang suporta sa makatwiran at makatarungang digma para sa kapakanan ng mga bata at iba pang aping sektor ng lipunan. Ibinubukas din ng BHB ang kanilang mga yunit at sonang gerilya sa mga elemento ng AFP-PNP-CAFGU na nagnanais maging bahagi ng pakikibaka para sa tunay na lipunang pagbabago. Ang tunay na pagmamalasakit sa kapakanan at kinabukasan ng mga bata ay ang pagtataguyod at pagtatanggol ng kanilang karapatan at kalayaan mula sa pasistang estado. Ito ay ipinamamalas sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsisikap at pakikibaka para makapagpundar ng malaya, demokratiko at makatarungang lipunan.