Pinakamasahol ang kalagayan ng karapatang tao sa Bikol sa ilalim ng tiraniya ni Duterte
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano sa mahigpit na pagkundena sa panibago na namang kaso ng pamamaslang ng mersenaryong pwersa ng AFP-PNP sang-ayon sa atas na kill,kill,kill ng punong pasistang si Duterte. Nitong Oktubre 1, 2021, alas-otso ng gabi, napatay sa pamamaril ng mga armadong kalalakihan ang sibilyang si July Barotillo sa loob mismo ng kanyang bahay sa Sityo Sua, Lamon, Goa.
Si Barotillo ay dating organisador ng progresibong organisasyong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at kasalukuyang naglilingkod bilang Barangay Secretary ng naturang baryo. Si Barotillo ang ika-48 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Bikol ngayong taon.
Mula nang maupo si Duterte sa pwesto, tatlong Bikolano kada buwan ang pinapatay. Mula Hulyo 2016 hanggang Oktubre 1, 2021, umabot na sa 204 Bikolano ang pinaslang ng mga berdugong ahente ng estado. Kalakhan sa kanila ay mga magsasaka at maralita. Ang bilang na ito ang pinakamalaking bilang sa mga nakatalang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa buong kasaysayan ng Bikol. Hinigitan pa nito ang bilang ng pinaslang sa siyam na taong pasistang panunungkulan ni Arroyo.
Hindi na dapat mapahintulutang makapanatili sa pwesto ang mga sagadsaring mamamatay taong tulad ni Duterte. Sa labis na pagkalulong sa kapangyarihan at kayamanan, walang kurapmata niyang pinaghari ang pasistang terorismo laban sa mamamayang lumalaban. Sobra na ang limang taong kaapihan, kahirapan at kagutumang dinanas ng masang Bikolano at mamamayang Pilipino sa kamay ng tirano. Marapat lamang na ubos-kayang magpunyagi ang lahat ng inaapi’t pinagsasamantalahan sa pagkilos para mapabagsak at mawakasan na ang paghaharing Duterte.
Si Duterte ay isa lamang sa mahabang listahan ng mga papet na pangulong nagtataguyod sa pasismo sa ngalan ng interes ng mga among naghaharing-uri. Wala ni isa sa mga nagdaang rehimen ang gumalang at kumilala sa mga karapatan ng mamamayan at kalayaang sibil. Walang ni isang naging sinsero sa pagkamit ng tunay na kapayapaan at katarungan para sa sambayanan. Walang ibang alam si Duterte at ang iba pang mga tulad niya kundi higit pang isubsob ang masa sa kahirapan at kagutuman. Kailanman, hindi maaasahang basta na lamang ibibigay ng mga naghahari-harian ang mga demokratikong interes ng mamamayan. Ang natatangi at pinakamalakas na sandata ng mamamayan laban sa pang-aapi at pagsasamantala ay ang pagsusulong at pagpapanagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng kanilang makatarungang armadong pakikibaka.