Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Iñigo, tunay na hukbo at bayani ng sambayanang Pilipino!

 

Ibinibigay ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa rehiyong Timog Katagalugan ang pinakamataas na pagkilala, pagpupugay at parangal kay Kasamang John Carlo Capistrano Alberto, mas kilala sa tawag na Ka Yago at Ka Iñigo sa mga kasama at masa na kanyang nakapiling sa buhay at kamatayang pakikibaka sa kanayunan.

Namartir si Ka Iñigo habang magiting na nakikipaglaban sa mersenaryong pwersa ng 1st IBPA, 202nd Brigade, Philippine Army sa Sityo Pinamintian, Barangay San Buenaventura, Luisiana, Laguna, bandang alas-9 ng umaga, araw ng Huwebes, ika-14 ng Pebrero, 2019.

Namartir si Ka Iñigo sa kanyang batang edad bilang kadre ng Partido at opisyal ng BHB. Lampas dalawang taon pa lamang si Ka Iñigo sa BHB at halos tatlong taon nang kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Isa si Ka Iñigo sa mga kabataang tumugon sa panawagan ng kilusang pagwawasto na sumampa sa BHB noong huling kwarto ng taong 2016. Ang patuloy na pagpapakatuta sa imperyalismo at walang pakundangang pamamaslang, pagpapahirap, at pandarahas ng pasistang rehimeng US-Duterte sa sambayanang Pilipino ang higit na nagpatibay sa kanyang adhikaing isulong ang armadong pakikibaka at buung-buong ialay ang sarili para sa rebolusyon.

Kumilos si Ka Iñigo sa loob ng lampas dalawang taon sa yunit ng BHB sa larangang gerilya sa hangganang Quezon-Laguna. Dito niya iginugol ang pinakamahalagang bahagi ng kanyang buhay sa paglilingkod sa masa at pagsusulong ng rebolusyon.

Ang larangang gerilya at yunit ng Bagong Hukbong Bayan na kinabibilangan at pinamumunuan ni Ka Iñigo ang nagtagumpay na muling balikan, kilusan at panimulang pasiglahin ang mga rebolusyonaryong gawain sa mga bayan sa hangganang Laguna-Quezon, isa sa mga larangang gerilya ng TK na nasa tarangkahan ng sentrong luklukan ng kapangyarihan ng kaaway.

Ang mga probinsya sa larangang ito ay idineklara ng reaksyunaryong estado na Conflict Manageable and Ready for Development (CMRD) na katumbas ng pagsasabing nalipol na ang pwersa ng NPA dito.

Pinatunayan ng yunit nina Ka Iñigo na malaking kasinungalingan ang pagkalipol ng BHB sa hangganang Laguna-Quezon. Ang yunit nina Ka Iñigo ay buong sikhay na kumikilos rito para tugunan ang interes at kahilingan ng masa laluna sa usapin ng lupa at kabuhayan. Nagamit ni Ka Iñigo ang kaalamang nakuha niya sa kursong Veterinary Medicine upang gamutin ang mga maysakit na kalabaw, kabayo at iba pang alagang hayop ng mga magsasaka sa saklaw ng kanilang larangan. Ito ang isa sa dahilan kung bakit nakilala at minahal siya ng masang magsasaka.

Sa pamamagitan ng mahusay na paglubog sa hanay ng masa, pagtatanggol at pangangalaga sa kapaligiran at pamayanan, nagtagumpay ang BHB na muling mapalapit at yakapin ng masa. Kasama ang BHB ay muling sinuportahan at isinulong ng masa sa hangganang Laguna-Quezon ang armadong pakikibaka.

Sa panahong ito, nagpakita si Ka Iñigo ng mataas na antas ng kahusayan, dedikasyon at disiplina sa pagtupad sa gawain. Gumampan siya bilang giyang pampulitika (GP) at kalaunan bilang Platun Instruktor (PI) sa platung kanyang kinapalooban. Siya ang sumulat sa mga mayor na papel kaugnay ng panlipunang pagsisiyasat sa saklaw ng kanilang larangang gerilya at ng mga kampanyang masa na inilunsad ng kanilang larangan at ng kanilang yunit. Siya rin ang nangunang kadre sa gawaing edukasyon, propaganda at kultura sa kanilang larangan.

Malapit sa kanyang puso ang gawaing medikal kaya kasabay ng pagiging opisyal pampulitika, gumampan din siya bilang opisyal medikal sa yunit at sa larangan.

Maalalahanin, maalaga at mapagmahal si Ka Iñigo sa mga kasama at masa. Palangiti at napakasipag sa gawain. Pana-panahon siyang nagrerehistro ng dinadanas niyang pangungulila sa kanyang mga magulang at kapamilya at ng pagnanais na makita at makasama ang mga ito ng kahit saglit na panahon. Pana-panahon ding hinahanap niya ang alwan ng kanyang dating buhay petiburges bilang kabataang intelektwal. Ganoonman, napangibabawan niya ang mga ito sa pamamagitan ng malalim na dedikasyon sa paglalaan ng kanyang panahon, sarili, talino, husay at galing sa paglilingkod sa masang magsasaka at sa pagsusulong ng mga gawain sa rebolusyon.

Malapit at magiliw sa masa si Ka Iñigo, ngunit matapang siya sa harap ng kaaway. Ipinakita niya ito sa mga nilahukan niyang labanan at sa hindi pag-alintana sa kilos at galaw ng kaaway sa proseso ng pagtupad ng gawain sa larangan.

Dahil sa ipinakitang kahusayan, dedikasyon at disiplina ni Ka Iñigo, inihalal siya ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan bilang kadre ng Komiteng Probinsya na sumasaklaw sa larangang kanyang kinabilangan at pinamunuan. Sa panahon ng kanyang pagkamartir, isa na siya sa namumunong kadre ng Komiteng Larangan na kanyang kinapalooban.

Si Ka Iñigo ay larawan ng tunay na anak ng bayan ng Pilipinas. Isa siyang modelong mandirigma at opisyal ng BHB at huwarang kasapi at kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas. Matapang siya laban sa kaaway ngunit mapagpakumbaba siyang naglilingkod sa masa. Walang hanggan niyang pinahalagahan ang kanyang mga rebolusyonaryong tungkulin at ipinailalim ang kanyang sariling interes para sa interes ng sambayanan. Sa kanyang pagkamartir, walang pag-iimbot niyang inialay ang kanyang kaisa-isang buhay para sa kapakanan ng sambayanan at sa dakilang adhikaing palayain ang inang bayan at itatag ang sosyalismo sa Pilipinas.

Pumanaw man sa kanyang kabataan, hindi kailanman nasayang ang buhay ni Ka Iñigo tulad ng gustong palabasin ng rehimeng US-Duterte. Hindi sa kung gaano katanda sinusukat ang buhay ng isang tao, kundi sa kung ano ang naging kabuluhan nito sa buhay at pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Si Ka Iñigo ang halimbawa ng bagong Gat Andres Bonifacio ng kasalukuyang panahon.

Sa pagkamartir ni Ka Iñigo, nagsimula ang kanyang kawalang kamatayan. Itatala sa aklat ng rebolusyong Pilipino ang kadakilaan ng kanyang buhay at pakikibaka.

Dakila ang buhay at pakikibaka ni Ka Iñigo na magiging inspirasyon at susundan ng kapwa niya kabataan, intelektwal at ng lahat ng mamamayan hindi lamang sa rehiyong Timog Katagalugan, kundi sa buong bansa. Sa harap ng kasalukuyang sitwasyong pambansa kung saan ang sambayanang Pilipino ay maigting na nakikibaka upang ibagsak ang papet, pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte, magsisilbing dagdag na inspirasyon na lalong magpapaalab sa galit at determinasyon ng mga kabataan at sambayanang Pilipino ang buhay at pakikibaka ni Ka Iñigo.

Mabuhay ang buhay at pakikibaka ni Ka Iñigo!
Pasampahin ang libong kabataan na susunod sa yapak ni Ka Iñigo!
Isulong at ipagtagumpay ang digmang bayan!
Mabuhay ang ika-50 anibersaryo ng pinakamamahal na Bagong Hukbong Bayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Iñigo, tunay na hukbo at bayani ng sambayanang Pilipino!