Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Mario ‘Ka Jethro’ Caraig: Bayani ng mamamayan ng Batangas, Bayani ng sambayanang Pilipino!

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng New People’s Army – Eduardo Dagli Command, NPA – Batangas kay Kasamang Mario ‘Ka Jethro’ Caraig, magiting na kadre ng Partido at Hukbo, mahusay na guro, mabuting tao at dakilang kasama na lubos na minahal, hinangaan, kinilala at naging inspirasyon sa libu-libong mamamayan ng Batangas.

Hindi kayang tumbasan ng anumang halaga ang dakilang buhay ni Ka Jethro. Humigit kumulang tatlong dekada ng kanyang ginintuang buhay ay inialay niya sa rebolusyon at pagpapalaya sa sambayanan mula sa labis na pang-aapi at pagsasamantala. Saksi ang mga kasama at masang kanyang nakilala, nakasalamuha at nakasama kung gaano kalalim ang paninindigan at dedikasyon ni K. Jethro sa pagtataguyod at pagsusulong sa interes at kapakanan ng mga uring inaapi’t pinagsasamantalahan.

Binata pa lamang nang mamulat at maorganisa si Ka Jethro. Mula sa uring peti-burges na nasa panggitnang saray, tinalikuran ni Ka Jethro ang layaw ng buhay at higit na piniling igugol ito sa paglilingkod sa mamamayan. Naging lider kabataan din siya ng kanyang kinabibilangang simbahang protestante.

Mula nang maorganisa, naging aktibo siya sa paglahok sa pakikibaka ng mga mamamayan ng Batangas at karatig probinsya ng Cavite para sa pagtatanggol sa lupa, kabuhayan at karapatang panlipunan. Naging organisador sa hanay ng kabataan, mga propesyunal at panggitnang puwersa, mga magsasaka at manggagawa. Masigla din siyang lumahok sa pagbubuo ng mga grupong pangkultura. Makabuluhan ang naging ambag niya sa pagbubuo ng mga malalawak na alyansa ng mamamayan na nagsusulong ng kanilang interes at kagalingan, kahit noong kasagsagan ng pananalasa ng puting lagim ng Batas Militar ng diktadurang rehimeng US-Marcos.

Nang magpasyang sumampa sa hukbo, nakilala si Ka Jethro dahil sa kanyang husay sa aspetong militar partikular sa husay sa paggamit ng pistola. Kinakitaan din siya ng husay at sigla sa gawaing propaganda-edukasyon na ibayong naglapit sa kanya sa puso ng masa. Magiliw sa masa, mainit sa pakikihalubilo kaninuman at walang sawa sa pakikipagtalakayan kahit abutin hanggang magdamag. Ganito laging maaalala ng masa at mga kasama si Ka Jethro. Diplomatiko itong kausap, maunawain at kung sa karaniwang termino ay ‘walang masamang tinapay,’ kaya’t sa anumang problema ng masa siya ang laging hinahanap-hanap para makausap at mapagdulugan.

Malaking bahagi si Ka Jethro sa mga maningning na tagumpay ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan. Naging pundadores ito sa paglalatag at pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng masa sa buong lalawigan. Susing kalahok at nanguna ito sa mga matutunog na taktikal na opensiba ng NPA sa Batangas, sa mga matatagumpay na paglulunsad ng rebolusyong agraryo laban sa mga panginoong maylupa sa lalawigan at sa mga pakikibakang masa para sa tirikan, kabuhayan at hustisyang panlipunan na hanggang sa kasalukuyan ay pinapakinabangan at tinatamasa pa ng libu-libong mamamayan ng Batangas. Punong-puno si Ka Jethro ng pagmamahal at nag-uumapaw na paghahangad na mapagsilbihan ang interes ng masa. Lagi itong nangunguna sa paghahapag ng mga pamamaraan kung paano lulutasin at haharapin ang problema ng masa, problema man ito sa kabuhayan, tirahan at kahit sa personal na aspeto. Kahit sa mga simple at maliliit na bagay ay laging ipinapauna nito ang interes ng masa. Mahigpit nitong tinatanganan ang Tatlong Pangunahing Alituntunin sa Disiplina at Walong Puntong Dapat Tandaan ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa kabila ng pagtugis ng kaaway at pagpapatong ng malaking halaga, hindi kailanman nasilaw dito ang rebolusyonaryong baseng masa sa Batangas at bagkus ay walang sawa siyang minahal, itinaguyod at pinangalagaan dahil sa dakilang ambag niya sa mga tagumpay na hanggang ngayon ay tinatamasa at dinadakila ng mamamayan sa lalawigan.

Malapit at magiliw sa kasama si Ka Jethro. Kahit sa mas nakababatang kadre, nagsasanay na mga upisyal at mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Matiyaga itong magturo ng kanyang kaalaman at kasanayan at kahit sa kabila ng kaabalahan sa trabaho ay laging may oras para sa mga kasama, lalo na sa mga kasamang dumadaan sa krisis at naghahanap ng kalinga at pagpapayo. Para sa lahat ng mga kasama, si Ka Jethro ay isang mabait, mahusay at mapagmahal na kasama. Punong-puno siya ng malasakit. Kailanman ay hindi siya kinakitaan ng anumang bahid ng arogansya o pagmamalaki sa sarili. Sa diwa ng puspusang pagtalima at paglulunsad ng kilusang pagwawasto ng Partido, buong pagpapakumbaba niyang tinukoy at pinuna ang kanyang mga naging bahagi sa kahinaan at puspusang inialay ang sarili para sa pagwawasto at pagsulong.

Higit sa anupaman, inspirasyon si Ka Jethro ng bawat kasama dahil sa kanyang katatagan at dedikasyon para sa rebolusyon. Sa kabila ng kanyang edad at pisikal na karamdaman na ininda ng mahabang panahon, hindi ito kailanman nakaisip na magpahinga o tumigil sa pagkilos. Matiyaga niyang tinanganan at tinupad ang kanyang mga tungkulin, kapiling ng mga kasama, sa pinaka-mahihirap na kalagayan at sitwasyon, sa gitna man ng gutom, sakripisyo o panganib. Hindi siya kailanman nag-alinlangan sa pagtupad sa kanyang tungkulin, kahit kaakibat nito ang mas malalaking hamon at sakripisyo na kanyang kinaharap hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Mariing kinukundena ng Eduardo Dagli Command – NPA-Batangas ang rehimeng US-Duterte at ang pasistang tropa ng pulis at militar ng 1st IB PA sa kasuklam-suklam na pagpapakita nito ng kawalang paggalang sa batas ng digma, sa hindi pagkilala sa karapatan ni Ka Jethro bilang ‘hors de combat’ o wala na sa kapasidad na lumaban at sa walang awang pagpaslang dito sa kabila ng kanyang kalagayan.

Muli lamang ipinakita ng pasistang militar at ng rehimeng US-Duterte ang maka-hayop nitong katangian at kawalang pagpapahalaga sa buhay at karapatang pantao. Sila ang tunay na teroristang kinatatakutan at kinamumuhian ng sambayanan. Si Ka Jethro, at ang kanyang mga kasamang nasawi sa naganap na labanan sa probinsya ng Laguna noong Agosto 4 na sina Ka Termo, Ka Omar at Ka Danny, ay marubdob na hinihirang ng sambayanan bilang mga bayaning hindi kailanman malilimutan at nakaukit na sa puso at isipan ng mamamayan.

Patuloy na minamahal at idinadambana sa puso ng sambayanan ang Bagong Hukbong Bayan at lahat ng rebolusyonaryong martir nito dahil batid ng sambayanan na tanging ito ang tunay na hukbong naglilingkod sa interes nila laban sa mga ganid at mapagsamantalang naghaharing uri at sa nabubuwang na pasistang rehimeng US-Duterte.

Mabuhay ang alalaala ni Ka Jethro at mga kasamang martir ng rebolusyon!

Ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong katapangan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Mario 'Ka Jethro' Caraig: Bayani ng mamamayan ng Batangas, Bayani ng sambayanang Pilipino!