Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Rosalino “Ka Yuni” Canubas
Ipinaaabot ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon sa Cagayan Valley (KTKR-CV) ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Pangrehiyong Kumand sa Operasyon (ROC) ng Bagong Hukbong Bayan ang pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Rosalino Canubas sa kanyang pagpanaw. Nasawi siya sa isang labanan sa Barangay San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela noong umaga ng Marso 15, 2021 habang nagsisikap na makapaglunsad ng taktikal na opensiba laban sa kaaway.
Isa siyang malaking kawalan sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at buong bansa. Ang lahat ng baril ay nakatanghal at ang lahat ng kamao ay nakataas sa Pulang pagsaludo at pagbibigay-pugay ng lahat ng mga pwersa at mamamayan sa Cagayan Valley sa kanyang maningning na buhay at kabayanihan.
Ipinaaabot din namin ang aming pakikidalamhati sa kanyang pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at kasama. Katulad ninyo, di masukat ang aming pagluluksa sa pagbubuwis ng buhay ng mahal naming Kumander at isa sa mga pangunahing lider ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa hilagang–silangang Luzon.
Nagbuwis siya ng buhay sa edad na mahigit 42. Sa buong panahon ng kanyang pagiging Pulang opisyal ng BHB at kadre ng Partido, nakilala siya ng mga kasama at masa sa iba’t ibang pangalan sa pakikibaka, na ang mga pinakahuli ay bilang si Ka Henry, Ka Dondi, at mula nang kumilos siya sa Cagayan Valley ay bilang si Ka Yuni.
Isang Mabuting Anak ng Bayan
Ipinanganak si Ka Yuni noong Agosto 7,1978 sa Davao City, lalawigan ng Davao Del Sur. May asawa at dalawang anak, at bunso siya sa walong magkakapatid. Nagmula siya sa pamilya ng mga settler na galing sa Cebu at nanirahan na sa Davao. Ang kanyang mga magulang ay nakapag-ipon ng pera, nakabili ng lupang tinamnan ng niyog, kape at prutas hanggang naging mayamang magsasaka. Ang mga magulang at ibang mga kapatid ay naging mga rebolusyonaryong aktibista rin.
Nasa ikatlong taon siya sa hayskul nang mahirang bilang presidente ng Student Body Organization. Nag-aral sa kolehiyo sa Holy Cross College Of Calinan at naging aktibo sa Lectors ng kanilang simbahan. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts, Major in History, pero hindi na nagtrabaho dahil sumapi na siya sa BHB.
Bago nito, ang nais sana niya ay pumasok sa seminaryo sa paniniwalang makakatulong siya sa kapwa-tao kapag naging pari. Pero ikinagulat niya nang tumutol dito ang kanyang ama. Napagtanto na lamang niya nang tumagal na ang pangarap pala sa kanya ng magulang ay maglingkod sa sambayanan bilang isang hukbong bayan. Ang tatay din niya ang nag-ayos para makilala niya ang mga kasamang kabilang sa isang yunit ng Hukbong kumikilos sa kanilang lugar.
Sa kanilang baryo ay naging myembro siya ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at gumampan bilang kagawad ng istap sa edukasyon nito. Naging team leader din siya ng Kabataang Makabayan, pero hindi na gaanong nakagampan dahil noong Enero 2001 ay nagpultaym na siya bilang isang Pulang mandirigma.
Mula Timog Mindanao tungong Hilagang Luzon
Naging kandidatong kasapi siya ng Partido noong Agosto 16,2001, at naging ganap na kasapi naman noong Agosto 2,2002. Mula 2002 hanggang 2005, naging team leader ng Tax Implementing Group sa ilalim ng Komiteng Rehiyon ng Southern Mindanao Region (KR-SMR), at naging mabunga ang resulta ng kanilang gawain. Pinakahuling ginampanan niya bilang kagawad ng KR-SMR ang pagiging pampulitikang
opisyal ng lakas-kompanyang SDG ng rehiyon.
Nang mangailangan ng reinforcement sa West Mindanao Region (WMR) dulot ng sunud-sunod na pagkahuli ng pamunuan ng rehiyon doon, naglipat mula sa SMR ng mga bagong tatayong mamumuno. Isa si Ka Yuni sa mga piniling mailipat upang maging kumander dahil maaasahan siya sa gawaing pang-hukbo.
Mula Nobyembre 2010 hanggang Marso 2015 ay gumampan siya bilang Unang Pangalawang Kalihim ng KR-WMR, Kumander ng ROC at Platoon Leader ng RSDG. Gumampan siya ng susing papel sa pangingibabaw ng konserbatismong militar at pagsigla ng mga taktikal na opensiba sa WMR. Sa pamumuno niya, napagdugtung-dugtong bilang baseng gerilya ang mga lugar ng mga katutubong dating mailap sa rebolusyonaryong kilusan. Mula sa umiiral na apat na platun ng BHB sa WMR nang siya’y malipat doon, napalaki nila ito sa walong platun sa panahong inilipat na siya sa hilagang Luzon.
Sabi ni Ka Yuni: “Sa aking pagkilos doon sa WMR, doon ko naranasan ang sakripisyo, gutom, maraming kolum ng kaaway; pero naintindihan ko naman ang mga kahirapang ito, nakakatulong sa konsolidasyon sa sarili para mas pahusayin pa ang pagpapel sa pagtatayo ng base, pagkakasa ng rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka; pursigido rin ako sa pagtupad ng mga atas na galing sa higher organ sa usaping militar.”
Sa buong panahong pagkilos ni Ka Yuni sa dalawang rehiyon sa Mindanao, gawaing militar ang pinakamatingkad niyang kalakasan. Sa SMR, ang ilang tampok na matagumpay na aksyong militar na isa siya sa mga namuno ay ang reyd sa Dapecol, sa Davo del Norte; reyd sa San Isidro PNP Station sa Davao Oriental; Reyd sa Provincial Jail ng Davao Oriental, reyd sa Banay-Banay PNP Station, at reyd sa Temporary Patrol base ng 28th IB sa Banay-Banay, Davao Oriental.
Nang mailipat siya sa WMR, pangunahing kumilos ang pinamumunuan niyang yunit sa militarisado at nirerekober na erya. Nakaranas sila roon ng marami-raming depensibang labanan, bagama’t sa mga labanang iyon, karamihan ay naagaw nila ang inisyatiba at nakapagkontra-opensiba laban sa kaaway. Ang ilan sa mga tampok na taktikal na opensiba nila ay ang reyd ng PNP station sa Tigbao, Zamboanga Del Sur at reyd sa PNP station sa Don Victoriano Chiongbian, Misamis Occidental.
Noong 2016, ilang kadre ang inilipat mula Mindanao patungong Hilagang Luzon na ayon sa Komite Sentral ng Partido ay mga kabilang sa mga salik sa pagsulong ng digmang bayan sa Mindanao, at pagtugon na rin ng mga sulong na rehiyon at teritoryo sa panawagang mag-ambag sa pagpapalakas sa mga nahuhuling rehiyon. Kabilang si Ka Yuni sa mga kadreng ito. Mula Mayo hanggang Setyembre 2016, naitalaga siya bilang Kumander ng ROC at RSDG at nasa kalihiman ng dating Komiteng Rehiyon sa Dulong Hilagang Luzon; at muling nailagay sa gayunding mga katungkulan nang maitayo muli ang Komiteng Rehiyon sa Cagayan Valley (KR-CV) noong Oktubre 2016.
Nahalal siya bilang regular na kagawad ng Komite Sentral sa makasaysayang Ikalawang Kongreso ng Partido. Mula Enero 2017 hanggang 2019, gumampan siya bilang ikalawang pangalawang kalihim ng KR-CV, at mula Enero 2020 hanggang sa kanyang pagmamartir nitong 2021 ay bilang unang pangalawang kalihim nito. Kumander din siya ng ROC at RSDG sa Cagayan Valley sa parehong mga panahon.
Sa rehiyon, ang mga tampok na taktikal na opensibang pinamunuan niya ay ang reyd sa municipal police station sa Maddela, Quirino noong Abril 29 na kinasamsaman ng limang M16 at walong pistol at kinasawian ng isang kaaway; at ang tambang sa isang platun ng 52nd Division Reconnaisance Company sa Kasibu, Nueva Vizcaya noong Setyembre 1, 2017 na kinasamsaman ng isang K3 machine-gun at tatlong R4 rifle at kinasawian ng anim na kaaway.
Huwarang Lider ng Partido at Kumander ng Hukbo
Sa relatibong maikling panahong pagkilos ni Ka Yuni sa Cagayan Valley, marami at malalaki ang kanyang mga naiambag sa pagsusulong ng mga rebolusyonaryong gawain. Mayaman at maningning ang mga aral sa kanyang buhay at pakikibaka na mananatili sa alaala at laging pahahalagahan ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa.
Ehemplo siya ng mahigpit na pagtupad sa panawagan ng Partido ng pagtungo sa mga lugar na mas mahirap ang kalagayan at mahigpit ang pangangailangan. Una niyang ipinamalas ito sa kanyang paglipat mula SMR tungong WMR, at sa muling paglipat mula Mindanao tungong Hilagang Luzon. Determinado at mapagpunyagi siya sa pag-abot sa mga target kahit sa napakahihirap na kalagayan, katulad ng namalas sa kanyang pamumuno sa mga gawaing pagrekober sa mga eryang matatagal nang naiwanan, sa mga lalawigan ng Quirino, Nueva Vizcaya at bahagi ng Aurora at sa mga dugtungan ng mga larangang gerilya at lalawigan. Kahit kabagu-bago sa isang erya, mabilis siyang nakakapaghanda at nakakapaglunsad ng matatagumpay na aksyong militar at nakakapagpundar-muli ng baseng masa.
Mabubunga ang kanyang mga gawain dahil sa kapangahasan at malakas na kagustuhang isulong nang mas mabilis ang mga gawain, anuman ang makaharap na sagabal at maranasang hirap. Hindi nasisiphayo sa mga kabiguan at pag-atras at sa halip ay laging nagpupursigeng makapangibabaw at bumwelo-muli. Hands-on sa pagpapatupad ng mga tungkulin, sa gawaing militar man o sa iba pa. Dahil dito, nabibigyang inspirasyon, lumalakas din ang loob at umuunlad ang kakayahan ng mga pinamumunuan.
Habang kilala siyang matapang at mahusay na kumander, kinagigiliwan din siyang lider na palangiti, malumanay magsalita at aktibo sa paggawa at pagbigkas ng tula, pagkanta at pag-arte. Madali siyang makagaanan ng loob at ituring ng mga kasama at masa bilang datihan nang kakilala at kasama dahil, bukod sa iba pang mga positibo niyang katangian, nagsisikap siyang ilapit ang sarili sa kanila, anuman ang kanilang pinagmulang uri at lugar at anuman ang angking katangian at kakayahan. Madali siyang napamahal sa mga kasama at masa saanman siya umikot at lumubog.
Masigasig siya sa pag-aaral at matiyaga sa pagtuturo, sa usaping teoretikal man o praktikal. Sumisigla siya lalo kapag nakaupo sa mga pag-aaral at aktibo sa paglahok sa mga talakayan. Mahigpit ang tangan sa mga programa at naitakdang mga tungkulin. Walang sinasayang na oras at itinutulak ang pagpapabilis sa mga gawain, nang may pagsasaalang-alang sa aktwal na kakayahan at kalagayan.
Matalas ang kanyang pakiramdam sa mga bara at balakid sa pagpapatupad at maagap sa pagharap sa mga problema. Matiyaga siya sa pagsisiyat at pag-alam sa kalagayan kapwa sa aspetong militar at panlipunan. Lumalahok sa gawaing produksyon ng masa at nagsasagawa ng mga case study kaugnay ng produksyon sa isang partikular na lugar.
Mapagpakumbaba at walang makitang anumang kayabangan, laging bukas matuto at bukas sa mga ideya ng iba. Katulad ng iba pang mga kasama ay may mga kahinaan at pagkakamali rin si Ka Yuni, pero ang pinakamahalaga ay ang kanyang pagiging kritikal-sa-sarili; hindi na niya hinihintay na punahin pa siya, bagkus kusang nagpupuna sa sarili at nagpapakita ng pagwawasto.
Malaking karangalan ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na sa Cagayan Valley inihandog ni Ka Yuni ang huling ginintuang limang taon ng kanyang buhay at pakikibaka. Ang salaysay ng kanyang buhay at mga mahuhusay niyang katangian ay nagsisilbing inspirasyon at tanglaw sa amin upang higit pang magpunyaging pangibabawan ang mga kahirapan at balakid at matatag na sumulong mula sa mga tagumpay tungo sa mas malalaki pang tagumpay.
Ibaling ang pighati sa rebolusyonaryong katapangan! Ipaghiganti ang pagkamatay ni Kasamang Yuni at iba pang mga bayani at martir ng demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang mga ginintuang alaala at aral mula sa buhay at pakikibaka ni Kasamang Yuni!
Pangibabawan ang mga kahirapan at pursigidong isulong ang digmang bayan tungo sa mas mataas na antas!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!