Pinakamataas na pagpupugay kay Noel “Ka Cely” Levanta, Guro ng Partido at Mag-aaral ng Masa
Ipinagkakaloob ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) ang pinakamataas na parangal kay Kasamang Noel “Ka Cely” Levanta, martir ng rebolusyon at mahusay na anak ng bayan. Pataksil na pinaslang si Ka Cely ng 80th IBPA sa isang depensibang labanan sa isang yunit ng NPA noong Marso 28, 2020 sa Sitio Malasya, Brgy. Puray, Montalban, Rizal bandang 2:00 ng hapon. Sa gitna ng deklaradong tigil-putukan sa pagitan ng NDFP at ng GRP, patraydor na inatake ng 80th IBPA ang yunit ng NPA na ipapatupad ang komprehensibong programang pangkomunidad para tugunan ang pangangailangan ng mamamayan ng Rizal habang kanilang dinaranas ang krisis na dulot ng militaristang hakbangin ng rehimeng US-Duterte sa pagharap sa CoViD19. Higit pa sa pagluluksa ng mga masa, mga Pulang mandirigma, at iba pang mga rebolusyunaryong pwersa, patuloy na naglalagablab ang apoy ng paglaban sa buong lalawigan ng Rizal para kamtin ang katarungan sa pagkamatay ni Ka Cely.
Nakilala si Ka Cely ng kanyang mga kasama sa yunit bilang isang mahusay na instruktor ng mga kursong masa at araling pampartido. Nagagawa niyang maipaliwanag sa mga kasama at sa mga masa sa pinakamadaling paraan ang tila ba mahirap na maintindihang mga konsepto mula sa krisis ng imperyalismo at kapitalismo hanggang sa rebolusyon. Bunga ito ng kanyang hilig sa pagbabasa ng mga rebolusyunaryong lathalain. Iniaangat niya sa praktika ang mga teoryang kanyang natututunan sa mahigpit at masiglang paggampan sa gawaing pag-oorganisa at gawaing edukasyon.
Para maging mahusay na guro ng sambayanan, inialay at patuloy na ginampanan ni Ka Cely ang pagiging mag-aaral ng masa. Hindi niya iniangat ang kanyang sarili sa toreng garing, bagkus ay inilapat niya ang mga paa sa lupa kasama ng mga maralitang taga-lungsod at mga magsasaka. Pinag-aralan niya ang buhay ng masa sa pamamagitan ng paglubog sa kanilang simpleng pamumuhay. Bilang mag-aaral ng masa, mahigpit niyang binaka ang kanyang mga burges na gawi at isinabuhay ang puspusang pakikibaka sa pagtupad ng rebolusyunaryong gawain sa hanay ng mamamayan.
Malapit si Ka Cely sa masa, lalo na sa hanay ng mga Dumagat at Remontado na sumasalamin sa kalagayan ng kanyang tribong pinagmulan – ang mga Lumad ng Mindanao – upangpalakasin ang diwang mapanlaban ng mga katutubo sa Rizal laban sa pangangamkam ng malalaking burgesyang komprador at dayuhang kapitalista sa kanilang lupaing ninuno. Hindi maitatanggi ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ni Ka Cely sa mga masa sa panahong ang hukbo ay kalahok sa pagtulong sa gawain ng mga masa sa produksyon.
Sa kabila ng kanyang mga limitasyon sa pangangatawan at kalusugan ay nanatiling mataas ang kanyang diwa at moral na sumabak sa lahat ng gawain bilang isang tunay na hukbo ng mamamayan. Sapol ni Ka Cely ang karahasan ng digmaan, subalit hindi ito naging hadlang sa kanya para sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, bagkus lagi niyang sinasabi sa mga kasama na “kapag mapanghawakan natin ng mahigpit ang ating mga batayang prinsipyo, tiyak na aabutin pa natin ang tagumpay” upang ipatimo ang buong-buhay na pag-aambag para sa pagsulong ng rebolusyon. Hanggang sa kanyang huling hininga, taglay niya ang mapanlabang diwa na bigwasan ang pasista’t mersenaryong tropa ng AFP at PNP, sa pakanang pagdurog rehimeng US-Duterte sa Bagong Hukbong Bayan..
Nilisan man ni Ka Cely ang lunsaran ng digmaan, hindi na siya mawawala sa isipan ng mamamayang kanyang pinaglingkuran. Naihasik na ang binhi ng rebolusyunaryong kilusan sa lahat ng kanyang kinilusang mga baryo at komunidad. Ipagpapatuloy ng kanyang mga naturuan at nakadaupang-palad ang paglulunsad ng matagalang digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay! Tatanganan ng libu-libo niyang naorganisa sa kalunsuran ang armas na kanyang nabitawan at patuloy na paiigtingin ang digmang bayan sa kanayunan!