Pinakamataas na pagpupugay sa makatang mandirigma at kadreng pangkultura ng rebolusyon at ng sambayanan na si Kerima Lorena “Ka Ella” Tariman!

Isang pulang saludo para kay Kerima! Nitong August 20,2021, napaslang si Kerima o mas kilala bilang si Ka Ella kasama ang isa pang mandirigma na si Ka Pabling sa isang labanan sa Silay City, Negros Oriental.

Si Kerima ay isang mahusay na makata at manunulat. Sa mga panahong nakasama siya ng ARMAS- RRPMadrigal Chapter, ang kanyang kaalaman sa sining at kultura ay kaniyang ibinihagi hindi lang sa mga miyembro ng ARMAS kun’di sa bawat masang kanyang nakakasama. Naging huwaran din siya ng maramjng artista’t manunulat dahil sa kanyang pagiging matiyaga, maalalahanin at higit sa lahat sa pagiging magiliw sa mga kasama.

Taong 2019 ang huling pagkakataong nakasama namin siya para sa isang gawain sa isang rehiyon. Sa kanyang pagiging malikhain at pagiging maagap sa pagkilos, naidaos ng matiwasay ang aming inihandang programa para sa masa. Lubusang kinagalakan ng mga manonood ang naturang palabas. Kahit pa sa gitna ng matinding panunupil, walang nakapigil sa aming ginawang kultural na aktibidad bagkus, ito pa nga ay umani ng papuri mula sa masa at nagbigay ng lakas ng loob upang patuloy na lumaban.

Matatandaang kamakailan lamang ay napaslang si Kasamang Ronnel Madrigal na isang hukbong kadreng pangkultura at makalipas ang ilang linggo, si Kasamang Parts Bagani naman ang walang-awang tinugis ng mga militar.

Nagpupugay ang ARMAS-RRPMadrigal Chapter sa mga artistang nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan! Nagdulot man ng matinding kalungkutan ang kanilang pagkawala, nagpapatunay naman ito na marami pang mga artistang tatahakin ang landas ng pakikibaka. Mas lumalawak ang mga artista’t manunulat na bukod sa paglikha ng sining para sa sambayanan, humahawak rin ng armas at nagiging bahagi ng Armadong Pakikibaka!

Ang mga buhay ng mga Artista ng Bayan at ng iba pang mga martir ng rebolusyon ay hindi kailanman masasayang sapagkat patuloy tayong lalaban kasama ang masang pinagsasamantalahan hanggang sa nalalapit na tagumpay!

ASAHAN ANG MAS MARAMI PANG MGA ARTISTA NG BAYAN ANG SASAPI SA PAKIKIDIGMA NG SAMBAYANAN!

Pinakamataas na pagpupugay sa makatang mandirigma at kadreng pangkultura ng rebolusyon at ng sambayanan na si Kerima Lorena "Ka Ella" Tariman!