Pinakamataas na parangal ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas kay Kasamang Fidel V. Agcaoili
Translation/s: EN
Nagluluksa ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pagpanaw ni Kasamang Fidel V. Agcaoili noong Hulyo 23, 2020 sa Utrecht, The Netherlands. Siya ay 75 taong gulang. Ipinararating ng Komite Sentral ang pakikiramay sa asawa niyang si Chit at kanilang mga anak at apo, sa lahat ng organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa mga kasama sa Negotiating Panel ng NDFP, at sa mga kamag-anak at laksang kaibigan ni Ka Fidel.
Si Ka Fidel ay isang bayani ng rebolusyong Pilipino. Nararapat na igawad sa kanya ang pinakamataas na parangal. Kaugnay nito, idinedeklara namin ang Agosto 8, 2020, ang ika-76 na araw ng kaarawan ni Ka Fidel, bilang Pambansang Araw ng Pag-alala at Pagpupugay kay Kasamang Fidel V. Agcaoili.
Tinatawagan ng Komite Sentral ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa, mga progresibo, mga pwersang makabayan at demokratiko, ang mga migrante at iba’t ibang aping sektor, mga detenidong pulitikal, gayundin ang mga iba’t ibang organisasyon at personaheng anti-imperyalista sa buong daigdig, na maglunsad ng mga pulong parangal at iba’t ibang aktibidad saan man sila naroroon para gunitain at ipagdiwang ang buhay ng pakikibaka ni Ka Fidel at paglilingkod niya sa bayan at rebolusyon.
Sa nagdaang limang dekada, iniukol ni Ka Fidel ang kanyang dugo’t pawis, oras at kaalaman para sa dakilang layunin ng sambayanang Pilipino na kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya, bilang bahagi ng pagsusulong ng pandaigdigang kilusan ng uring manggagawa para sa sosyalismo at komunismo.
Kabilang si Ka Fidel sa henerasyon ng mga kabataang Pilipino noong dekada 1960 na humamon sa pananaig ng ideolohiyang antikomunista at kontrarebolusyon na itinaguyod ng imperyalismong US at reaksyunaryong estado. Naging bahagi siya ng muling pagpapaalab sa diwa ng patriyotismo at demokrasya at pagbabagtas sa landas ng aktibismo at paglilingkod sa bayan. Sumapi siya noon sa SCAUP (Student Cultural Association of the University of the Philippines) at kabilang sa mga tumulong sa pagtatatag ng Kabataang Makabayan noong 1964. Tinalikuran niya ang kumportable at marangyang buhay. Iniambag niya ang lahat ng makakaya sa pagpukaw at pagpapakilos sa sambayanang Pilipino.
Si Ka Fidel ay isang tapat na kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Hinirang siyang upisyal ng Komite Sentral noong 1970 at gumampan ng mahahalagang tungkulin sa noo’y bagong tatag na Partido. Sa mahigit limang dekada, matatag na itinaguyod ni Ka Fidel ang linya ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Isa siya sa mga haligi kapwa ng una at ikalawang dakilang kilusang pagwawasto.
Gumampan si Ka Fidel ng iba’t ibang mga gawain para sa pagpupundar ng Partido at ng armadong lakas ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa. Kinatawan noon ni Ka Fidel ang namumunong mga organo ng Partido sa pakikipag-ugnayan nito sa mga partido komunista sa iba’t ibang bansa. Hindi niya ininda ang mga sakripisyo para gampanan ang malalaki at maliliit na tungkulin.
Sa ilalim ng batas militar, matapang niyang hinarap ang mga peligro sa paglaban sa pasistang paghahari ng diktadurang Marcos. Nadakip noong 1974 si Ka Fidel, kasama ang kanyang asawa at noo’y dalawa nilang anak. Matatag niyang hinarap ang matinding tortyur, kapwa pisikal at mental, bilang bilanggong pulitikal. Lumaya siya noong 1985, matapos ang halos 11 taon pagkakakulong, ang pinakamatagal na bilanggong pulitikal sa ilalim ng pasistang diktadura, labis pa sa itinatakdang sentensya sa salang rebelyon ng reaksyunaryong batas. Sa panahong nakakulong, humalaw ng lakas si Ka Fidel sa nakikibakang sambayanan. Ipinamalas niya ang militansya, tapang at walang kapagurang paglaban sa diktadura ni Marcos.
Nang makalaya mula sa bilangguan ng diktadura, tumulong si Ka Fidel sa pagtatatag ng Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) na kabilang noon sa mga nanguna sa paglaban para sa pagpapalaya ng daan-daang bilanggong pulitikal. Mahigpit rin siyang nakipagtulungan at namuno sa iba’t ibang mga organisasyong nagtaguyod sa karapatang-tao. Hanggang sa huli niyang sandali, aktibo niyang binabatikos ang mga paglapastangan ng reaksyunaryong estado laban sa mga karapatan ng mamamayan.
Matapos mapatalsik si Marcos, naging katuwang si Ka Fidel sa paghahanda sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa rehimeng Aquino noong 1986 na malao’y naunsyami kasunod ang masaker sa Mendiola noong Enero 1987. Naging abala rin noon si Ka Fidel sa mga pagsisikap sa pagtatatag ng Partido ng Bayan (PnB) noong 1986. Sa gitna ng madugong kampanya ng pamamaslang ng magkakaribal na pasistang paksyon sa AFP laban sa mga progresibo at demokratikong pwersa, buo ang loob niyang hinarap ang malalaking banta sa kanyang buhay nang humalili siyang tagapangulo ng PnB matapos patayin ng mga tauhan ni Enrile-Honasan sa Reform the Armed Forces Movement (RAM) ang una nitong tagapangulo na si Rolando Olalia at kasamang si Leonor Alay-ay noong Nobyembre 1986, na sinundan ng pagpaslang kay Leandro Alejandro, pangkalahatang kalihim ng Bayan, noong Setyembre 1987.
Dahil sa mga peligro sa kanyang buhay, lumipad si Ka Fidel patungo sa Spain noong 1988. Doon ay inempleyo siya ng grupong Instituto de Estudios Politicos para América Latina y Africa (IEPALA). Mula sa kanyang tirahan sa Spain, nagpatuloy si Ka Fidel sa paggampan ng iba’t ibang mga tungkulin para sa sambayanang Pilipino.
Noong 1989, naging bahagi si Ka Fidel ng NDFP Negotiating Panel sa muling pagpapatuloy ng pakikipag-usapang pangkapayaan sa rehimeng Aquino sa The Netherlands. Mula 1992, tumayo siyang pangalawang tagapangulo nito at naging bahagi ng pagbubuo at paglagda ng mahahalagang kasunduan sa pagitan ng NDFP at GRP, kabilang ang mga kasunduang pundasyon at balangkas ng usapang pangkapayapaan na may bisa at kabuluhan hanggang kasalukuyan. Pinamunuan ni Ka Fidel ang Human Rights Committee ng NDFP na aktibong nagtaguyod sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at naglantad sa mga paglapastangan ng reaksyunaryong estado laban sa mga karapatan ng mamamayan.
Humalili si Ka Fidel kay Kasamang Louie Jalandoni bilang tagapangulo ng Negotiating Panel ng NDFP noong 2017. Bilang upisyal sa usapang pangkapayapaan, ilang ulit na nakauwi si Ka Fidel sa Pilipinas upang makipagkonsultasyon kapwa sa mga upisyal ng NDFP at ng GRP. Nakahalubilo niya ang mga namumunong kadre ng Partido, ang mga Pulang mandirigma at ang rebolusyonaryong masa sa mga larangang gerilya ng BHB. Kahit may edad na, nagawa pa rin niyang maglakad sa mga parang at bundok.
Gumampan din ng malaking bahagi si Ka Fidel sa pagkatawan at pakikipagkaibigan ng Partido at ng NDFP sa iba’t ibang mga partido, organisasyon at kilusan sa iba’t ibang panig ng mundo. Matatag niyang pinanghawakan ang mga saligang prinsipyo ng Partido at puspusang nagsikap na gamitin iyon sa pagpukaw ng rebolusyonaryong proletaryong diwa at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga nakakaugnayan pwersang rebolusyonaryo at progresibo.
Nagsilbi rin siyang guro at inspirasyon ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa pagbubuo nila ng kanilang mga organisasyon, at paglahok sa rebolusyong Pilipino.
Kilala si Ka Fidel bilang isa sa pinakamatatag na haligi ng internasyunal na kilusang anti-imperyalista. Masigasig siya sa pagbubuo ng pagkakaisa ng mamamayan. Itinulak niya ang pagsuporta sa pakikibaka ng mamamayan ng Palestine, Kurdistan, Turkey, Cuba, Bolivia, China, North Korea, Japan, India, Nepal, Libya at marami pang nakikibaka laban sa imperyalismo at para sa kanilang karapatan sa pambansang pagpapasya. Sinuportahan niya ang pakikibaka ng masang manggagawa at iba pang aming mamamayan sa United States, Japan, Germany, Australia, New Zealand at iba pang mga kapitalistang bansa.
Bilang kinatawan ng International Network for Philippine Studies, malaki ang mga ambag niya sa pagtatatag at pagpapalawak ng International League of Peoples’ Struggle na ngayo’y pinakamalakas na pandaigdigang pangmasang pormasyong nagbubuklod sa malawak na hanay ng mga pwersang anti-imperyalista at demokratiko. Ito ngayon ang pangunahing balwarte ng internasyunal na pagkakaisa ng mga mamamayan sa buong daigdig.
Si Ka Fidel ay huwarang kinatawan ng rebolusyonaryong kilusan. Lagi siyang matiyaga sa pagpapaliwanag ng mga punto at handa anumang oras na sumagot sa mga katanungan ng masmidya, ng mga aktibista, migrante at kaibigan. Laging mahinahon, rasonable at malalim na nakaugat sa teorya at kasaysayan ang kanyang mga paninindigan.
Subalit marunong din siyang magbitiw ng mabibigat na salita kung ang pinatutungkulan ay ang nang-aapi at nagsasamantala sa sambayanan. Ang kanyang matatalas na pahayag ay naglantad at bumatikos sa mga kasinungalingan ng mga reaksyunaryo.
Si Ka Fidel ay isang matapat na mag-aaral at guro ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Masugid siya sa pagbabasa at sa paglalapat ng teorya para matalas na suriin ang mga pangyayari sa Pilipinas at sa buong mundo. Hindi siya nangingimi sa paglalahad ng kanyang pananaw, pero laging siyang bukas na makinig sa opinyon ng iba. Lagi rin siyang handa na tumanggap ng puna at itama ang kanyang mga pagkakamali o kahinaan.
Madaling makapalagayang-loob si Ka Fidel, kahit ng mga bago pa lamang nakakikilala sa kanya. Mahilig siyang magbiro at madali ring biruin. Lagi niyang iniuuna ang kapakanan ng iba. Lubos na mapagmahal si Ka Fidel sa lahat ng mga kasama at mahal na mahal din siya ng lahat.
Ang di mabilang na ambag ni Ka Fidel ay libu-libong hiblang mahigpit na nakahabi sa malawak na pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Itinuturing siya ng proletaryo at sambayanang Pilipino bilang kanilang bayani. Ang kanyang alaala ay laging mananatiling nasa diwa ng sambayanan at magbibigay inspirasyon sa kanilang pagsulong sa mahirap na landas ng pambansa-demokratiko at sosyalistang rebolusyon.
Mabuhay ang alalaala ni Ka Fidel!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
——————————————–
Download the special issue here