Pinakamataas na Parangal sa mga Rebolusyonaryong Martir ng Surong, Aquas, Rizal, Occidental Mindoro!
Pinakamataas na pagpupugay at parangal ang iginagawad ng LdGC-NPA-Mindoro sa apat na kasamang namartir sa isang labanan sa pagitan ng LdGC at ng 4th IB sa ilalim ng 203rd Brigade-Philippine Army noong Disyembre 14, 2020 alas-sais ng umaga sa Sitio Surong, Barangay Aguas, Rizal, Occidental Mindoro.
Sina Dario “Ka Poldo” Almonte, Irene “Ka Analyn” Yam-ay, Kook “Ka Jimer” Mabugay at Reagan “Ka Jake” Fortunado ay nasawi sa magiting na pagtatanggol laban sa atake ng mga berdugong militar ng 203rd Brigade. Sila ang pinakahuling bayani ng sambayanan na nagbuwis ng kanilang tanging buhay upang isulong ang interes ng pinagsasamantalahan at inaaping mamamayang Mindoreño at sambayanang Pilipino.
Ang naganap na labanan ay isang panandang bato sa marubdob na pagnanais ng masang Mindoreño at ng sambayanan na wakasan na ang reaksyunaryo, pasista, anti-mamamayan at tuta-ng-dayuhang rehimeng Duterte. Ang kanilang sakripisyo ay simbolo ng pagsisikap ng rebolusyonaryong kilusan na abutin ang lahat ng sulok ng isla.
Hibang na hangarin ng rehimeng ito na sindakin ang sambayanan upang ihiwalay ito sa kanilang tunay na Hukbo. Kaya walang pakundangan kung mamaril ang mga pasistang sundalo nang walang pagsaalang-alang sa kapakanan ng mga sibilyan.
Mabigat man ang sinagupang laban ng yunit ng LdGC sa mga berdugong tropa ng 203rd Brigade ni Duterte sa Surong, higit namang mabigat ang epekto kung mananahimik na lamang ang mga Mindoreño at sambayanan.
Nakadagan ang buong bigat ng pahirap ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino sa balikat ng mga magsasaka at manggagawa na siyang lumilikha ng kabuhayan ng bansa. Higit na pinasasahol ang kalagayan nila ng mga kontra-mamamayang patakaran, programa at proyekto ng rehimeng US-Duterte.
Pinakamabigat na pasan ng magsasaka ang kawalan ng lupang masasaka. Tinatayang dalawa sa bawat tatlong magsasaka sa Mindoro ang walang sariling lupang sinasaka. Sanga-sangang anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal ang hatid nito sa magsasaka at manggagawang bukid na higit namang sinasamantala ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador at mismo ng estado.
Isa lamang dito ang pagpatupad ng rehimen ng Rice Tarification Law na nagresulta sa bagsak na presyo ng palay kung kaya nalagay sa bingit ng kahirapan, kagutuman, pagkakasakit at kamatayan ang magsasakang Mindoreno. Pasakit din ang mababang pasahod, kawalan ng hanap-buhay, ang mapanalasang usura, mataas ng presyo ng kemikal at kagamitan sa pagsasaka at kawalan ng tulong ng Rehimeng US-Duterte sa kasalukuyang pandemya at mapaminsalang mga bagyong dumaan. Malawakang dislokasyon naman ang dulot ng mga proyektong Mina, Renewable Energy Projects [REP] at Eko-turismo.
Samantala, buong sugid namang niyayakap at ipinatutupad ng rehimeng Duterte ang patakarang neoliberal na ipinapataw sa atin ng mga dayuhang bansang monopolyo-kapitalista sa pangunguna ng US. Kinakasiyahan ito ng rehimeng Duterte, kapalit ng garantiya ng pananatili nito sa poder. Dahil na rin sa kanyang ganid na paggamit ng kapangyarihan, naisubasta pa ng rehimeng ito ang ating soberanya sa China na siyang pangalawang amo niya ngayon.
Ito ang mga problemang pinagtutuwangang lutasin ng mga masa at ng mga yunit ng NPA. Isang bahagi na dito ang yunit ni Ka Poldo na nagsisilbing yunit panteritoryo ng LdGC sa ilang bayan ng Occidental Mindoro. Pursigido nilang ginagampanan ang kanilang tungkuling abutin ang pinakamalawak na mamamayang Mindoreno sa kanilang saklaw upang imulat, organisahin at pakilusin. Ang kanilang gawaing pag-oorganisa ang magsisilbing pundasyon ng demokratikong gobyernong bayan na magpapatupad ng mga programang tunay na umaayon at naglilingkod sa interes ng masang anakpawis, ng mga panggitnang uri pati na ang naliliwanagang mas matataas pang kaalyadong uri.
Nakakagalit ang pagpaslang ng mga pasistang sundalo sa mga kasamang ito. Sa isang banda, kahanga-hanga ang ipinakitang kabayanihan ng mga kasamang martir sa kanilang kagitingan sa pakikipaglaban sa kaaway ng sambayanan at sa pagtatanggol sa interes ng inaaping uri’t sambayanan. Sila ang mga tunay at mahuhusay na anak ng bayan, ang mga tapat na nagmamahal sa mahihirap at inaapi. Magiging inspirasyon ang kanilang buhay at pakikibaka para sa lahat.
Si Ka Poldo/Solar ay tubong Batangas, namulat at pinanday ang paninindigan sa pakikibaka ng mga masang maralita sa Sta Clara laban sa demolisyon at para sa tirahan at kabuhayan. Sa pagkamulat niya sa problema ng mga maralita at iba pang mga isyung pambayan, nabatid niya ang kahalagahan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at ng rebolusyon. Dahil dito, nagpasya siyang magpultaym at sumapi sa NPA hanggang sa naitalaga sa Mindoro noong 2007. Siya ang tumatayong platun lider, at pangalawang kalihim ng yunit ng Partido sa kanilang platun. Mula sa karaniwang maralita, umunlad si Ka Poldo bilang mahusay na kadre ng Partido at kumander ng BHB. Saanman siya madestinong lugar, mahal na mahal ng masa si Ka Poldo. Masayahin, palabiro at magiliw sa mga kasama at sa masa. Dahil sa kanyang husay, nahalal siya bilang kagawad ng Komite sa Isla at tumatayong isa sa responsableng kadre at pangunahing Kumander ng BHB sa kanilang platun.
Si Ka Analyn ay isang kabataan na nagpultaym noong 2016. Mula pa sa pagkamulat bilang bata ay dama na niya ang diskriminasyon sa mga katutubo lalo na sa kababaihang katutubong Buhid. Nakapag-aral siya hanggang kinder lamang, bagay na lalong nagtulak sa kanya upang hanapin ang karunungan sa loob ng organisasyong masa at bandang huli bilang pultaym sa Hukbo. Masipag, matyaga at higit sa lahat, siya ay malapit sa masang kanyang pinaglilingkuran. May katangian siyang tahimik at mahiyain subalit matalas na nag-oobserba sa kanyang kapaligiran. Napangibabawan niya ang pagiging mahiyain kung kaya lumabas ang kanyang husay sa pagpapaliwanag lalo na sa katutubong salita. Sa pagtagal niya sa Hukbo, naging maaasahang katuwang siya sa gawain. Nasanay na rin siyang makihalubilo sa mga masa at kasama. Matagal siyang nagsilbing opisyal sa lohistika sa kanyang iskwad at pana-panahong naaatasan bilang opisyal sa lohistika ng platun.
Si Ka Jimer ay isang mestisong Hanunuo Mangyan-Bisaya na nagpultaym sa Hukbo nitong Pebrero 2020. Bago pa man nagpultaym, aktibo na siya sa mga rebolusyonaryong gawain sa lokalidad. Pinanday ang kanyang kamulatan ng mga karanasan sa paghahanapbuhay bilang arawang manggagawang bukid – magtatalok, magtatabas at samu’t saring marangal na hanapbuhay sa mga bukid upang makapag-ambag sa kabuhayan ng kanyang pamilya. Sa kanyang pagkamulat, nasapol niya ang kanyang papel bilang kabataan na mag-ambag ng lakas upang maiahon sa kahirapan hindi na lamang ang kanyang pamilya kundi ang buong uri ng magsasaka na kanyang pinagmulan.
Si Ka Jake/Morgan/Reagan naman ay isang kabataang Remontado na namulat dahil sa sariling dinadanas na kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi ng kanilang lahi. Sa gayon, madali na para sa kanya na maunawaan ang kawastuhan at kahalagahan ng armadong rebolusyon at ng NPA. Sa murang edad hanggang paglaki nakita niya ang katapatan ng NPA sa pagtupad sa kanyang tungkulin na ipagtanggol at ipaglaban ang karapatan sa lupang ninuno ng mga Dumagat at Remontado. Nakita niya na ang NPA lamang ang isa sa mayor na sandigan nila sa kanilang pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang karapatan at kagalingan. Mula pagkabata ay laman na siya ng mga ilog at sapa sa paghahanap ng pagkain. Kasiyahan na niya ang manisid ng isda upang may maihain sa hapag kainan ang kanyang pamilya. Magiliw siya sa kanyang mga kapatid. Responsable siyang anak na maagang nabatak ang katawan sa paghahakot ng tabla’t pangangamuhan sa kabayanan, pagkaingin at iba’t ibang pagkakakitaan para lamang may naitulong sa pamilya. Dahil sa pagkamulat sa kahirapan, di nag-atubiling sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Nakita nila at nasaksihan ang kahirapan at kalupitan ng pasistang Rehimen. Napalipat siya sa Mindoro noong 2019.
Malaking panghihinayang para sa mga Mindoreno ang pagkawala ni K Poldo, Ka Analyn, Ka Jimer at Ka Jake sa aktibong pagkilos. Subalit hindi masasayang ang bawat patak ng dugong inialay nila sa bayan na higit na nagpapapula ng matabang lupa ng rebolusyon sa Mindoro.
Sa kanilang pagkawala, iukit natin sa dambana ang kanilang mga pangalan upang magpaalala sa atin na ang lahat ng ating pagkilos at gawain ay itutok sa pagbabago ng ating lipunang bulok at nagpapahirap sa sambayanan.
Dakilain natin ang ambag na buhay at sakripisyo ng mga kasamang ito. Ihatid natin sila sa imortalidad upang hindi makalimutan ng sambayanan ang kanilang mga naibigay na lakas, talino at husay para sa masang api. Damputin natin ang kanilang sandata at yakapin ang simulaing pinagbuwisan ng kanilang mahal na buhay. Gawaran ng kaparusahan ang mga berdugong kumitil sa kanilang buhay.
Pulang Saludo sa lahat ng nagbuwis ng buhay at sa mga biktima ng karahasan ng Rehimeng US-Duterte at ng berdugong instrumento nito na 203rd Brigade!
Mabuhay sina Ka Poldo, Ka Analyn, Ka Jimer at Ka Jake!
Mabuhay ang mamamayang Mindoreño!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Isulong ang demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay!