Pinapatay sa gutom ng rehimeng US-Duterte ang mamamayang Pilipino
Matagal nang pinapatay sa gutom ng rehimeng US-Duterte ang mamamayang Pilipino. Nito lamang nakaraan ay napabalita ang pagkabulok ng libu-libong sako ng bigas sa isang warehouse ng DAR sa Catanduanes. Sa halip na ipamahagi ang sobra-sobrang suplay ng bigas, pinili ng rehimeng US-Duterte na ipagkait ito at hayaang magkumahog ang taumbayan na maghanap ng makakain matapos ang sunud-sunod na sakunang bumayo sa bansa. Itinapon na ang 3,200 sako ng bigas mula rito. Kung naipamahagi, sobra-sobra pa sana sa tig-limang kilong bigas ang makukuha ng 30,000 pamilya.
Matagal nang ipinagkakait ng malakolonyal at malapyudal na lipunan sa masang anakpawis ang bunga ng pagbabanat ng kanilang mga buto. Mismong mga magsasaka ang hindi makabili ng mga produktong mula sa kanilang mga taniman. Para sa malalaking negosyante, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista, mabuti nang mabulok ang mga produktong ito kaysa maipamigay nang libre sa mga nangangailangan. Hindi sila sumapat sa pagkakaroon ng mga rice cartel, kung saan linilikha nila ang artipisyal na sitwasyong kulang ang suplay ng bigas sa bansa at kukontrolin nila ang presyo nito. Nagsabwatan pa sila at ipinatupad ang Rice Liberalization Law (RLL). Noong 2018 libu-libo ring sako ng bigas ang binukbok sa isang imbakan sa Albay.
Mahirap galitin ang taong gutom. Lalaban at lalaban siya para mabuhay. Ang nararanasan ng mamamayan ngayong krisis sa pagkain ang magdudulot ng matinding galit at ibayong tutulak sa kanilang mag-aklas. Ang kasalukuyang krisis sa seguridad sa pagkain ang nagtutulak sa masang Catandunganon at mamamayang Bikolano na magbuklod at lumaban. Kaisa nila ang NDF-Bikol sa pagsingil at pagpapanagot sa rehimeng US-Duterte sa lubhang pagkakait sa mamamayan ng kanilang karapatan sa mahalagang pangangailangang ito ng tao para mabuhay.
Tanging ang maaasahan ng taumbayan upang matiyak ang kanilang seguridad sa pagkain at kagalingan ay ang sarili nilang lakas at kapasyahang lumaban. Pag-ibayuhin ang diwa ng kolektibong pagkilos! Patunay ang mga grupong tulungan at kooperatibang sa kanayunan walang krisis sa pagkain ang hindi malalampasan sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos. Sama-sama, maipupundar ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan ang isang lipunang hindi na sila gugutumin at pahihirapan ng mga bundat at lango sa kayamanan at kapangyarihan.