Pinaslang si Ka Oris ng AFP habang bumibyahe para magpagamot
Si Ka Oris (Jorge Madlos), tagapasalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ay hindi napatay sa isang armadong engkwentro. Siya ay inambus sa daan mula sa sentro ng Impasug-ong patungo sa pambansang haywey, alas-8 ng gabi noong Oktubre 29. Siya at ang kanyang medik ay nakasakay sa isang motorsiklo habang bumabyahe para magpagamot. Sang-ayon ito sa sinabi ng kanyang asawa na si Ka Maria Malaya.
Si Ka Oris at ang kanyang medik na si Eighfel Dela Peña (Ka Pika) ay kapwa hindi armado nang inambus. Ang hindi pa malinaw ay kung sila ba ay inambus habang bumibyahe o hinuli at saka pinaslang. Subalit ang malinaw, wala sila sa pusisyon na makipagsagupa o lumaban at walang-habas na pinaslang.
Para pagtakpan ang kanilang krimen ng pagpaslang sa mga hindi armadong rebolusyonaryo at lumikha ng huwad na larawan ng armadong engkwentro, nagsagawa ang 4th ID ng aerial strike paglipas ng apat na oras sa mga lugar malapit sa Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon. Sa loob ng dalawang oras, mula 12:40 ng umaga hanggang pasado alas-2 ng madaling araw, naghulog ang AFP ng hindi bababa sa anim na malalaking bomba, nagpakawala ng ilang dosenang rocket at niratrat ang kabundukan na bumasag sa katahimikan at nagdulot ng takot at sindak sa mamamayan. Matapos nito ay pinalabas nila ang malaking kasinungalingan na nagkaroon ng isang armadong engkwentro sa ganap na alas-11 ng umaga (10 oras makalipas) kung saan siansabing napaslang si Ka Oris at si Ka Pika.
Simula pa kagabi, walang hiya nang humaharap sa midya si Gen. Brawner ng 4th ID at iba pang upisyal ng AFP. Tahasan silang naghahabi ng mga kasinungalingan para linlangin ang mamamayan. Mga wala silang dangal na upisyal na npagpapakalat ng maling impormasyon. Si Gen. Brawner at mga tauhan at upisyal ng 403rd IBde ang may kagagawan at nasa likod ng pagpaslang kay Ka Oris at Ka Pika at sa pagtatakip nito.
Sa harap ng gayong mga sirkumstansya, ang mga pamilya nila Ka Oris at Ka Pika ay nasa katayuan na igiit na isagawa ng isang independyenteng pathologist ang autopsy sa mga katawan ng mga biktima para tukuyin ang aktwal na sirkumstansya ng pagpaslang sa kanila.
Sinusuportahan din namin ang kahilingan ng mga pamilya na kagyat na ibigay ang mga bangkay nina Ka Oris at Ka Pika sa kanila para maayos na maiburol at bigyan ng pagkakataon ang lahat ng nakakikilala kay Ka Oris na mabiti siya sa huling pagkakataon.
Matagal nang hinihiling ni Ka Oris na makabalik siya sa Siargao Island kung saan siya lumaki. Nawa’y maisakatuparan ang kanyang kahilingan.