Postura ni Duterte kontra-US, hindi sinsero
Ehersisyong militar ng US at AFP, pagsasanay laban sa rebolusyonaryong kilusan
Sa kabila ng pasabog ni Duterte na tapusin na ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa US, magpapatuloy ang paglulunsad na magkasamang pagsasanay at ehersisyong militar ng pwersa ng US at AFP. Ang mga pagsasanay na ito ay nasa balangkas at bisa ng VFA at iba pang hindi pantay na tratadong militar sa pagitan ng gubyerno ng US at Pilipinas. May natitira pang 180 araw bago ganap na mapaso ang bisa ng kasunduan sa VFA at sa natitirang mga araw, magpapatuloy ang mga joint exercises na alinsunod sa Counter-Insurgency Guide ng US at paglaban sa “terorismo” at armadong kilusang rebolusyonaryo.
Sa kasalukuyan, dalawang malaking pagsasanay ng AFP at pwersang militar ng US ang naganap sa TK nitong unang kwarto ng 2020. Nauna nang nagdaos ng ehersisyong panghimpapawid ang Philippine Air Force at tropang US sa San Fernando Air Base sa Lipa, Batangas mula Enero hanggang unang linggo ng Pebrero. Ang ikalawa at nagpapatuloy na pagsasanay hanggang sa ngayon ay ang Balance Piston 20-1 na isinasagawa sa sa bayan ng Rizal at Puerto Princesa City kapwa sa Palawan. Kalahok sa Balance Piston ang US Army Special Force-Airborne at tropa ng AFP kabilang ang 18th Special Force Company ng Philippine Army na nakatalaga sa Timog Palawan.
Hinahabol ng mga pro-US na Senador at Kongresista kabilang ang matataas na upisyal militar at pulis na isalba ang VFA. Ibinabando ng militar na mas malaki ang pakinabang ng Pilipinas kaysa US sa VFA at ayon mismo sa pag-amin ng hepe ng AFP na si General Felimon Santos, Jr.—ang pagpapawalambisa sa VFA ay makapipinsala sa kooperasyon sa depensa sa US.
Sa nakaraang dalawang dekada, natanggap ng Pilipinas ang humigit-kumulang sa US$ 1.3 bilyon na estratehikong tulong kasama ang pinakamalaking paketeng tulong militar sa rehiyong na US$219 milyon noong 2017.
Kinilala ni Lorenzana at matataas na upisyal ng AFP ang kritikal na tulong sa kontra-terorismo kabilang ang pagdeploy ng US Special Forces at drone na pangsarbeylans sa panahon ng pagkubkob sa Marawi City ng Maute at mga grupong kaanib ng ISIS noong 1917. Gayundin ang sarbeylans sa ginagawang reklamasyon ng mga Chino sa Scarborough Shoal. Walang kahihiyan ang mga upisyal na itong ipagmalaki pa sa publiko ang interbensyon militar ng US sa mga panloob na usaping pambansa at ginagawang pagyurak sa soberanya at teritoryal na integridad ng bansa.
Nagkokoro ang mga pro-US na elemento sa loob at labas ng reaksyunaryong gubyerno na ang mga joint exercises sa ilalim ng VFA ay pag-eensayo sa mga operasyong relief tuwing may sakuna o kalamidad, na sa totoo’y palusot lamang para bigyang katwiran ang panghihimasok ng tropang US sa bansa.
Hindi kaya ni Duterte na talikuran ang US dahil dito siya nakasandig para sa pagpapatupad ng kanyang todo-gera laluna ang pinabangis na mga kampanyang supresyon laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga joint exercises ng AFP at US ay sanayan ng mersenaryong AFP sa mga taktika at estratehiyang kontra-insurhensya ng US. Malaki rin ang inaasahan ng AFP na kagamitang militar gaya ng mga drone at ayuda sa pinansya mula sa US. Ginagamit ang mga ito sa mas masinsing paniktik at mas malulupit na operasyong militar na pangunahing puntirya ang CPP-NPA-NDFP at mamamayang sumusuporta sa rebolusyon.
Ang nagaganap na ehersisyong Balance Piston ay patunay ng ugnayan ng Balikatan at kontra-rebolusyonaryong gera ng reaksyunaryong gubyerno. Ang 34-araw na pagsasanay na nagsimula noong Enero 26 ay idinisenyo upang sanayin ang 18th SFC sa operasyong kontra-insurhensya na may tutok sa katutubong Palaw’an. Bahagi ng programa nito ang pakikipamuhay ng mga sundalo sa mga Palaw’an na sa katunaya’y tabing para sa pagkuha ng paniktik laban sa mga itinuturing ng kaaway na base ng rebolusyon. Pagkatapos ng Balance Piston ay ilalarga nang buong lakas ang focused military operation sa Rizal at iba pang bayan sa Timog Palawan—ang test mission ng mga nagsasanay na tropa ng 18th SFC laban sa NPA-Palawan.
Nakahanda ang NPA-ST na sagupain ang mga sundalo ng AFP na sinanay pa ng US. Paulit-ulit na patutunayan ng NPA na kailanman, hindi magagapi ng pinagsanib na pwersa ng AFP at imperyalismong US ang makaturungang layunin ng rebolusyon para sa tunay na kalayaan at demokrasya. ###