Presentasyon ng Pekeng Surenderee, Ugali na ng WesCom!
Labis na desperasyon lamang ang tanging dahilan kung bakit patuloy na nagpapalaganap ang AFP Western Command (WesCom) at ang Joint Task Force Peacock ng mga pekeng balita, pekeng surenderee at mga pekeng kwento laban sa rebolusyunaryong kilusan sa Palawan. Hindi kata-taka, na tulad ng kanilang amo na si Rodrigo Duterte at mga bayarang trolls, talo pa nila ang mga pinakawalang ahas na nanlalason ng kaisipan ng mamamayan gamit ang mga nilubid na kasinungalingan.
Nitong nakaraang ika-27 ng Pebrero muli na namang nagpakalat ng fake news ang WesCom sa di umano ay pagsuko ng katutubong NPA na si Panlima Kalapi Batbat, 54 anyos at anak nitong si Sanny Batbat 24 anyos na mga nagpakilalang Ka Aming at Ka Biboy. Alam na alam nina Panlima Kalapi at ng kanyang anak na hindi naman sila mga miyembro o ni minsan ay naging miyembro ng NPA-Palawan. Kabilang sila sa mga masa, na tinakot ng mga ahente at tropa ng MBLT4 upang pumailalim sa E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program) na kung saan ay isa sa malaking pinagmumulan ng dagdag na kurakot ngayon ng mga mersenaryong AFP, PNP at ng mga nasa lokal na gubyerno.
Ang ganitong mga pekeng pagpapasuko ay kalakaran na sa buong bansa, at hindi nagtataka ang NPA-Palawan kung nais makisabay ng WesCom sa uso. Trending nga naman ang #FakeNews at #FakeSurederees sa hanay ng AFP na ang mga larawan ng sumukong NPA diumano at mga armas ay photoshop lamang pala. Maiging tanungin ang mga di umano ay ‘sumukong NPA’ kung natanggap nga ba nila ang pangakong P65,000 kapalit ng kanilang pagsuko o gaya ng iba ay nakatanggap rin sila ng 2 kilong bigas, 2 lata ng sardinas at P1,500. Malaking pananagutan ng WesCom, JTF-Peacock at ni Jose Chavez Alvarez ang pandaramdong na ito sa kaban ng yaman ng bayan.
Bakit nga ba pauli-ulit itong ginagawa ng WesCom?
Nais nilang magsagawa ng media stunt at magpasikat na epektibo ang kanilang inianunsyong ultimatum o deadline para di umano sa 29 na natitirang NPA sa Palawan, at marapat ay gawin nila ang pagsuko sa ika-29 ng Pebrero. Nagtagumpay nga naman ang WesCom at JTF-Peacock! Tagumpay silang gawing pinakamahusay na payaso sa sirkus ang kanilang mga sarili, katawa-tawa sila sa harap ng mga alyado at rebolusyunaryong pwersa ng Palawan at maging sa buong bansa.
Sa pagsapit ng Bagong Hukbong Bayan sa ika-51 taon nito, higit kailanman ay determinado ito sa pagsulong, handa nitong bakahin ang lahat ng nakikitang balakid at kahinaan para maisulong ang digmang bayan. Hanggat hindi nahihibas ang malalim at malawak na balon ng masang Palawenyo na tumatangkilik sa Bagong Hukbong Bayan, hindi kailanman ito manghihinawa sa kanyang buhay at kamatayang pakikitunggali sa naghaharing sindikatong JCA at iba pang mapagsamanatalang uri. At buo ang tiwala ng NPA-Palawan sa pagtalima nito sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at nasa wastong landasin ito tungo sa tagumpay!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Samabayanang Lumalaban!
Mabuhay ang Rebolusyon!