Puksain ang Duterte Variant na Nananalasa sa Kabikulan at buong Bansa!
Read in: English
Panibagong mga restriksyon sa mobilidad at pinahigpit na mga lockdown ang ipapataw sa bansa sa harap ng banta ng isa na namang Covid-19 variant na mas malala kaysa sa mga nauna. Ngunit sa katunayan, mayroong pang epidemyang pinakamapinsala sa lahat na matagal nang lumalaganap sa bansa – higit pa sa Covid-19. Hindi ito mapigilan ng bakuna o sa social distancing. Sa kurso ng pananalasa nito, linustay ng naturang epidemya ang buhay at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino. Higit 27,000 na rin ang namatay nang dahil dito na lampas sa pinagsama-samang bilang ng nabiktima ng mga variants ng Covid-19. Ito ang epidemyang Duterte.
Walang pinipiling biktima ang epidemyang Duterte. Sa mata nito lahat ng sibilyan, bata o matanda, may pinag-aralan o wala, buntis o may karamdaman, ay kasapi o suportador ng NPA. Gamit ang pasismo at terorismo ng estado, pinalubha nito ang walang katarungang kapangyarihan ng militar at pulis. Pinupuntirya nitong durugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng maruming gera laban sa sibilyan at di-armadong populasyon – laluna ang masang magsasaka.
Isa ang Kabikulan sa pinag-initan ng epidemyang Duterte. Taliwas sa kanyang naunang pahayag, hindi mahal ni Duterte ang Bikolano. Sa katunayan, walang kaparis niya silang pinapatay at ginugutom. Ilinuwal ng epidemyang Duterte ang mga operasyon at okupasyong militar sa mga komunidad kapwa sa kanayunan at kalunsuran ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) at mga tropa ng Joint Task Force Bicolandia. Pinatay ng epidemyang ito ang mga aktibistang sina Jomar Palero at Marlon Naperi at higit 180 pang kapwa nilang masang Bikolano at nagdulot pa ng daan-daang kaso ng paglabag sa karapatan at pamiminsala sa kabuhayan ng masa sa rehiyon.
Subalit lalabanan ng masang Bikolano, taglay ang lakas ng masang magsasaka, ang pananalasa ng pandemyang Duterte. Hindi matitibag ng pinakamahigpit na lockdown, pinakamatinding atakeng neoliberal at pinakamaruming gera ang kanilang pagkakaisa at kapasyahang panagutin ang rehimeng Duterte sa kanyang mga krimen. Inspirasyon nila ang kapangahasan at katapangang ipinamalas nina Jomar at Marlon upang ibayong paghandaan, harapin at ganap na biguin ang papatindi pang atake ng rehimen sa kanilang buhay at kabuhayan.