Pulang pagpupugay at parangal sa tatlong martir ng Antipolo: Kasamang Ermin ‘Ka Romano’ Bellen at sa dalawa pang kasama!
Ibinibigay ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM), Bagong Hukbong Bayan at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan ang pinakamataas na pagkilala at parangal kay Kasamang Ermin Bellen. Kilala siya sa palayaw na Bong ng kanyang mga kapamilya habang minamahal na Ka Romano, Ka Monte at Ka Rudy para sa mga kasama at masa na kanyang nakasama, naging katrabaho, pinamunuan at pinaglingkuran sa kanyang 36 na taon ng matapat na rebolusyonaryong paglilingkod.
Siya ay nasawi, sa rurok ng kanyang kasiglahan at kahusayan sa paggampan ng mga rebolusyonaryong tungkulin bilang kadre ng Partido at kumander ng Hukbo, kabilang ang dalawa pang kasamang sina Jose Villahermosa at Lucio Simburoto, sa Sierra Vista Subdivision, Barangay Cupang, Antipolo City, Rizal humigit kumulang ala-una ng madaling araw ng Huwebes, ika-5 ng Disyembre, 2019.
Ginagampanan ni Ka Romano nang buong husay ang kanyang tungkulin bilang regular na kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan. Inihalal din siya ng Komiteng Rehiyon sa TK bilang isa sa dalawang (2) non-attending delegate ng Ikalawang Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas. Siya ang tumatayong Kalihim ng Komiteng Subrehiyon ng Partido na sumasaklaw sa mga probinsya ng Rizal-Quezon at Laguna sa nagdaang 10 taon. Nauna pa dito, tumayo siyang Kalihim ng Komite ng Partido sa Probinsya ng Rizal mula 2008 hanggang bago siya pinaslang. Gumagampan din siya ng tungkulin bilang pinuno ng Kagawarang Pampulitika ng Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakamit ng rebolusyonaryong kilusan sa subrehiyon na kanyang pinamumunuan ang tuloy-tuloy na pagsulong at paglakas sa gitna ng walang puknat na paglaban at pagbigo sa mga operasyong militar na inilunsad ng 2nd IDPA ng Philippine Army at ng PNP-Region IV-A. Ang pwersa ng Bagong Hukbong Bayan na pinamunuan ni Ka Romano ang isa sa naging modelo sa rehiyong Timog Katagalugan sa pagpapatupad ng mataas na antas ng opensibang diwa sa pagtupad sa gawain at pagharap sa kaaway. Ang mataas na opensibang diwa na ito at kahusayan sa pagtupad sa gawain ang susing salik kung bakit nagpatuloy sa paglawak at paglakas ang Bagong Hukbong Bayan, rebolusyonaryong base at rebolusyonaryong kilusang masa sa mga lalawigang kanyang saklaw kahit pa ang mga ito ay nasa tarangkahan ng National Capital Region, ang sentrong luklukan ng paghahari ng kaaway.
Sa gitna ng napakalakas na pwersang ginagamit ng kaaway laban sa pwersang pinamunuan ni Ka Romano, tuloy-tuloy na nakapaglulunsad ang mga ito ng matatagumpay na taktikal na opensiba laban sa mga pwersa ng AFP-PNP at mga pribadong goons ng mga lokal na naghaharing uri. Nito lamang nagdaang dalawang taon kung saan ipinatupad ng AFP-PNP ang sustenidong Focused Military Operation (FMO), medalya ng pamumuno ni Ka Romano ang rekord na 38 na taktikal na opensiba laban sa AFP-PNP at habang zero casualty sa mga depensibang labanan na sinabakan ng mga yunit ng BHB.
Ang pwersang NPA na pinamumunuan ni Ka Romano ang pangunahing pwersang sandigan ng masang Dumagat, Remontado, magsasaka at mamamayan sa probinsya ng Rizal, Laguna, Quezon sa pagtutol at paglaban sa maiitim na pakana upang kamkamin ang kanilang lupain at itaboy sa kanilang mga pamayanan para bigyang daan ang mga mapangwasak na mga proyekto ng reaksyunaryong estado. Pinakasariwa sa mga ito ang pagtutol at paglaban sa mapangwasak-sa-kapaligiran na New Centennial Water Source—Kaliwa Dam Project na banta sa buhay at kabuhayan ng masa.
Libu-libong magsasaka at mamamayan ang nabigyan ng rebolusyonaryong hustisya sa mga matatagumpay na punitibong aksyong inilunsad ng NPA sa ilalim ng pamumuno ni Ka Romano. Tampok sa mga ito ang matatagumpay na operasyong militar laban sa mga pribadong armadong goons ng mga pinakamalalaking burgesya-kumprador sa bansa tulad ng pamilyang Lucio Tan at Ayala na ginagamit sa pangangamkam ng lupain at panggigipit sa mga magsasaka at mamamayan. Tampok din dito ang matagumpay na punitibong aksyon na nagpatigil sa mapangwasak sa kapaligirang kumpanya sa quarry sa Montalban, San Mateo at iba pang karatig na bayan na siyang nagiging sanhi ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Rizal hanggang Kamaynilaan at sa pagkawasak ng buhay ng mamamayan.
Kaya naman suko hanggang langit ang galit ng mersenaryong tropa kay Ka Romano at walang pagsidlan ang pagnanais ng AFP-PNP na patayin siya at wasakin ang Partido, BHB at rebolusyonaryong pwersa na kanyang pinamunuan. Ang pagsulong ng BHB at rebolusyonaryong kilusan sa ilalim ni Ka Romano ay nagsisilbing bangungot sa istabilidad ng kutsabahang paghahari ng malalaking burges-kumprador-panginoong maylupa at ng imperyalismong US sa bansa.
Sandaling nakalingat si Ka Romano noong madaling araw ng ika-5 ng Disyembre, kasama ang dalawa pa niyang kasama. Brutal silang pinaslang nang walang kalaban-laban ng mga pasista at mersenaryong sundalo at pulis sa kabila ng katotohanang hindi sila armado. Ni hindi man lamang iginalang ang kanilang mga saligang karapatang-tao sa ilalim ng mga panuntunan ng 1949 Geneva Convention at Comprehensive Agreeement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at maging sa Bill of Rights ng Konstitusyon ng reaksyunaryong Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.
Subalit kung gaano siya kinamumuhian ng mersernaryo’t pasistang tropa at mga kaaway-sa-uri ay ganun naman siya minahal ng masa. Matapat niyang pinaglingkuran at itinaguyod ang interes ng masang api’t pinagsasamantalan laban sa mapagsamantalang operasyon ng mga debeloper at ispekulador sa real estate, pagsira at dislokasyon sa kabuhayan ng masa bunga ng mapangwasak na proyektong Build, Build, Build ng rehimeng Duterte at ng mapangwasak na mga quarry operation ng malalaking negosyante at burukrata-kapitalista.
Dakila at puno ng rebolusyonaryong kabayanihan at pagiging mabuting tao ang buhay at pakikibaka ni Ka Romano. Ginugol niya ang tatlumpo’t anim na taon (36) ng kanyang buhay sa rebolusyon. Ipinanganak siya at lumaki sa Sto. Domingo, Albay. Doon siya nag-aral hanggang hayskul at matapos nito ay nag-aral sa kolehiyo sa isang seminaryo kung saan doon siya nagsimulang mamulat at kumilos noong 1983 sa panahon ng katindihan ng paglaban at pagpapabagsak sa diktaduryang US-Marcos pagkaraan ang asasinasyon kay Benigno Aquino.
Mula 1983, nagtuloy-tuloy na si Ka Romano sa pagkilos hanggang sa lumabas ng seminaryo. Taong 1989 nang siya ay maging kandidatong kasapi at 1990 naman nang maging ganap na kasapi ng Partido.
Nagpultaym siya at kumilos sa kilusang magsasaka sa TK noong 1990, kalaunan ay isa sa naging namumunong kadre sa Komite ng Partido sa Urban ng rehiyon noong 1995. Simula Hulyo 1998, naitalaga siyang kumilos sa Komiteng Probinsya ng lalawigan ng Rizal, una bilang pinuno ng Komite sa Puting Purok hanggang sa maging Kalihim ng isang larangang gerilya noong 2005 at naging bahagi ng Kalihiman ng Komiteng Probinsya ng Rizal. Umakto siyang Kalihim ng Komiteng Probinsya ng Rizal mula 2008 matapos na dukutin ng kaaway ang kanilang Kalihim na si Cesar ‘Ka Ruben’ Batralo hanggang bago siya nasawi.
Sa kanyang pagkamartir, naiwan niya ang kanyang pinakamamahal na asawa at tatlong (3) anak. Nakilala siya ng mga kasama at masa sa kanyang husay bilang isa sa pangunahing namumunong kadre sa rehiyong TK at pangunahing namumuno sa kanyang saklaw na subrehiyon. Malaki at di matatawaran ang naging ambag niya sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa TK at maging sa pag-agapay sa mga organo ng Partido sa katabing rehiyon.
Pinakamalaking ambag niya ang pagtiyak sa pagsulong at paglakas ng partikular na subrehiyong saklaw ng kanyang indibidwal na responsibilidad. Medalya ni Ka Romano ang matagumpay na pamumuno sa pagsusulong at pagpapalakas ng armadong pakikibaka sa probinsyang tarangkahan ng National Capital Region, ang sentrong luklukan ng pambansang paghahari ng uring mapagsamantala at mapang-api sa Pilipinas.
Ipinakita ng kanilang praktika na kakayaning sumulong at lumakas ang armadong pakikibaka sa mga lugar na kanugnog ng mga pangunahing sentrong lungsod sa pamamagitan ng wastong paglalapat ng taktikal na linyang militar ng Partido na malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa at suporta ng mamamayan. Naikumbina niya ang paggamit kapwa ng bentahe ng mabundok na kalupaan ng Rizal-Laguna-Quezon at ng malawak na suporta ng mamamayan sa mga interyur, laylayan at kapatagang rural at semi-rural.
Isa sa kalakasan at kakayanan ni Ka Romano ang gawaing propaganda. Napakasipag niya sa gawaing propaganda, hindi lamang sa pagsusulat kundi maging sa indibidwal na talakayan hanggang sa pulong ng mga kasama at masa. Siya ang boses sa likod ng mga pahayag ng Narciso Antazo Aramil Command sa probinsya ng Rizal at ng Rosario Lodronio Rosal Command. Napakasipag din niya sa pagbabasa at pag-aaral, bagay na nagbibigay sa kanya ng armas sa matalas at wastong pagsusuri sa mga usapin at sa pagbubuo ng mga kaparaanan sa pagtupad sa anumang gawaing iniatang sa kanya ng Partido.
Mahigpit ngunit malapit siya sa mga kasama, maging sa masa at hindi siya kinai-ilángan ng mga ito. Puna niya sa kanyang sarili ang pagiging palabiro ngunit paraan naman niya ito upang mailapit ang kanyang sarili kahit sa mga karaniwang mandirigma at sa masa. Gayunman, hindi niya nakakalimutang palaging pangibabawin ang pulitika sa kanyang relasyon sa mga kasama.
Uliran siyang asawa at ama sa kanyang tatlong anak. Pangunahing mungkahi niyang sakaling mailipat siya ng disposisyon ay mailagay siya sa rehiyon kung saan nandoon ang kanyang pamilya upang masubaybayan ang kanilang kalagayan at maimulat sila sa rebolusyon.
Anim na beses na nakasama si Ka Romano sa mga mayor na pulong ng KRTK simula nang naging kagawad siya ng komite ganundin sa nilahukang mga panrehiyong kumperensya ng kumand na matagumpay na naidaos. Sa mga pulong na ito, makikita ang kanyang talino, husay, disiplina at lalim ng sapul at paghuhubog sa sarili ayon sa proletaryong prinsipyo, pananaw at pamamaraan.
Aktibo siya sa pagbabahagi ng kanyang mga kaalaman at pagpapahayag ng kanyang mga ideya sa pulong. Matatalas ang mga ito at pinakikinggan ng mga kagawad ng komite at mahigpit na ikinukunsidera sa pagpapasya laluna sa mga mayor na usapin. Malalim at malawak ang kanyang pagkasapul sa partikular na kalagayan sa saklaw ng kanyang indibidwal na responsibilidad. Makikita ito kapag siya ang nag-uulat sa komite.
Sa isang banda, palagi siyang bukas sa pakikinig sa ideya ng iba pang mga kasama at pagtanggap sa mga ideyang ito kahit pa kasalungat ng kanyang ideya laluna kapag napagtanto niya ang kawastuhan nito. Matalas siyang pumuna sa kakulangan at kahinaan ng kanyang kolektibo habang bukas at maluwag din siyang magpuna sa kanyang sarili sa mga nagawa niyang kahinaan gayundin sa pagtanggap ng puna ng mga kasama sa kanya. Ipinakita ni Ka Romano ang kanyang mahigpit na pagtalima at pagsunod sa pamumuno ng Partido at ng sentro nito. Kaalinsabay, ipinakita niya ang kanyang kakayanang magsarili at mag-ugit ng sariling landas sa pagtupad sa mga atas ng Partido.
Hindi siya tumatanggi sa atas ng Partido. Hindi niya alintana ang panganib at wala siyang pinangangambahang balakid. Para sa kanya, lahat ng gawain at tungkuling ibinibigay ng Partido ay kakayaning gawin at gampanan. Mataas na kalibre ang kalidad niya bilang kadre ng Partido. Isa siya sa pinakamabuting anak ng bayan ng rehiyong TK na nagmula sa Bikol at tunay na pinakamabuting anak ng sambayanang Pilipino.
Tunay na napakalaking kawalan para sa sambayanang Pilipino, sa Partido at rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa rehiyong Timog Katagalugan ang pagkasawi ni Ka Romano. Gayunman, tiyak na mabilis na makakabawi ang Partido, BHB at rebolusyonaryong kilusan dahil nailatag ni Ka Romano at ng Partido sa rehiyon ang sapat na tangkas ng mga kadre na agad pupuno sa kanyang kawalan at patuloy na magpapalago sa binhi ng rebolusyon na kanyang inihasik sa hanay ng masang Dumagat, Remontado, mga magsasaka at iba pang api’t pinagsasamantalahang uri sa lipunan.
Ang pagkamartir ng mga kadre ng PKP at ng isang kumander ng BHB ang katuparan at kahustuhan ng halaga ng buhay bilang rebolusyonaryo. Walang pinipiling panahon ang pagkamartir at pagkabuwal sa pakikihamok laban sa kaaway na mapagpasamantala, mapang-api at malupit. Dakila ang mamatay para sa bayan, para sa sambayanang Pilipino at para sa interes ng higit na nakararaming naghihirap, pinagsasamantalahan at inaapi. Hindi kailanman ito kinakatakutan o pinanghihinayangan ng mga Komunista at ng Pulang Hukbo dahil sadyang dito nakalaan ang kanilang buhay. Karangalan at kadakilaan ang mamatay at ialay ang buhay sa panahong ito ng dakilang pakikibaka ng sambayanang Pilipino upang ibagsak ang sagad sa kalupitan, pasista at pagkatutang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Isang hamon sa mga tunay na anak ng bayan na sundan ang yapak at landas na pinili ni Ka Romano at ng dalawa pang kasama.
Nangangarap nang gising ang kaaway kung inaakala nilang ganap nang mawawasak ang armadong kilusang rebolusyonaryo sa tarangkahan ng Metro Manila sa pagpaslang nila kay Ka Romano at sa dalawa pang kasama. Sa kabaliktaran, nanatiling buhay ang diwa na sinasagisag ni Ka Romano ng matapat na paglilingkod sa interes ng mga api’t pinagsasamantalahan. Nag-aalimpuyo at naghihimagsik ang damdamin ng mga Pulang kumander at mandirigma ng Melito Glor Command, ganondin ng rebolusyonaryong mamamayan sa ginawang brutal na pagpatay sa hors de combat na si Ka Romano at dalawa pang kasama. Higit na magbibigay ng ibayong inspirasyon sa lahat ang kanilang kadakilaan at kabayanihan. Higit na pag-aalabin nito ang opensiba at mapanlabang diwa upang dalhin sa mas mataas na antas ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa mga probinsya ng Rizal, Laguna at Quezon, sa buong rehiyong Timog Katagalugan at sa buong bansa.
Sa pagkamartir nina Ka Romano, Ka Jose at Ka Lucio, nagsimula ang kanilang imortalidad.
Tatanghalin silang mga bayani ng sambayanan at rebolusyong Pilipino!
Mabuhay si Ka Romano at iba pang martir at bayani ng sambayanan!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
-o0o-