Pulang pagpupugay kay Ka Marwin, kadre, kumander, dakilang martir ng sambayanan
Pinakamataas na pulang saludo ang iginagawad ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog kay Ronel “Ka Marwin” Batarlo, kabataang kadre at Pulang kumander ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-NPA Quezon. Si Ka Marwin ay nag-alay ng buhay sa isang labanan noong Pebrero 5 sa Brgy. Masaya, Buenavista, Quezon.
Dakila ang buhay na inialay ni Ka Marwin para sa bayan. Nasa prosesong gumagampan sila ng gawain sa mga liblib na komunidad ng Quezon para pukawin at edukahin ang taumbaryo kung papaano haharapin ang pandemyang Covid-19 nang makaengkwentro nila ang berdugong 85th IBPA. Magiting na lumaban ang mga kasama hanggang sa magbuwis ng buhay si Ka Marwin.
Si Ka Marwin, 31, ay ipinanganak sa Brgy. Malabahay, Macalelon, Quezon. Mula sa uring magsasaka, saksi at danas niya ang pang-aapi at pagsasamantala ng panginoong maylupa at mga komersyante-usurero sa kanilang lugar at ang karahasan ng mga armadong pwersa ng estado. Kinalakhan niya ang pakikibaka ng kanyang pamilya sa lupa at ang pagharap sa panunupil at karahasan ng mga sundalo—kalagayang nagbunsod sa kanyang pagkamulat hanggang sa magpasya siyang lumahok sa rebolusyon.
Isang mahusay at huwarang kabataang magsasaka, kinikilala si Ka Marwin ng kapwa niya kabataan kaya siya inihalal bilang tagapangulo ng balangay ng Kabataang Makabayan sa kanilang lugar. Iminulat at inorganisa niya ang mga kabataan para sa kanilang kagalingan. Lumahok sila sa mga kampanya ng Rebolusyong Agraryo (RA) upang igiit ang pagpapataas ng presyo ng kopra at pagbabago ng partehan sa lupa.
Bilang kalihim ng Sangay ng Partido sa lokalidad, marubdob niyang nilabanan ang pyudal na kaisipang ikinintal sa kanila ng PML na “kung wala ang may-ari ng lupa, walang ni anuman ang magsasaka.” Isa siya sa mga lider na nangunang baklasin ang kaisipang ito at naging paraan upang maorganisa ang kapwa niya magniniyog at kabataan sa iba pang mga baryo. ‘Di nagtagal, naging kalihim siya ng Komiteng Seksyon.
Isang mapangahas na kasapi ng Milisyang Bayan si Ka Marwin. Naglingkod siya bilang giya, tagapag-ulat at taguyod ng mga yunit ng AMC para ligtas na makapagmaniobra ang mga kasama upang iwasan ang mababagsik na operasyong militar ng kaaway. Lumahok rin siya sa mga taktikal na opensiba ng NPA Quezon bilang bahagi ng kanyang pagsasanay-militar. Mula sa mga karanasang ito, nagkaroon siya ng kumpyansa para pangunahan at pamunuan ang mga atrisyong inilulunsad ng Milisyang Bayan laban sa mga nag-ooperasyong sundalo.
Buum-buong niyakap ni Ka Marwin ang armadong pakikibaka at sumapi sa NPA noong 2018. Inabot ng kanyang kamulatan ang paghawak ng sandata dahil naniniwala siyang wala nang ibang maggigiit at lalaban para sa kanilang mga interes bilang magsasaka kundi sila mismo. Tinanganan niya ang mga aral sa pagbaka sa konserbatismo at hinimok ang kapwa niya magniniyog at kabataan na sumapi sa NPA.
Sa pagsampa ni Ka Marwin sa NPA, napanday siya bilang isang mahusay na nakababatang kadreng pulitiko-militar. Minahal siya ng masang magsasaka dahil sa kanyang pagiging magiliw at matiyaga sa pagpapaliwanag ng kanilang kalagayan. Ipinagpatuloy ni Ka Marwin ang pagmumulat at pag-oorganisa ng kapwa niya magsasaka. Itinuro niya ang kanyang karanasan sa paglaban sa PML na nagsilbing inspirasyon sa mga magsasaka sa kanyang kinikilusang erya na maglunsad ng mga kampanyang RA at pakikibakang masa. Kinikilala rin siya ng mga Pulang mandirigma bilang matapang at masipag na kumander na nagpapatupad ng kanilang araw-araw na gawain at nagtitiyak sa kanilang seguridad. Isa na rin siya sa mga inaasahang kadre na gumagampan bilang pangalawang lider ng platun ng kanilang yunit.
Hitik sa militansya at punumpuno ng kabuluhan ang buhay na inialay ni Ka Marwin. Sa saglit na panahon sa atin ni Ka Marwin, ubos-kayang iniambag niya ang kanyang talino at galing sa pagtatayo at pagkokonsolida ng mga base, pagsusulong ng RA at paglulunsad ng armadong pakikibaka sa Quezon.
Hindi masasayang ang buhay na inialay ni Ka Marwin sa bayan. Inspirasyon siya ng mga yunit ng NPA sa rehiyon para ipagpatuloy ang rebolusyon. Sa ilalim ng diktadura ng teroristang rehimeng US-Duterte, marami pang tulad niyang kabataan ang sasampa at lalahok sa digmang bayan upang palayain ang sambayanan at baguhin ang kasalukuyang bulok at naagnas na malakolonyal at malapyudal na lipunan. Handa silang tanganan at gampanan ang naiwang tungkulin ni Ka Marwin para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa maibagsak ang rehimeng US-Duterte.
Pagbayarin nang mahal ang AFP-PNP sa kanilang inutang na dugo sa bayan!
Mabuhay ang alaala ni Ka Marwin, dakilang martir ng sambayanan!
Mabuhay ang mga martir ng rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!