Pulang Pagpupugay kay Kasamang Bonifacio “Ka Nato” Magramo, Matapat na Lider ng Partido at Magiting na Lider ng Bagong Hukbong Bayan ng Palawan, at sa iba pang martir ng Brooke’s Point 5!

“Ang magbuhos ng dugo para sa bayan
Ay kagitingang hindi malilimutan
Ang buhay na inialay sa lupang mahal
Mayaman sa aral at kadakilaan”

rjei
celnon
boywan
naya

Sa saliw ng awiting “Sulong mga Kasama” ay taas-kamao ang buong pwersa ng rebolusyonaryong kilusan ng Palawan bilang pagpapakita ng pinakamataas na respeto at pagpaparangal kay Kasamang Bonifacio Magramo na kilala bilang si Ka Abuan, Ka E-Boy , Ka Boywan at Ka Nato at sa apat pang-martir na sina Noli “Ka Selnon” Ciasico , Andrea “Ka Naya” Rosal , Rona Jane “Ka Lemon” Manalo at kay Jay-ar “Ka RG” Sento.

Hindi maiiwasan ang pagdadalamhati na ating nararamdaman sa pagkawala ng mga kasamang piniling maglingkod nang buong-buo para sa mga katutubo ng Palawan, sa mga magsasaka, mangingisda, ng mamamayang Palaweño at sa buong sambayanang Pilipino. Pinatunayan ng bawat dugong pumatak sa lupang kanilang pinagbuwalan ang kanilang walang kapares na kabayanihan at tapang sa pakikipaglaban. Ang pagdadalamhati ay ang panghihinayang sa pagkawala ng matatapat na lider at matatapang na dugo na tinataglay ng mga kasama bilang NPA.

Marapat nating alalahanin ang dalawang dekadang pakikibaka at pagseserbisyo ni Kasamang Nato sa masang anakpawis sa isla ng Palawan. Walang pag-aalinlangang niyakap ni Ka Nato ang kanyang disposisyon na kumilos sa Palawan mula sa isla ng Mindoro noong 1997. Mula nuon ay tuloy-tuloy niyang ginampanan nang walang kapaguran ang pagsusulong ng armadong pakikibaka sa isla hanggang sa kanyang huling hininga.

Bilang lider ng Partido sa isla, mahusay niyang pinangunahan ang bawat gawaing pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon. Sa kanyang pamumuno , lumawak ang kasapian ng Partido sa isla at naitayo ang mga ganap na samahang masa na binhi ng demokratikong gubyernong bayan. Isa sa mga tagumpay ay ang pagtatayo ng Rebolusyonaryong Organisasyon ng mga Katutubo ng Palawan, ang SUPOK. Ito ang nagbuklod sa mga katutubo ng Palawan para magkaisa at ipaglaban ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya at pagtatanggol sa lupaing ninuno. Malinaw sa bawat kasapian nito na sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan lamang nila makakamit ang kanilang minimithi.

Itinaguyod nya ang matatagumpay na pakikibaka laban sa dambuhalang pagmimina gayundin ang laban ng mangingisda upang ibasura ang Provincial Council for Sustainable Development Admisitrative Order #5. Ang mga tagumpay na ito ay labis na nagbigay ng pag-aalala sa naghaharing pasistang sabwatang US-Duterte at Jose Chavez Alvarez kaya’t inilagay si Ka Nato, Ka Selnon at Ka Naya sa unahan ng kanilang prayoridad na nyutralisahin.

Ang 16 milyong pisong ipinatong sa kanilang ulo ay desperadong hakbang ng NTF-PPTF-ELCAC upang pugutan ng ulo ang rebolusyonaryong kilusan sa Palawan. Patunay lamang ito na hindi makakakuha ng suporta ang mga mersenaryong tropa at lokal na oligarko para makakuha ng impormasyon sa mamamayan laban sa rebolusyonaryong kilusan kung hindi aasa sa iilang masisilaw sa kinang ng salaping pabuya na ipinambibitag nila.

Bilang matapang na lider ng NPA, kahanga-hanga ang kanyang dedikasyon sa pakikipaglaban. Sa edad na 66, masigla pa rin siyang kumikilos sa sonang gerilya, sa mga kabundukan at malawak na kanayunan bilang kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Mahigpit niyang kaagapay ang mga mandirigma sa bawat pakikihamok sa kalaban. Larawan ng tunay na pulang heneral na kasa-kasama ng mga pulang mandirigma habang humaharap sa malalaking operasyong militar at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Hindi niya inatrasan ang mga ikinasang focused military operations sa Southern Palawan at pinili pa rin niyang magpursiging manatili sa erya at inihanda ang sarili at mga kasama sa hirap at matinding sakrpisyo ng puyat, pagod sa paglalakad at gutom.

Kilala na istrikto lalo na sa usapin ng disiplina at regulasyong militar. Kaya kung nagbibiruan sabi nga ng mga mandirigma sadyang “tatatanda ka sa kilusan” kung siya ang iyong matutularan. Gaano man sya kaabala ay laging may panahon sa masa at sa mandirigma. Kasa-kasama niya ang mga ito sa mga kasiyahan, hirap at sakripisyo. Huwaran sa pagsasabuhay ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Walang luho o walang magagarang gamit o kasuotan, at ni minsan hindi kariringgan ng reklamo sa anumang kahirapang dinadanas.

Si Ka Nato ay si Ka Salvador Luminoso, ang tagapagsalita ng Bienvenido Vallever Command, ang tinig ng New Peoples Army at rebolusyonaryong kilusan sa Palawan. Malinaw sa kanyang mga pahayag ang paninindigan at patakaran sa inilulunsad na armadong rebolusyon. Laging malinaw ang maka-uring prinsipyo na kanyang ipinahahatid sa mamamayang Palaweño.

Nakilala si Kasamang Andrea “Ka Naya” Rosal bilang anak ng yumaong Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa murang edad nya, namulat siya sa api at busabos na kalagayan ng masang magsasaka. Tatlong taong gulang pa lamang nang ipadukot si Ka Andrea ni Gen. Galido, hepe ng SOLCOM noon, upang pasukuin si Ka Roger. Subalit bumwelta ang pakanang ito ng SOLCOM nang umani ng malawakang pagbatikos ang pasista at buhong na iskemang ito mula sa malawak na hanay ng mamamayan.

Nagmula sa isang rebolusyonaryong pamilya si Ka Andrea. Kapwa lider ng Partido ang kanyang yumaong mga magulang. Hinubog ang kanyang pananaw ng simulain ng pambansang demokrasya at niyakap nya ang simulain ng masang anakpawis sa paglaban sa pagsasamantala at pang-aapi. Kaya nang umabot siya sa tamang gulang ay nagpahayag siyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan upang sundan ang yapak ng piniling landas ng kanyang mga magulang sa armadong pakikibaka.

Pinalaki siyang mahusay at ulirang rebolusyonaryo ng kanyang magulang. Kabalikat nya ang kanyang inang si Rosario “Ka Soly” Lodronio Rosal sa pagbawi ng lakas ng larangang gerilya sa hangganan ng Laguna-Quezon-Rizal sa Sierra Madre. Nadakip at ikinulong si Ka Andrea mula Mayo 2014 hanggang Setyembre 2015 batay sa gawa-gawang kaso at mga itinanim na ebidensya kung saan dinanas nya ang malupit na kundisyon sa piitan. Pinagkaitan siya ng karampatang atensyong medikal sa kanyang pagbubuntis—dahilan upang mamamatay sa pagsilang ang kanyang sanggol na si Diona makaraan ng dalawang araw dahil sa kumplikasyon.

Sa kanyang paglaya, buong puso niyang tinanggap na gampanan ang rebolusyonaryong tungkulin sa Palawan kung saan iniambag nya ang kanyang galing at talino para sa pagsusulong ng interes ng mga katutubong mamamayan sa Palawan laban sa pandarambong at pag-agaw ng kanilang lupaing ninuno ng malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina at plantasyon ng oil palm. Laging maaalala ng masa ang mapagkalinga at matatag na paninindigan ni Ka Andrea para sa interes ng masang pinagsasamantalahan at inaapi.

Si Noli “Ka Selnon” Ciasico ay tubong Ilvita, Sablayan, Mindoro Occidental. Nasa kasibulan ng kanyang kabataan nang sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan sa Mindoro. Namulat siya sa gitna ng masiglang pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa mula sa pangangamkam ng mga lokal na malalaking panginoong maylupa sa Mindoro Occidental tulad ng mga pamilyang Mendiola, Almeda, Ramirez at Cojuangco.

Malaking panahon ng kanyang paglilingkod sa BHB ay sa panlabang yunit ng Mindoro kung saan naging bahagi siya sa pagharap at pagbigo sa mga kampanyang militar sa isla tulad ng Oplan Saliksik noong 1988-89, PNP Experiment noong 1990’s, Oplan Habol-Tamarraw noong 2000-2004 at mga kasunod pang lokal na Oplan sa balangkas ng Oplan Bantay-Laya I at II at Oplan Makabayan.

Umangat siya sa katakungkulan mula sa pagiging mandirigma tungong kumander ng teritoryal na kumand sa operasyon sa isla ng Mindoro at Palawan dahil sa mahabang rekord ng mabuti at matapat na paglilingkod sa rebolusyon at kahusayan bilang kadreng militar. Naging tuloy-tuloy ang kanyang pagkilos at ni minsan hindi pinanghinaan ng loob maging sa harap ng mga kahirapan at sakripisyo. Sa ganito maaalala lagi si Ka Selnon—magiting at walang takot na kumander, masayahin at mababa ang kalooban.

Galing sa hanay ng kabataang intelektwal si Rona Jane “Ka Lemon” Manalo. Napukaw siya sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino bilang estudyante sa UP Los Baños. Lumahok sya sa aktibismo na nagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan sa lipunan. Higit na lumalim sa proseso ng kilusang praktikal ang marubdob nyang pagnanais na baguhin ang bulok at mapagsamantalang sistema sa bansa at gamutin ang nagnanaknak na kanser ng lipunang pinaghaharian ng mga oligarkong malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa’t burukratang kapitalista na pawang maamong naninilbihan sa interes ng imperyalismong US.

Hinanap nya ang solusyon sa mga sakit ng lipunan sa aktibismo sa lansangan sa pamamagitan ng pagsusulong ng makabuluhang repormang panlipunan sa pamamagitan ng parlamentong pakikibaka. Subalit sa ilang taong paglahok nya sa mga pakikibakang ligal na nagsusulong ng reporma, napagtanto nya na hanggang hindi napapalitan ang sistemang pinaghaharian ng mga lokal na oligarko, mananatiling sa panaginip lamang ang paghahangad ng tunay na pagbabago sa lipunan.

Hinanap nya ang kasagutan sa armadong pakikibaka at sa maikling panahong ng paglahok sa yunit ng hukbong bayan, higit na tumibay ang kanyang komitment na tanging armadong pakikibaka lamang ang landas para magkaroon ng tunay na kapangyarihang pampulitika ang mamamayan—isang kapangyarihang nagmumula sa dulo ng baril upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa na marahas na inaagaw ng malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina at plantasyon ng oil palm, ng busabos na kundisyon sa pagpapasahod ng mga manggagawang bukid, ng mapagsamantala at madayang sistema ng pagbili ng kanilang produkto lalo sa hanay ng mga magbabagtik at maliliit na minero, at ng terorismo ng estado na sagot ng mersenaryong AFP at PNP sa mga lehitimong karaingan ng mamamayan.

Isang lokal na Palaweño si Jay-ar “Ka RG” Sento na nagpasyang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka dahil sa labis na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng lokal na mga naghaharing malalaking negosyo, panginoong maylupa at tiwaling mga pulitikong aktibong nakikipagsabwatan sa malalaking kumpanya sa pagmimina at plantasyon. Sinasagisag nya ang pag-ugat ng simulain ng rebolusyon sa masang Palaweño at ang malalim na suporta nila sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Habang nagbubukang–liwayway nuong Septyembre 3, 2020 ay pinaslang si Ka Nato at 4 pa niyang kasamahan ng mga berdugo at ulol na asong nasa ilalaim ng 3rd Marine Brigade. Ang Forced Reconnaissance Group ng 4th MBLT at 3rd MBLT.

Hinding-hindi natin ito dapat na kalimutan! Ang kanilang pagkamatay ay dugong didilig upang yumabong ang mga dati nang naipunla ng kanilang mga pagsisikap sa Palawan. Ang kanilang pagkamatay ay mitsa ng apoy ng galit ng mamamayan at mga pulang mandirigma na naghahangad na ibigay ang hustisya kay ka Nato at sa mga kasama.

Ang bawat bukang–liwayway ngayon ay ang inspirasyong nagpapasiklab ng nag-aalimpuyong pag-alpas mula sa tanikala ng pagsasamatala at pang-aapi sa pamamagitan ng maigting na pagsusulong ng armadong rebolusyon. Bawat bukang–liwayway ay hustisya at kalayaan ang hangad!

Kamatayan sa pasistang 3rd Marine Brigade!

Mabuhay ang alala ng mga dakilang martir na sina Ka Nato, Ka Selnon, Ka Naya, Ka Lemon at Ka RG!

Mabuhay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Pulang Pagpupugay kay Kasamang Bonifacio “Ka Nato” Magramo, Matapat na Lider ng Partido at Magiting na Lider ng Bagong Hukbong Bayan ng Palawan, at sa iba pang martir ng Brooke’s Point 5!