Pulang pagpupugay kina Kasamang Agaton “Ka Boy” Topacio at Kasamang Eugenia Ya Fel” Magpantay

Pinakamataas na pagdakila at pagpupugay ang iginagawad ng mga kasama mula sa Inang Larangan
para sa rebolusyonaryong kabayanihan nina Agaton “Ka Boy” Hudencial Topacio at Eugenia “Ka Fiel”
Magpantay Topacio, kapwa kadre at mga retiradong opisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas at
Bagong Hukbong Bayan, mga bayani at martir ng sambayanan.

Sa kalagitnaan ng madaling araw ng Nobyembre 25, sinalakay at walang awang pinaslang ng mga
berdugong mersenaryo ng pasistang estado ang mag-asawa sa kanilang tahanan sa bayan ng
Angono, Lalawigan ng Rizal.

Si Kasamang Eugenia Magpantay at Kasamang Agaton Topacio, kapwa 69 taong gulang ay pawang
kareretiro lamang sa aktibong serbisyo dahil sa mga limitasyon ng kanilang edad at pisikal na
kalagayan. Si Kasamang Fiel ay mayroong diabetes at severe arthritis na nagpahina sa kanyang
katawan. Ang pagpaslang sa mag-asawa ay isang kaso ng masaker-na-istilo-ng-pagpatay sa mga hors
de combat na labag sa mga internasyunal na makataong batas at bahagi ng brutal na kampanya ng
panunupil ng pasistang rehimeng US-Duterte at AFP-PNP sa rebolusyunaryong kilusan at lahat ng
mamamayang nakikibaka para sa panlipunang pagbabago.

Si Kasamang Agaton Hudencial Topacio na mas kilala ng mga kasama at rebolusyunaryong masa
bilang Kasamang Boy, Ka Joseph o Ka Ibyan ay ipinanganak noong Disyembre 7, 1951 at panganay sa
sampung magkakapatid. Si Manong o mas kilala bilang “Dikong” sa kanilang lugar ay mula sa
Barangay ng Bibiclat, Bayan ng Aliaga, Lalawigan ng Nueva Ecija. Si Ka Boy ay naging kasapi ng
National Operational Command ng NPA at naging Panrehiyong Kumander ng Bagong Hukbong
Bayan sa Gitnang Luzon. Nagsilbi rin sya bilang Kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa
Gitnang Luzon sa mga huling taon nito.

Si Kasamang Eugenia Magpantay Topacio na mas kilala ng mga kasama bilang Ka Fiel ay ipinanganak
noong Disyembre 13, 1951, at panlima sa siyam na magkakapatid. Si Manang ay mula sa Lalawigan
ng Batangas. Siya ay naging kagawad ng Kawanihang Pampulitika ng Partido. Pinangunahan nya
noon ang Pambansang Kagawaran sa Edukasyon. Siya ay naglingkod din bilang Pangkalahatang
Kalihim at isa sa mga nangungunang kadre na nagtiyak sa matagumpay na paglulunsad ng
Pangalawang Kongreso ng Partido noong 2016.

Sina Ka Boy at Ka Fiel ay mahahalagang gabay at haligi sa mga kasamang tumupad ng natatanging
rebolusyonaryong gawain sa Inang Larangan sa Gitnang Luzon sa panahon ng 2010 hanggang 2016.
Si Ka Boy ay nagsilbing mahusay na kumander at tagapagsanay sa mga kalakhang kabataang mga
kasama na noon ay bagong sampa at talaga sa espesyal na gawain. Siya ay isang makaranasang
mandirigma na pinaghugutan ng mga aral at gabay ng mga kasamang punong-puno ng
kapangahasan sa pag-aaral, paglalapat at paglulunsad ng digmang bayan sa tereyn ng malawak na
kapatagan ng Gitnang Luzon.

Si Ka Boy, sa madalas niyang simpleng T-shirt at khaki shorts ay malalim mag-isip ngunit simple sa
pananalita. Siya ay laging bukas na magbahagi at makipag-aralan sa larangan ng armadong
pakikibaka. Hindi siya nag-aatubili na magbahagi ng mga karanasan sa mga labanan at tunggalian sa
mga kasamang nagpapanday pa lamang. Seryoso bilang tagapakinig ngunit may sundot ng biro na
lagi’t laging mapanghihikayat sa mga kasama. Sa kabila ng pagiging mataas na opisyal at kumander,
taglay niya ang kababaan ng loob ng isang tunay na hukbo ng bayan na tagapagtaguyod ng
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka.

May mataas siyang pagpapahalaga sa pagpapahusay ng rebolusyonaryong propaganda at kultura sa
hanay ng mga kasama at lalong lalo na sa masa. Itinulak niya ang paglilimbag ng mga publikasyon na
Lakas ng Masa, ang Pangkulturang antolohiya na Inang Larangan, at Ang Mandirigma ng Josepino
Corpuz Command-BHB Gitnang Luzon—mga rebolusyonaryong propaganda na may layuning
mag-ambag sa pagpapanibagong sigla at lakas ng rebolusyonaryong pwersa at masa ng Gitnang
Luzon.

Si Ka Fiel, na noon ay nasa pamunuan ng Pambansang Kagawaran sa Edukasyon, ay naging bahagi
naman ng masiglang rebolusyonaryong pag-aaral ng mga kasama sa Inang Larangan. Isang tunay na
matalas na guro sa pagpapanday ng ideolohiya at mahusay na ehempo sa larangan ng instruksyon.

Hindi nauubusan ng mapangahas na mga ideya at kaparaanan, lagi nilang dinidirehe ang mga
kasama sa rebolusyonaryong optimismo at ibayong pagpapaunlad. Sa abot ng paggabay at
pagpapatimo ng mga saligang prinsipyo at paninindigan ng isang mabuting Komunista, ihinanda ni
‘Ka Boy at Ka Fiel ang mga kasama sa Inang Larangan sa pagtanggap ng mas mapangahas at
mabibigat pang tungkulin saan man silang larangan ng rebolusyonaryong gawain dalhin ng Partido.

Sina Agaton Topacio at Eugenia Magpantay: o“Manong” at“Manang” ng mga kasama’t
rebolusyonaryong masang kanilang nakadaupang palad ay lagi’t laging maaalala bilang mga
kasamang puno ng kasikhayan, kasigasigan, katatagan, dedikasyon at giliw sa pagsusulong ng
rebolusyon.

Ang kanilang ala-ala ay habampanahong paghahalawan ng mga aral at inspirasyon para sa lahat na
ibayo pang kumilos, lumaban at yakapin ang rebolusyonaryong pag-aambag at paghahawan. Ang
kanilang Kabayanihan ay hinding hindi malilimutan ng malawak na masang aping kanilang
pinagsilbihan at pinag-alayan ng buhay. Mula sa kabundukan ng Kordilyera, sa kabundukan ng
Caraballo at Sierra Madre at sa malawak na kapatagan ng Gitnang Luzon, hinding hindi malilimutan
at matatawaran ang kanilang rebolusyonaryong pag-aambag sa pagsusulong ng demokratikong
rebolusyon ng mamamayan.

Pinakamataas na pagpupugay, pagdakila at pulang saludo sa inyo Manong at Manang. Mga
mahahalagang pundasyon at tulay sa pagsusulong ng rebolusyonaryong paglaban, kayo ay
itinatanghal namin sa dambana ng mga bayani ng Inang Larangan. Ipagpapatuloy namin at ng
laksa-laksa pang mandirigma at rebolusyonaryo ang paghahawan ng landas tungo sa tagumpay ng
isang ganap na malayang lipunan.

Mabuhay ang rebolusyonaryong pag-aambag nina Ka Boy at Ka Fiel!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Nagkakaisang Prente ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Pulang pagpupugay kina Kasamang Agaton "Ka Boy" Topacio at Kasamang Eugenia Ya Fel" Magpantay