Pulang Pagpupugay sa mga Martir ng Rebolusyon!
Ka Ma Roja Banua
Tagapagsalita
NDFP-Bikol
Iginagawad ng NDF-Bikol ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino sa Bikol at sa buong Pilipinas. Inspirasyon ng buong rebolusyonaryong kilusan ang mga nag-alay ng buhay para sa sambayanan sa pagsusulong ng makatwiran at makatarungang digma.
Gayundin, kaisa ng mga pamilya ng mga pulang mandirigma, kumander at sibilyan na biktima ng walang pakundangan at hindi makatwirang gera ng rehimeng US-Duterte ang NDF-Bikol sa paggunita at pagkilala sa kanilang buhay at alaala.
Kabilang sa mga huwarang pulang mandirigma at pulang kumander ng NPA na namartir ng taong ito sina Kasamang Alfredo “Ka Bendoy” Merilos, kasapi ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)-Bikol at ng Komite Sentral ng PKP, at si Kasamang Ems, pulang mandirigma ng Tomas Pilapil Command.
Mga hors de combat o wala sa katayuang lumaban ang dalawa nang paslangin sila ng berdugong AFP-PNP sa magkahiwalay na insidente. Hindi armado at nasa proseso ng pagpapagamot si Ka Bendoy habang malubhang sugatan at walang kakayahang lumaban si Ka Ems. Tinortyur din si Ka Ems bago tuluyang patayin ng mersenaryong kasundaluhan. Ito ay labag sa Geneva Conventions, na linagdaan ng gubyerno ng Pilipinas, kung saan nakasaad na dapat bigyan nang paunang lunas at isailalim sa makatarungang proseso ng paglilitis ang mga hors de combat.
Yumao man ang ilan sa hanay ng magigiting na mga anak ng bayan, nagpapatuloy ang kapasyahan ng mamamayang ipagpatuloy at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan. Ang pagkawala ng ilang mahuhusay na bayani ng mamamayan ay lalong nagpapatibay sa diwang mapanlaban ng mamamayan. Patuloy na lumalawak at lumalakas ang tunay na hukbo ng sambayanan na may malawak at malalim na suporta ng sambayanan.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan na tahakin ang landas ng armadong paglaban na isinulong ng mga tunay na anak ng bayan. Ang pagluluksa at pangungulila ngayon ay tutungo sa pagbabalikwas at paglaban para sa ganap na kalayaan. Sa diwa ng pagsisilbi sa sambayanan, tangan ang ala-ala ng mga nag-alay ng buhay, isulong ang rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay! Mabuhay ang mga martir ng demokratikong rebolusyong bayan!