Pulang pagsaludo para kina Marcos “Ka Corel” Kinaud Yocogan at Jan Michael “Ka Simon” Ayuste: Mga bayani ng sambayanan!
KUNDENAHIN ANG KALAPASTANGANAN NG 69IB, BESAO MPS AT MP PMFC!
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Leonardo Pacsi Command (LPC) – NPA Mountain Province kina Marcos “Ka Corel” Kinaud Yocogan at Jan Michael “Ka Simon” Ayuste na nagbuwis ng kanilang buhay habang puspusang itinataguyod ang rebolusyonaryong tungkulin bilang hukbo ng sambayanan.
Mag-uumaga ng Oktubre 30, nang kanilang makasagupa ang pinagsama-samang elemento mula sa 69th Infantry (COUGAR) Battalion, Besao Municipal Police Station (BMPS), at Provincial Mobile Force Company sa Sitio Masameyeo, Brgy. Gueday, bayan ng Besao, Mountain Province.
Kinukundena ng LPC ang “overkill” na pagpaslang ng berdugong AFP-PNP sa mga myembro ng NPA, ang pambabastos ng mga walang-kaluluwang berdugo sa nagluluksa at mga naulilang kaanak ng mga napaslang gayundin ang sukdulang pagbabalewala ng AFP-PNP sa kapakanan at karapatan ng mga sibilyan.
Ayon sa nakalap ng LPC, tadtad ng mga tama ng bala ang buong katawan nina Yocogan at Ayuste. Ito’y patunay ng kawalang-paggalang ng AFP-PNP sa batas ng digmaan at iba pang kasunduan tulad ng CARHRIHL, dahil sa pagkahayok nito na makahuli ng NPA sa ngalan ng “reward” at promosyon.
Hindi totoo ang ipinapakalat na balita ng AFP-PNP na ang mga napaslang na NPA ay nangingikil sa mga residente ng baryo bago ang pangyayari. Bagkus, sila ay nakikipagkonsulta sa mga masa hinggil sa kanilang kalagayan bilang bahagi ng araw-araw na gawain ng hukbo.
Wari ba’y kulang pa ang pamamalastangan ng AFP-PNP at iba’t ibang porma pa ng pambabastos ang kinailangang indahin ng nagluluksang kaanak ng mga napaslang na NPA.
Sa lamay ni Ka Corel, limang elemento mula sa 69th IB at PNP, na armado ng matataas na kalibreng riple, ang nanghimasok at walang pag-iimbot na nagtalakay ng programa ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa mga naglalamay. Inalok pa ng AFP-PNP ng perang “compensation” ang pamilya Yocogan na tinanggihan naman ng huli.
Sa kabila naman ng maayos na pakikipag-ugnayan ng pamilyang Ayuste sa LGU ng Besao at mga sibilyang makakatulong patungkol sa pagkuha sa labi ng kanilang kaanak, walang pakundangan at walang pagrespeto sa pamilya ang malaking presensya ng mga pulis at sundalo. Ang mga berdugong gumawa mismo ng karumal-dumal na karahasan sa kanilang kaanak ay naroroon mula pa sa pagpunta ng pamilya hanggang sa pag-uwi ng labi ni Ka Simon.
Samantala, ipinagmamalaki ni B/Gen Luis Bergante, acting Commanding Officer ng 7th ID ang pagkapaslang sa dalawang NPA bilang isang malaking tagumpay ng kasundaluhan at kapulisan. Hindi na nakakagulat na ang isang operasyong hitik sa paglabag sa karapatang pantao at batas ng digma ay itinuturing na tagumpay ng AFP. Sa katunayan, ang nangyaring “overkill” ay isang konsentradong operasyong kombat sa loob mismo ng komunidad. Nagpapatunay lamang nito na ang AFP-PNP ay walang malasakit sa buhay, karapatan, at kapakanan ng mga sibilyan.
Habang tuloy-tuloy na lumalala ang paghihirap ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng inutil, pasista at traydor na paghahari ng rehimeng US-Duterte, walang maaasahan ang mga mamamayan kundi sumandig sa lakas ng kanilang pagkakaisa.
SINGILIN AT WAKASAN ANG PASISTANG REHIMENG US-DUTERTE SA MGA KRIMEN NITO SA MAMAMAYAN!
MABUHAY ANG ALAALA NILA KA COREL, KA SIMON AT IBA PANG BAYANI NG REBOLUSYON!
LUMAHOK AT MAGPURSIGE SA DIGMANG BAYAN!