Pulang Saludo, Ka Maymay at 4 pang kasama! Pagbayarin ang Pasistang AFP at PNP!
Pinakamataas na pulang parangal at saludo ang iginagawad ng Kabataang Makabayan (KM)- Ilocos kay Kasamang Pamela “Ka Maymay” Peralta at 4 pa nitong kasamang Pulang Mandirigma ng New Peoples Army (NPA) na nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban sa pasistang tropa ng pinaghalong unit ng AFP at PNP sa Brgy. Suagayan, Sta. Lucia, Ilocos Sur noong Agosto 8 ng hapon hanggang Agosto 9 ng umaga.
Nagluluksa ngayon ang buong rebolusyonaryong kilusan kasama ang mga kabataan, magsasaka, at buong mamamayan ng kanayunan ng Ilocos Sur sa pagpaslang ng pasistang armadong pwersa ni Duterte kila Ka Maymay at 4 pang kasama. Sasariwain ng mga kabataan ang alaala ng 5 martir ng bayan sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng rebolusyonaryong pakikibakang tinahak nila.
Ipinapaabot namin ang taos-pusong pakikiramay sa mga kapamilya, kaibigan, kaklase, at mga naging kasama ng 5 martir ng sambayanan. Nais rin naming iparating ang lubos na pasasalamat sa inyo sa pagbabahagi ng inyong dakilang anak para sa buong-panahong paglilingkod sa masang anakpawis ng Ilocos.
Kabaliktaran sa nais palabasin ni Major Rogelio Dumbrique ng CMO Battalion at iba pang tagakahol ng AFP, hindi nasayang ang buhay ni Ka Maymay at 4 pang kasama sapagkat ang mga aral at insipirasyong iniwan nila Ka Maymay ay magpapasibol ng marami pang Ka Maymay at mga pulang mandirigma sa hanay ng mga kabataan at masang pinaglingkuran nya.
Dadakilain ng lahat ng kabataan ang alaala ni Ka Maymay bilang isang tunay na huwaran ng walang pagmamaliw na paglilingkod sa sambayanan. Nagpapatuloy pa rin sa kasalukuyan ang operasyon ng pasistang kaaway sa pinangyarihan ng pagkakapaslang kina Ka Maymay at sa mga karatig na baranggay. Sa harap ng malungkot at nakakagalit na pangyayaring ito, buo ang determinasyon ng mga naiwan nila Ka Maymay na akuin ang mga tungkuling nakaatang sa kanila.
Ang sakripisyo nila Ka Maymay at 4 na mga kasama ay mas lalo lamang magpapaalab sa rebolusyonaryong damdamin ng NPA-Ilocos Sur kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan. Ang kanilang dakilang buhay ay inspirasyon ng buong masang aping lumalaban upang ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sosyalismo.
Pulang Saludo para kila Ka Maymay at 4 na kasama!
Pagbayarin ang pasistang AFP at PNP!
Kabataan, sumampa sa NPA!
Ipagtagumpay ang rebolusyong bayan!