Pulang saludo kay Ka Facio, lider kabataan, magiting na opisyal ng NPA
Pinakamataas na pulang saludo ang iginagawad ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog kay Kevin “Ka Facio/Lucio” Castro, magiting na Pulang mandirigma at mahusay na Pampulitikang Instruktor ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon. Namatay si Ka Facio sa edad na 28 sa isang labanan noong Pebrero 21 sa Brgy. Binibitinan, Polilio, Quezon, bandang 11:20 ng tanghali.
Nagmula si Ka Facio sa uring petiburges sa bayan ng Malolos, Bulacan. Isa siyang mabait, masayahin at mapagkalingang anak, nakatatandang kapatid at kaibigan. Naorganisa siya sa hanay ng mga kabataang estudyante habang nag-aaral ng kursong BS Education sa loob ng University of the Philippines – Diliman. Namulat siya sa kolonyal, komersyalisado at pasistang katangian ng edukasyon sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Naging aktibo siya sa paglahok sa mga pagkilos para ipanawagan ang karapatan ng mga kabataan sa edukasyon, hanggang sa sumapi sa Kabataang Makabayan upang higit pang isulong ang interes ng mga kabataan sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Kilala si Ka Facio bilang mahusay na lider-estudyante. Palagi siyang nangangamusta sa kanyang mga kasamahan at dinadamayan ang mga ito sa tuwing may problema. Masigasig siya sa pagtupad ng mga gawain. Nang mahalal bilang bahagi ng Konseho ng mga Mag-aaral, ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga estudyante at nakipag-ugnayan sa iba pang mga konseho ng iba pang pamantasan upang pahigpitin ang pagkakaisa ng mga kabataan.
Isang matalinong estudyante si Ka Facio. Katunayan, magtatapos sana siya bilang batch valedictorian, subalit nagpasya siyang ipagpaliban ang pag-aaral at tumugon na sa panawagan ng bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Inilaan niya ang buong panahong pagkilos niya sa hayag na kilusan ng kabataang estudyante noong 2016. Nang magkaroon ng pagkakataong manumbalik ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, naging aktibo siya sa paglahok sa mga peace forum sa iba’t ibang pamantasan ng Metro Manila at maging sa Timog Katagalugan.
Subalit hindi sapat kay Ka Facio na kumilos lamang sa larangan ng parlamentaryong pakikibaka. Naghangad siya ng tunay na pagbabago para sa lipunan at tulad niyang kabataan, na batid niyang malulutas lamang sa pamamagitan ng isang armadong paraan ng pakikibaka. Nagpasya siyang sumapi sa NPA noong Disyembre 2016 bilang pagtugon sa panawagan ng Partido sa mga kabataan na lumahok sa digmang bayan. Ipinakat siya sa yunit ng NPA sa Hilagang Quezon kung saan siya umunlad at nagpakahusay bilang rebolusyonaryo.
Isa si Ka Facio sa mga may piniling kasarian na lumahok sa digmang bayan. Pinatunayan nitong bahagi sila sa laban ng aping mamamayan at sa pagsusulong ng rebolusyon. Hindi rin naging hadlang sa kanya ang hirap ng buhay sa kanayunan. Tinanggap niya ito bilang bahagi ng sakripisyo sa masalimuot na pagrerebolusyon hanggang sa unti-unting nakaangkop sa buhay sa sonang gerilya. Punung-puno siya ng determinasyon at hindi napanghihinaan ng loob sa anumang sitwasyong kinaharap. Tinitingala siya ng mga kapwa niya Pulang mandirigma sa kanyang mga determinadong pag-igpaw sa mga kahirapan, kahinaan at limitasyon.
Buong puso niyang ginampanan ang pagiging opisyal pampulitika ng NPA kung saan matiyaga siyang nagmulat, nag-organisa at nagpakilos ng masa. Nagsilbi siyang mahusay na rebolusyonaryong guro sa mga masa at Hukbo. Hindi lamang mga rebolusyonaryong pag-aaral ang ibinibigay niya, kundi ang literasiya at numerasiya para sa mga masa at Hukbo na hindi nakapagtapos ng pag-aaral, laluna sa hanay ng mga katutubong Dumagat at Remontado.
Dahil sa kanyang kasigasigan at husay sa gawain, hinirang siya ng Partido na maging bahagi ng namumunong komite sa subrehiyong kinapapalooban niya. Malaki ang naging ambag ni Ka Facio sa pagrereaktiba ng mga naiwang base sa Hilagang Quezon, laluna sa Polilio Group of Islands. Mapangahas niyang tinanganan ang atas na balikan ang mga eryang ito sa kabila ng kawalang kaalaman sa lugar.
Bilang lider, kilala si Ka Facio na bukas sa mga ideya, aktibong lumalahok sa mga pulong at mapagkumbabang tumatanggap ng mga pagkakamali. Palagi siyang nakasipat sa target kaya nakakapagluwal ang kanilang yunit ng mabubungang resulta sa gawaing masa. Idinerehe niya ang buong tropa nila sa Polilio Group of Islands hanggang sa makapanumbalik ang sigla ng masa at makapagpasampa ng mga lokal sa NPA.
Maikli lamang ang panahong nakasama natin si Ka Facio, subalit makabuluhang mga alaala at ambag ang iniwan niya sa rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan. Inspirasyon siya sa lahat ng mga Pulang mandirigma sa rehiyon na ipagpatuloy ang pakikibaka. Maraming mga katulad niyang batang kadre ang handang gampanan ang naiwan niyang tungkulin. Sa pagkabuwal ng kanyang katawan, nakahanda ang libu-libong kabataan na tahakin ang pinili niyang landas at tanganan ang nabitawan niyang sandata.###