Pulang saludo kay Ka Menandro Villanueva (Ka Bok), Kumander ng BHB, rebolusyonaryong bayani ng sambayanang Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at nag-aatas sa lahat ng Pulang kumander na igawad ang pinakamatikas na Pulang saludo kay Ka Menandro Villanueva (Ka Bok), Kumander ng Bagong Hukbong Bayan, na pinatay kamakailan ng pasistang kaaway sa bayan ng Mabini, Davao de Oro. Si Ka Bok (kilala rin bilang Ka Jude at Ka Gipo) ay nasa 70 taong gulang.

Bigyang-pugay natin si Ka Bok na walang pag-iimbot na naglingkod sa rebolusyonaryong adhikain ng sambayanang Pilipino at tumulong sa pagsusulong ng kanilang pambansa-demokratiko at sosyalistang mga hangarin. Sa pagiging rebolusyonaryong mandirigma sa loob ng limang dekada, nakahanay na ngayon si Ka Bok sa kawan ng mga bayani ng sambayanang Pilipino. Inalay niya ang buong buhay niya para sa adhikain ng proletaryado at masang api at pinagsasamantalahan.

Ulol na ulol ang mga pasista sa kanilang galit kay Ka Bok dahil matagumpay niyang pinamunuan ang antas-antas na pag-angat ng Partido at armadong rebolusyon sa Southern Mindanao, dahil pinukaw at binigyang-kapangyarihan niya ang masang magsasaka at Lumad, dahil tumulong siya sa pagpunla at pagpayabong sa binhi ng demokratikong rebolusyong bayan, at dahil itinaguyod at ginabayan niya ang paglaban ng mamamayan laban sa pagmimina at iba pang malalaking kapitalistang operasyong puminsala sa lupa at dumambong at sumira sa kapaligiran.

Kasama ang iba pang mga kadre at kumander, gumampan ng mahalagang papel si Ka Bok sa pagpapalawak at pagpapatatag ng hukbong bayan at ng Partido Komunista ng Pilipinas sa buong Mindanao. Mahahalagang tungkulin din ang ginampanan niya sa pambansang paglaki ng Bagong Hukbong Bayan bilang punong kumander, at bilang kagawad ng Komite Sentral ng PKP at ng sentral na namumunong mga organo nito.

Patunay sa lakas, tibay at gerilyang disiplina ng BHB, at sa malawak at malalim na suporta ng malapad na masa sa hukbong bayan, na inabot ang kaaway ng mahigit isang dekada—at naglustay ng bilyon-bilyong piso sa walang-patid na mga operasyong militar, at naghasik ng teror sa masang magsasaka at Lumad—bago nila tuluyang nagupo si Ka Bok.

Ipinaaabot namin ang pinakataimtim na pakikiramay sa minamahal na pamilya at mga kaibigan ni Ka Bok. Ang kanyang kamatayan ay ipinagluluksa ng Partido, ng BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa, at ng malawak na masa ng manggagawa at magsasaka, laluna ang aping mamamayan sa mga liblib na pook sa mga prubinsya ng Davao na buong pagmamahal niyang pinaglingkuran sa nakalipas na mga dekada.

Malaking kawalan sa Partido at armadong rebolusyon ang kamatayan ni Ka Bok. Ngunit pansamantala lamang ang kabiguang ito at mapangingibabawan sa takdang panahon. Malaking bilang ng mga kadre ng Partido at kumander ng BHB, mga beterano sa digmang bayan, gayundin ang mga kabataang lider na sinanany ni Ka Bok at pinanday sa mga gawain sa pulitika at militar, ang handang humalili at bumalikat sa kanyang mga iniwang tungkulin.

Tunay na may mahalagang papel sa digmang bayan ang rebolusyonaryong mga lider. Ngunit ang malawak na masa ng sambayanan—na mulat at matatag na lumalaban—ang silang gumagamapan ng mas malaki at mapagpasyang papel sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sa harap ng lumulubhang mga anyo ng pang-aapi at atake ng teroristang estado, walang kasingrubdob ang paghangad ng mamamayan na lumaya at ang kanilang determinasyon na isulong ang rebolusyon. Ang teroristang paghahari ng pasista, korap at papet ng rehimeng Duterte ay lalong nagpapasidhi sa rebolusyonaryong sigasig ng sambayanang Pilipino.

Tulad sa anumang gera, daranas ng mga pag-atras at kabiguan ang digmang bayan, ngunit ang mga aral na mahahalaw ay magsisilbing gabay sa lalupang pagsulong nito. Ang pagkawala ni Ka Bok ay hindi makapipigil sa lalupang pag-abante at paglakas ng digmang bayan, dahil ito ay makatarungan at demokratikong digma na kumakatawan sa pinakamataas na hangarin ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Ang buong-buhay na rebolusyonaryong paglilingkod at kabayanihan ni Ka Bok ay habambuhay na magiging inspirasyon sa lahat ng Pulang mandirigma at sambayanang Pilipino upang dalhin sa mas mataas na antas ang digmang bayan.

Pulang saludo kay Ka Menandro Villanueva (Ka Bok), Kumander ng BHB, rebolusyonaryong bayani ng sambayanang Pilipino