Pulang Saludo kay Ka Totoy
August 04, 2018
Nagdadalamhati ang Bagong Hukbong Bayan, Partido Komunista ng Pilipinas at ang mamamayan sa pagkasawi ni Kasamang Rommel Aguado o mas kilala bilang Ka Totoy ng mga kasama at masa sa South Quezon-Bondoc Peninsula.
Nasawi si Ka Totoy sa isang labanan noong Hulyo 27, 2018, alas singko ng hapon sa Brgy Montes Kallagan sa bayan ng Atimonan. Si Kasamang Totoy ay isang pulang mandirigma ng Apolonio Mendoza Command-NPA.
Tubong Iloilo, 36 anyos si Ka Totoy. Siya ay naging manggagawa sa isang pabrika ng lubid sa Laguna. Dito namulat si Ka Totoy dahil sa pagsasamantala sa kanila ng management ng kumpanya. Naranasan nilang sumahod ng mababa sa minimum wage na itinakda sa mga pagawaan. Hindi rin naibigay ang mga benipisyo na dapat sana ay kanilang tinatamasa.
Sumapi si Kasamang Totoy sa unyon ng manggagawa at lumahok sa mga pagkilos para ipaglaban ang kanilang karapatan sa sahod at mga benipisyo na ipinagkakait sa kanila ng management ng kumpanya.
Mahigit sampung taong kontraktwal na manggagawa si Ka Totoy hanggang sa siya ay sumampa sa Bagong Hukbong Bayan.
September 2016 nang pumasok sa isang sonang gerilya sa Quezon si Kasamang Totoy. Mula noon hindi na siya nagdalawang isip at nagpasya na siyang lumahok sa armadong pakikibaka.
Buong puso niyang pinaglingkuran ang sambayanan. Nagpakita ng kasipagan, katiyagaan at kapursigehang matuto upang mas lalong pahusayin ang sarili at mas makapaglingkod sa mamamayan.
Sa bawat barangay ng magsasaka na napupuntahan niya ay napapamahal sa kanya ang masa dahil sa kanyang malambing at masayahing pakikitungo sa kanila. Matiyaga siyang nagpapaliwanag sa masa at walang pagod sa pagtulong sa arawan nilang mga gawain.
Kaya naman kasabay ng pagdakila kay Ka Totoy ay labis-labis rin ang poot na nadarama ng mamamayan sa pasistang AFP-PNP-CAFGU.
Pagbabayaran nang mahal ng pasistang tropa ang pagkamatay ni Ka Totoy, lalo pa at matapos ang labanan ay patuloy na naghahasik ng teror ang mga sundalo sa mga residente na pinipigilang magpunta sa kanilang mga lupain at pinalayas sila sa kanilang bahay sa bundok ng Brgy Montes Kallagan.
Nananawagan ang Bagong Hukbong Bayan at Partido Komunista ng Pilipinas sa lahat ng mamamayan na labanan ang pasismong inihahasik ng AFP-PNP-CAFGU at ng rehimeng US-Duterte.
Gawin nating inspirasyon si Kasamang Totoy upang lalong palakasin ang ating Bagong Hukbong Bayan. Sa kanyang pagkabuwal ay tanganan natin ang kanyang armas na nabitawan at ipagpatuloy ang pakikibaka para sa tagumpay ng rebolusyon at pagkakamit ng katarungan para sa mga naging biktima ng mga berdugong AFP-PNP-CAFGU at rehimeng US-Duterte.#
Pulang Saludo kay Ka Totoy