Pulang saludo kay Kasamang Eleven! Tahakin ang rebolusyonaryong landas na kanyang naiwan!

Pahayag ng Pamprubinsyang Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas-Quezon at Apolonio Mendoza Command-New People’s Army


Nabawasan ng matapang at magiting na pulang kumander ang NPA sa larangan ng South Quezon-Bondoc Peninsula. Nanawagan kami sa lahat ng kauring magsasaka ni Ka Eleven at iba pang inaaping mamamayan na tahakin ang armadong landas at punuan ang nabakanteng rebolusyunaryong tungkulin niya.

Namartir sa isang labanan si Fernando Anda, Jr, kilalang si Ka Eleven sa rebolusyunaryong kilusan noong ika-11 ng Oktubre, 2021 sa Barangay Recto, General Luna.

Si Jay-ar ay ipinanganak noong ika-30 ng Marso, 1989 sa bayan ng Lopez. Nagmula siya sa rebolusyunaryong pamilya ng uring magsasaka. Ang kanyang ama ay kilalang lider rebolusyunaryo sa lokalidad at kabilang sa mga masigasig na kumilos sa panahon ng pagpupundar ng armadong kilusan sa SQBP noong dekada 80.

Responsableng anak si Jay-ar sa kanilang pamilya. Hindi niya natapos ang elementarya dahil maaga na siyang sumabak sa gawain sa bukid. Bago siya nagpultaym at noong kasiglahan ng paggampan niya ng gawain sa baryo, naisasabay niya ang paghahanapbuhay para makatuwang sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Bukod sa pagiging magsasaka sa niyugan, pinasok ni Jay-ar ang iba’t-ibang trabaho kaya may mga panahong nakapangibang-bayan siya.

Noong Hunyo 2018, nagdeklara siyang kumilos ng buong panahon sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Itinulak ito ng mainit na panawagan ng kilusang pagwawasto sa pangangailangang ang mga rebolusyunaryong puwersa sa lokalidad ay lumahok sa armadong pakikibaka at humawak ng mas malalaking tungkulin lampas at labas ng kanilang mga baryo. Sila ni Ka Marwin, na isa na ring martir, ang kabilang sa tumugon sa panawagang ito.

Maiksi ngunit makabuluhan ang mahigit tatlong taon na pagseserbisyo ni Ka Eleven sa Bagong Hukbong Bayan at aping magsasaka sa kanayunan ng SQBP. Tinupad niya ang sumpang buhay man ay ialay para sa bayan, at ito ang naghatid sa kanya para mapabilang sa dambana ng mga bayani ng rebolusyong Pilipino.

Si Kasamang RB

Mga magulang at kapatid ni Jay-ar ang mismong nagmulat at mag-organisa sa kanya, kasabay nito ay nakasalamuha niya ang NPA sa murang edad. Sabi niya sa kanyang Rebolusyunaryong Talambuhay, “sumasamâ ang loob ko sa pananabik sa mga kasama kapag matagal ko silang hindi nakikita dahil hindi napapadaan sa lugar namin.”

Taong 2005 nang marekrut siya sa Kabataang Makabayan. Dahil menor de edad pa hinding-hindi siya mapahintulutang bigyan ng armadong tungkulin sa NPA. Gayunman, ipinakita ni Jay-ar bilang aktibistang kabataan na walang malapit o malayo, walang magaang o mabigat, at walang maliit o malaking tungkulin basta ito ay para sa pagtataguyod sa Bagong Hukbong Bayan.

Hindi niya makakalimutang karanasan bilang aktibistang kabataan nang minsang masalubong siya ng nag-ooperasyong sundalo habang may dala-dalang isang sakong dahon ng gabi na panggulay ng NPA. Dahil likas na matalino at mabilis mag-isip, nalusutan niya ang mga sundalong nag-imbestiga sa kanya.

Taong 2016 na nang muling masumpungan ng yunit ng NPA si Jay-ar na noon ay kababalik mula sa pagtatrabaho kung saan-saang lugar. Walang pagdadalawang-isip na muli siyang nag-aktibo, na noo’y gumamit ng pangalan sa pakikibaka na — Ka RB — dito na siya magiging bantog na puwersa ng rebolusyon sa lokalidad.

Kumander ng Milisyang Bayan

Noong Agosto 2017, nanguna si Ka RB sa pag-oorganisa sa kanilang baryo para mapagtapos ng Batayang Kursong Pulitiko-Militar ang mga kapwa niya milisyang bayan. Nahirang na punong kumander si Ka RB ng laking platun na yunit milisyang bayan.

Nanguna si Ka RB sa pagrerekrut ng mga bagong kasapi ng YMB at tumulong siyang magmulat at mangumbinse ng mga magsasakang sasanib at sasampa sa NPA. Lalong sumigla ang rebolusyunaryong gawain sa kanilang lokalidad sa paglahok ng masa sa pakikidigmang gerilya.

Ang pamumuno ni Ka RB ay mahusay niyang naisasagawa sa pagiging mahusay na ehemplo sa anumang gawain. Sa kabila ng mababang literasiya, ipinakita niya sa kapwa rebolusyunaryo na kaya niyang manguna sa pagpapatakbo ng mga pulong, pakikipagtalakayan, pagbibigay ng pag-aaral at pag-oorganisa ng komprehensibong gawain sa lokalidad.

Rebolusyunaryong Pag-aambag

Kadreng panlarangan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Platun Kumander ng Bagong Hukbong Bayan si Ka Eleven nang siya ay mamartir.

Mabilis ang naging pag-unlad ni Ka Eleven bilang kadre ng Partido at kumander ng hukbong bayan sa maiksing tatlong taon ng kanyang pagiging pultaym na gerilya ng Apolonio Mendoza Command.

Maraming taktikal na opensiba at aksyong militar ang sinamahan at pinangunahan ni Ka Eleven.

Mahalaga ang naging papel ni Ka Eleven sa panahon ng pananalasa ng kontra-rebolusyunaryong gera ng rehimeng Duterte. Isa siya sa mga pulang kumander ng Apolonio Mendoza Command na hindi napapagod mag-isip kung papaano haharapin ang napakahigpit at napakabangis na focused military operations ng JCP-Kapanatagan.

Isang karanasang hindi makakalimutan ang pangunguna niya kasama ang iba pang kumander na maitawid sa ilog ang yunit na napalaban sa kasagsagan ng pursuit operations at bagyo. Laging maaalala ng mga kasama ang larawan ni Ka Eleven na nakatayo sa gitna ng kawayang ginawang tulay para isa-isang itawid ang mga NPA sa malaking ilog.

Kuwentong Barbero

Ang matapang at magiting na kumander ay isa ring mahusay na barbero. Bahagi ng serbisyo ng yunit ng NPA ang libreng gupit sa masang magsasaka. Isang bagay itong tatatak sa isipan ng mamamayan ng SQBP na nakasalamuha si Ka Eleven.

Bawat kasama, bawat masa ay siguradong may kanya-kanyang masayang kuwento tungkol kay Ka Eleven. Natural siyang komikero, mahusay na impersonator o manggaya ng boses at galaw ng mga tao, napakasarap magluto at sa panahong malakas ang loob niyang magtalumpati sa mga programa, siguradong pasasayahin niya ang mga tagapakinig. Mahilig rin siyang kumanta kahit laging mali ang kanyang lyrics.

Si Ka Eleven ang pulang kumander na mahinahon, simpatiko, maalalahanin at laging magiliw sa kasama at masa.

Malaking kawalan si Ka Eleven sa rebolusyunaryong kilusan ng South QUezon-Bondoc Peninsula. Ipinagdiriwang ng mamamayan ang buhay-at-kamatayang pakikibaka ni Ka Eleven, kasabay nito ay nagngingitngit ang rebolusyunaryong kilusan sa kaaway. Lahat tayo ngayon ay nakakuyom ang kamao at nagpupuyos ang galit laban sa mga kaaway ng rebolusyon.

Patuloy lamang mabibigyang kabuluhan ang rebolusyunaryong pag-aambag ni Ka Eleven kung ipapagpatuloy rin ng kanyang nauulilang masang magsasaka at iba pang inaaping uri ang naputol niyang armadong pag-aambag.

Dakila ka Ka Eleven! Bayani ka ng Sambayanan! Hindi ka malilumutan ng mamamayang iyong pinaglingkuran!

Pulang saludo kay Kasamang Eleven! Tahakin ang rebolusyonaryong landas na kanyang naiwan!