Pulang saludo para kay Ka Guma! Huwaran ng katatagan at katapangan!

,

Partido Komunista ng Pilipinas
Apolonio Mendoza Command-New People’s Army
Lalawigan ng Quezom

Nagdadalamhati ngayon ang buong rebolusyonaryong mamamayan ng lalawigan sa pagkamartir ni Rhoderick “Ka Guma” Sinas, bayani ng uring proletaryado at karamay ng uring magbubukid sa lalawigan.

Si Ka Guma ay nasawi sa isang engkwentrong labanan noong Nobyembre 12, 2021 sa Barangay Gitnang Barrio, Gumaca ganap na 9:30 ng gabi.

Hindi kayang tumbasan ng kahit anumang bagay sa daigdig ang mga naging ambag at aral na ibinahagi niya sa mga kasama at masang magsasaka. Sa limang taon ng kanyang pagkilos bilang pulang mandirigma at kumander, nagpamalas siya ng hindi matatawarang katatagan at tapang sa pagharap sa krisis, sakripisiyo, hanggang sariling buhay ay kanyang ialay.

Tulad ng iba pang mga manggagawa sa kalunsuran, naranasan niya ang pagsasamantala sa loob ng pabrikang pinasukan. Nasaksihan niya mismo ang epekto ng malawakang tanggalan sa trabaho sa ngalan ng tubo at patuloy na pagpapasasa ng mga kapitalista sa kanilang lakas paggawa; mga kalagayan na nagtulak para tahakin niya ang landas ng armadong rebolusyon at maghangad na lagutin ang tanikala ng pagkaalipin ng uring proletaryado.

Si Ka Guma ay tubong Zamboanga del Sur na ipinanganak noong Nobyembre 9, 1988.

Mananatiling buhay sa isip at laging magiging bukambibig ng bawat masang maglulukad sa South Quezon-Bondoc Peninsula ang mga kwento ng isang masayahin at matatag na Ka Guma.

Pinatunayan ito isang labanan kung saan siya nasugatan at napawalay sa mga kasama. Pumunta siya sa isang lokal na manggagamot at pinili niyang magpagaling dito sa gitna ng masinsing operasyon at walang puknat na kampanyang pagpapasuko ng kaaway sa lugar.

Ngunit patuloy siyang nanindigan sa rebolusyon.

Sa kabila ng kanyang sugat, pinilit niyang maglakad at humanap ng ligtas na lugar. Matagal siyang napawalay sa mga kasama pero ni kailanman ay hindi sumagi sa kanyang isip ang sumuko at magbuhay sibilyan na lamang.

Kahanga-hanga ang taas ng kanyang pampulitikang pagkilala at pag-unawa sa hirap at sakripisyo. Bahagyang napilay si Ka Guma dahil sa pinsalang tinamo pero kailanman ay hindi nakarinig ang yunit ng daing sa kanyang kapansanan. Sa halip na panghinaan at maghanap, ginagawa niya ang lahat ng pamamaraan upang makatuwang sa yunit ng hukbo at masang magsasaka. Pagpapakita ito na tumatak at nanuot na sa isip ni Ka Guma ang prinsipyo ng “simpleng pamumuhay at mahirap na pakikibaka”.

Sa harap ng matinding atake luwal ng desperasyon ng kaaway na durugin ang CPP-NPA sa lalawigan, hindi lamang si Ka Guma ang pinanday ng marahas na pakikihamok para ipaglaban ang uring inaapi at pinagsasamantalahan. Ang tapang at katatagan ay nananatiling tatak ng hukbong bayan at rebolusyunaryong mamamayan sa lalawigan.

Sa kanyang pagkamartir, kay Ka Guma ang pinakamataas na pagpupugay. Kuhanan natin ng inspirasyon ang pagpapakatatag ni Ka Guma bilang isang rebolusyonaryo!

Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Manggagawa, tumungong kanayunan! Ipagpatuloy ang armadong pakikibaka ni Ka Guma!

Pulang saludo para kay Ka Guma! Huwaran ng katatagan at katapangan!