Pulang saludo sa 5 martir ng Sta. Teresita, Cagayan

,

Ipinaaabot ng Pangrehiyong Kumand sa Operasyon (Fortunato Camus Command) ng New People’s Army sa Cagayan Valley ang pagpupugay sa 5 Pulang opisyal at mandirigmang nagmartir sa labanan sa Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan noong Setyembre 21, 2021. Sina kasamang Leo Teñoso Lucas (Ka Mio/ Ka Titan), Geian Espeña (Ka Marlon), Ka Judel at 2 pang bagong sampang mandirigma ay nag-alay ng pinakamataas na antas ng pagpapakasakit para sa interes at mas mabuting kinabukasan ng malawak na masa ng sambayanang pinagsasamantalahan at inaapi. Buong giting silang nakipaglaban sa lubhang nakalalamang na kaaway at hindi sila sumuko hanggang sa huling patak ng kanilang dugo. Ang mga kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, mga opisyal at mandirigma ng NPA at mga aping masang nakakakilala sa kanila at walang pag-iimbot nilang pinaglingkuran sa Cagayan Valley ay labis na nagdadalamhati sa kanilang pagpanaw.

Matapos ang lubhang tagibang na labanan na ginamitan ng Armed Forces of the Philippines ng mga moderno at malalakas na sandatang pandigma sa himpapawid at malaking tropang infantry laban sa isang maliit na yunit ng NPA sa hilagang-silangang Cagayan, nagtagal pa ang malakihang operasyon ng mga tropa ng 5th Infantry Division Philippine Army, na dahilan sa matagal na pagkakumpirma sa aktwal na nangyaring labanan, sa resulta nito at sa mga pangyayari matapos ang labanan.

Inirarason ng 5ID PA na kaya nila ginamitan ng moderno at malalakas na sandatang pandigma at malaking pwersang infantry ang pagsalakay sa pinaghihimpilan ng isang maliit na yunit ng NPA ay dahil isa diumano itong pagawaan ng mga pasabog at napalilibutan ng mga landmine kung kaya mahirap pasukin. Ginamit ng AFP ang 1 Super Tucano attack helicopter at 1 FA50 fighter jet, na nagbagsak ng 2 malalaki at 2 maliliit na bomba at machine gun fire, habang sa lupa ay umaatake ang di-bababa sa 2 kompanyang tropa ng Marine Battalion Landing Team 10 at iba pang tropa ng 5ID. Ang pambobomba sa himpapawid ay nagsimula dakong alas kwatro ng madaling araw.

Tulad ng inaasahan, lantay na kasinungalingan uli ang nilubid ng 5ID PA kung bakit gumamit ito ng napakalakas na mga kasangkapan sa gyera at malaking tropa sa pagsalakay gayong maliit na gerilyang yunit lamang ang nakalaban. Una, hindi totoo na may gawaan ng bomba sa naturang lugar at ang mga yunit ng NPA ay hindi nagtatanim ng anumang klase ng landmine sa palibot ng kanilang mga pinaghihimpilan. Sa katunayan, bago pa ang labanan sa Sta. Teresita, Cagayan ay nauna nang ipinagrason ng AFP na kaya daw nito ginawa ang aerial bombardment sa pinaghihimpilan ng isang yunit ng NPA na naggagawaing masa sa Dolores, Easten Samar noong Agosto ay dahil ito daw ay gawaan ng bomba! Inulit lang nito ang ganyang rason noong Setyembre sa Cagayan.

Ngunit samantalang ganuon nga ang ginamit nitong pwersa sa Sta. Teresita, ang sinasabi lamang ng 5ID na nakalaban at napuruhan nila ay isang iskwad (Iswad Tres) ng mga pwersa ng NPA! At ang kaswalti lamang sa panig ng NPA sa kabila ng ganuong kalaking pag-atake ay… laking-team! Komento nga ng mga mamamayan na nasa malapit sa erya ng pinaglabanan: masyado yatang takot ang mga militar sa NPA kaya para masalakay lamang nila ang isang maliit na yunit ay kailangang gamitan pa nila ng malalakas at malaking armas at pwersa. Kaya naman dahil nakakahiya ang resulta ng enggrandeng pag-atake nila, ang sinabi na lamang ng 5ID PA ay “malamang na umabot hanggang 12-katao ang nasawing NPA kabilang ang kumander ng larangang gerilya” – na isang ganap na kabalbalan.

Pinalalabas din ng 5ID PA na ang ibang gerilyang nasawi ay bunga ng pagsabog ng mga itinanim na landmine ng NPA, gayong napakalinaw na kaya umabot ng ganuong bilang ng kaswalti sa panig ng NPA ay dahil sa malalaking ibinagsak na bomba at machine gune fire sa himpapawid! Niloloko nila ang kanilang mga sarili!

Si Ka Mio at iba pang mga kasamang nagmartir sa Sta. Teresita ay kinikilala ng Partido at NPA bilang mga masisigla, matatatag at di umaalintana sa mga kahirapan at sakripisyo sa proseso ng pagpapatupad nila ng kanilang mga rebolusyonaryong tungkulin. Dahil ang kalakhan sa kanila ay nagmula sa batayang saray ng masang magsasaka at katutubong minorya, madali nilang naunawaan ang pangangailangang magbangon at itindig ang Pulang bandila ng armadong rebolusyon. Alam nilang hindi kaylanman maaasahang mabago ang kanilang mala-alipin at hilahil na kalagayan sa balangkas ng sistemang pinaghaharian ng iilang malalaking panginoong maylupa, burges kumprador at burukrata kapitalistang tagasilbi ng dayuhang kapitalistang interes. Kaya naman mainit at masigla silang lumubog at humarap sa maraming mga suliranin at pakikibakang idinudulog sa kanila ng mga masa at buong tapang na nakipaglaban sa pasistang kaaway. Ang mga ginintuang aral sa kanilang buhay at pakikibaka at mga naimbag nila sa pagsusulong ng rebolusyon ay mananatili sa alaala at puso ng mga nakikibakang mamamayan para sa pambansang kalayaan, tunay na demokrasya at sosyalismo.

Pulang saludo sa 5 martir ng Sta. Teresita, Cagayan