Pulang saludo sa opensiba ng Romulo Jallores Command – NPA Bicol
Pulang saludo ang ipinapaabot ng Melito Glor Command (MGC) – NPA Southern Tagalog sa Romulo Jallores Command – NPA Bicol para sa matatagumpay na taktikal na opensiba mula Pebrero hanggang Marso. Nakasamsam ang mga yunit ng NPA Bicol ng 17 armas at nagdulot ng pitong patay at apat na sugatan sa hanay ng AFP-PNP.
Noong Marso 19, nireyd ng Armando Catapia Command (ACC) – NPA Camarines Norte ang outpost ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte bandang 9:24 ng gabi. Inambus naman ng NPA Camarines Sur ang nag-ooperasyong PNP Special Action Force at sundalo noong Marso 4 sa Brgy. Tigman, Sipocot, Camarines Sur. Sa parehong bayan, kinumpiska ng NPA Camarines Sur ang armas ng mga goons ng asyenderong si Villafuerte sa Brgy. Villazar.
Niyanig ng mga opensiba ng NPA Bicol ang mga pasistang pwersa. Walanghiyang nanawagan si PNP OIC Guillermo Eleazar ng “hustisya” sa pagkamatay ng kanyang mga tauhang salarin sa mga pamamaslang sa Bicol. Kabalintunaan ang pahayag na ito dahil hustisya ang nakamit ng mga Bicolano sa mga opensiba ng NPA. Inaasam ng mga Bicolano ang katarungan sa sunud-sunod na pagpatay at pang-aatake ng mga pulis at militar sa mamamayan sa balangkas ng SEMPO. Ipinagbubunyi nila ang mga opensiba ng NPA na bumigwas sa pahirap at teroristang AFP-PNP na walang puknat na naglulunsad ng mga operasyong militar sa gitna ng kahirapan at matinding krisis ng pandemyang COVID-19.
Inspirasyon ang mga opensibang ito para ibayong magpursige ang mga Pulang mandirigma at kumander ng MGC sa pakikihamok sa kaaway. Paghusayan ang mga taktika at teknika para biguin ang mga teroristang atake ng AFP-PNP at gawaran ng rebolusyonaryong hustisya sa kanilang mga krimen sa rehiyon. Panghawakan ang inisyatiba, samsamin ang mga armas at gawing libingan ng mga pasista ang ating mga larangang gerilya.
Asahan ng sambayanan ang pagsabay ng mga opensiba ng mga yunit ng MGC sa mga putok ng NPA sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Bahagi ito ng mahigpit na tuwangan ng mga yunit ng Hukbo at larangang gerilya sa pagsusulong ng digmang bayan at pagtataas ng antas nito. Ang bawat tagumpay ng mga opensiba ng NPA ay dagok sa kaaway na sa kalauna’y magpapahina sa kanilang hanay hanggang sa tanggalan sila ng kakayahang lumaban.###