Puspusang magpunyagi upang hadlangan ang nagpapatuloy na maruming nanlaban-patay modus operandi ng rehimeng US-Duterte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mariing tinutuligsa ng NDF-Bikol ang bago na namang mga kaso ng pagpaslang sa hindi matapus-tapos na modus operanding nanlaban-patay/NPA-kaya-pinatay ng AFP-PNP sa Kabikulan. Tinigmak ng dugo ng nag-aasong ulol na rehimeng Duterte ang mga unang linggo ng kampanyahan para sa eleksyon 2022.

Biktima ng NPA-kaya-pinatay ang magsasakang si Richard Mendoza, 33 taong gulang at nakatira sa Brgy. Magsaysay, Masbate. Malisyosong ipinagkalat ng militar na kasapi ng NPA si Mendoza na napaslang sa isang engkwentro sa pagitan ng kanilang berdugong pwersa at ng BHB-Masbate noong Pebrero 8. Mahigpit itong pinabulaanan ng pamilya ni Mendoza at isinalaysay na dinukot ang magsasakang kasapi ng Kilusang Magsasaka ng Masbate (KMM) sa kanilang tahanan ng madaling araw nang petsa otso. Natagpuan ang kanyang walang-buhay na katawan sa isang palayan katabi ang mga itinanim ditong baril at granada.

Noon namang Pebrero 17, tatlong kalalakihan sa Oas, Albay na pinagbibintangan namang may kaugnayan sa iligal na droga ang kinuha ng 11 pulis, pinaluhod at walang-awang pinagbabaril hanggang sa mamatay. Tulad nang dati, pinalabas ng mga pulis na nanlaban ang tatlo kaya pinatay. Mariin itong kinundena ng mga kaanak at testigo na nagtulak sa Commission on Human Rights Reg. V na imbestigahan ang naturang krimeng nanlaban-patay.

Labis nang umaalingasaw ang baho ng walang patid na mga kaso ng nanlaban-patay at NPA-kaya-pinatay sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Maging ang European Union ay naglabas ng pahayag na dapat panagutan ng rehimen ang puu-puong libong mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at masaker. Kaugnay nito, idineklara ng EU na babawiin nito ang pribilehiyo sa kalakalang iginawad sa rehimen hanggat hindi napapanagot ang mga berdugo sa kanilang mga krimen sa mamamayang Pilipino.

Habang tigas-mukhang pinasisinungalingan ng makapal ang mukhang rehimen ang akusasyong ito, lalong namumulat ang mga Bikolanong dapat silang kumilos upang pagbayarin ang mamamatay-taong rehimeng US-Duterte sa lahat ng mga atake at krimen nito laban sa mga Bikolano at mamamayang Pilipino. Higit nilang pinaiigting ang mga pagsisikap upang maparusahan si Duterte at mapigilan ang pag-upo ng kanyang anak na si Sara at ka-tandem nitong si Bongbong Marcos, isa pang anak ng diktador.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mga Bikolano na huwag magpagapi sa takot at karahasan. Ibuhos ang buu-buong pakikibaka upang mahadlangan ang mga paglabag sa mga karapatan ng mamamayan at pigilan ang paghahari ng isa pang diktaduryang dala ng alyansang Marcos-Duterte. Ang pagpapatuloy ng maruruming modus-operandi ng mga pamamaslang ang higit na nagpapaapoy sa paglaban ng mamamayan upang mawakasan ang walang katuturang karahasang araw-araw nilang nararanasan. Ang walang-patlang na pagsisikhay ang magdadala sa lahat ng pinakaninanais-nais na tagumpay.

Puspusang magpunyagi upang hadlangan ang nagpapatuloy na maruming nanlaban-patay modus operandi ng rehimeng US-Duterte