RCTU-ST: Modernisasyon ng tradisyunal na jeepney, anti-maralitang plano sa balangkas ng neoliberal na patakaran ni Duterte!

Mariing kinokondena ng Revolutionary Council for Trade Unions-NDF-ST (RCTU-NDF-ST) ang kawalang-katarungang nararanasan ngayon ng mga kawawang drayber ng jeepney at kanilang mga pamilya dahil sa pagpatay ng gobyernong Duterte sa kanilang kabuhayan. Walang awang pinahirapan ng rehimeng US-Duterte at inilulubog pa sa kalunos-lunos na kalagayan ang mga drayber ng dyip at pamilya nila. Dahil sa militaristang lockdown at ilang buwang pagbabawal na makapaghanapbuhay, nauwi na sa sobrang kawalan at araw-araw na pamamalimos ang mga drayber, kahit na nagiging dahilan ito sa unti-unting pagkawala ng kanilang dignidad.

Imbes na kaawaan at tulungan ng gobyerno, REHAS at hindi BIGAS ang ibinigay sa mga nagugutom at namamalimos na drayber ng dyip. Ito ang kanilang ginawa sa tinaguriang PISTON-6, na wala na ngang perang pambili ng makakain, pinahirapan pang maghanap ng pampyansa para sa pansamantalang kalayaan. Sa sobrang galit ng gobyernong Duterte sa kanila, kahit pa nga naiayos na ang lahat ng kinakailangang dokumento at nakapagpasulpot na pondong pampyansa, inantala pa ang kanilang paglaya at inungkat pa ang mga kasong matagal nang naresolba kaya naantala pa ng ilang araw ang 2 drayber kasama na ang isang 72 taong gulang na drayber.

Simula noong Marso 15, 2020 o sa mahigit na 3 buwan, di pa nakababyahe ang mga drayber ng dyip. Kalakhan sa kanila’y walang natanggap ng ipinagmamalaking ayuda mula sa DSWD at DOLE. Sa Metro Manila may 55,000 drayber ng dyip ang hindi nakakabyahe, kaya tinatayang 275,000 katao ang apektado agad ng matinding kagutuman. Dahil sa kawalan ng kita, ang ilang mga drayber at pamilya nito ay nakatira na lamang sa mga dyip na kanilang pampasada at sa mga kalsada upang mamalimos para may maipakain sa kanilang mga nagugutom na anak at asawa.

Matagal nang nakararanas ng matinding kahirapan ang mga drayber ng dyip. Matagal na ring planong i-abolis ng gobyerno ang mga tradisyunal na dyip at alisin na sa lansangan ang mga itinuring na “hari ng kalsada”. Ang plano ng gobyernong Duterte na “Jeepney Modernization Program” ay matagal na nitong isinusulong, nais nitong palitan ng mga E-jeep at mala-mini bus na sasakyan ang mga tradisyunal na jeepney. Nakabalangkas sa malakihang negosyo ang planong jeepney modernization ng rehimeng US-Duterte bilang preskripsyon sa neoliberal na patakaran at mga imposisyon ng IMF-WB.

Kaya naman, nagkukumahog ito na pabilisin ang pag-sasapribado ng lahat ng serbisyong panlipunan, pangunahing yutilidad kagaya ng komunikasyon, kuryente, tubig (kaliwa dam – China) at transportasyon (kasama na pangangasiwa sa pangmasang transportasyon sa ating bansa). Mas pinasahol at pinasaklaw nito ang mga nauna ng programang neoliberal ng mga nagdaang rehimen sa ating bansa.

Pagkaupo pa lang ni Duterte bilang pangulo ng bansa, nagbalangkas na agad ito ng isang panukalang programa na mag-aabolis sa industriya ng jeep sa bansa. Makalipas ang isang taon (2017), pormal nang ipinagbawal ang mga lumang jeepney na may edad na 15 taon at hindi na ito binigyan ng prangkisa para makabyahe. Ang mga jeepney na lalagpas sa limitasyong edad ay obligadong palitan ng mga modernong jeepney na gaya ng hybrid, electronic jeep, LPG power o jeepney na may makinang tugma sa Euro-4.

Bumuo sila ng isang iskema na Fleet Management Program (FMP) na pinatatakbo ng pribadong kumpanya, upang isurender ng mga operators ang kanilang pag-aaring jeep sa pamamahala ng FMP. Ang “kooperatiba” kuno, ngunit kumpanya sa katotohanan ang magdedetermina kung kelan sila babyahe, saan ang ruta at maging ang maintenance ng kanilang jeep. Kung hindi makakasunod ang mga operators sa mga requirements na ito ay babawiin ng LTFRB ang kanilang mga prangkisa. Pwersahang pagwasak sa kabuhayan ng milyong bilang ng mga drayber ng jeep na malulugmok sa kahirapan at kagutuman.

Ang nakakagalit, imbes na bigyan ng ayuda ang mga maapektuhang drayber at mga operators ng jeep sa anti-maralitang patakarang modernisasyong ito, mas pinili pa ng gobyernong ito na bigyan ng AYUDA ang mga malalaking korporasyong dayuhan sa transportasyon. Nagbalangkas ng programang P27 Bilyon na Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) na magbibigay ng tulong sa mga multinasyunal na kumpanya gaya ng Toyota Motors, Mitsubishi, Foton at Hyundai na lumikha ng 200,000 units ng modernong jeepney kada kumpanya, kada taon. Kung tutuusin ang napakalaking halagang ito ay kayang-kaya nang pondohan ang pambansa at komprehensibong programa para sa rehabilitasyon, pagmamantina at para matulungan ang mga drayber ng jeep at maging pagpapa-unlad ng tradisyunal na jeepney sa kabuuan.

Malawakang tinutulan ito ng mga drayber ng jeepney, partikular ng grupong PISTON. Pero sa pagpasok ng nakamamatay na pandemik na Covid-19, imbes na itigil ng gobyernong Duterte ang kanyang buhong na balakin upang pagtuunang harapin ang pagtugon sa pandemya, sinamantala pa ito ni Duterte para maisakatuparan ang anti-maralitang planong modernisasyon. Pinagbawalan ng makabyahe ang mga jeep kahit pa nga na-scale down na sa General Community Quarantine (GCQ) ang halos buong Luzon. Ipinakikita lamang nito na hindi prioridad ng gobyernong ito na lutasin ang kahirapang nararanasan ng mga maralitang drayber kundi ang kanyang tanging hangarin ay mapagsilbihan nya ang mga malalaking kapitalistang dayuhan at lokal sa nasabing industriya.

Nakakagalit din ang susing tagapayo ng LTFRB sa jeepney modernization na si Engr. Albert Suansing sa pamimilit na tanggapin na lamang ng mga drayber ang kanilang plano. Aniya, matagal na daw nilang sinabihan ang mga drayber ng dyip na magkakaroon ng rationalization program, at para maka-angkop ang mga drayber sa ginagawang pagbabago, kinakailangan nilang magsama-sama para makabuo ng isang kumpanya o di kaya ng isang malaking kooperatiba. Ito lamang ang tanging paraan para makapag-proseso sila ng pag-utang sa bangko ng makabili sila ng mga bagong yunit ng modernong jeep (ala mini-bus). Malinaw pa sa sikat ng araw na isa itong malaking negosyong pinatatakbo ng mga KORAP hindi lamang sa LTFRB at DOTr kundi maging ng mga buwaya sa Malacañang.

Imbes na paunlarin ng gobyerno ang industriya ng jeepney sa bansa ay gusto lamang nilang pagkakitaan ang milyon-milyong makokorap mula sa Standard Operating Procedure (SOP) na makukuha nila sa kada unit ng modernong jeep o mini-bus na mabibili sa kumpanyang mapipili nila. Sa kasalukuyan ay aabot sa P1.8M hanggang sa P2.2 milyon ang halaga ng isang unit ng modernong jeepney, hinding-hindi ito kakayanin ng isang operator ng jeep, kaya naman ang makakabili lamang nito ay malalaking kumpanya sa transportasyon. Ibig sabihin, mamo-monopolyo na ng malalaking kumpanya ang mga lansangan at mga pampasadang jeepney.

Ang ipinagmamalaki namang rationalisasyon ng LTFRB ay hindi kalutasan o pagbuti ng kalagayan ng mga drayber kundi unti-unting pagpatay sa mga ruta ng jeepney dahil bibigyan lamang sila ng ruta sa mga interior na lansangan at hindi na sa dati nilang nirurutahang kalsada. Hindi na rin sila makakabalik sa kanilang dating ruta dahil sa ibinigay na ito ng LTFRB na bagong ruta ng mga bus, kaya naman hindi na sila papayagan magbyahe sa ruta na ito kahit pa dekada na silang doon bumabyahe. Hindi lamang mga jeepney drayber ang maaapektuhan ng kalokohan at pangga-gagong ito ng gobyerno, kundi maging ang mga kawawang mananakay ay apektado din.

Karagdagang pahirap ito sa bulsa ng mga manggagawa at sapilitang pagbawas sa kakarampot na ngang sweldo sa kasalukuyan. Sa inisyal na kwenta, may minimum na P15.00 (kung madadagdagan ng isa pang sakay dahil sa putol-putol na byahe at karagdagang P3.00 pa sa dagdag pasahe kung ibabase sa pasahe ng modernong jeepney na mas mahal ng P3.00 kumpara sa tradisyunal na jeepney.

Hindi pa kasama dito ang sobra-sobrang tagal ng paghihintay dahil sa kakulangan ng masasakyan at malalayong lakarin para makasakay sa kasunod na ruta, kaya kapag na late ka pa sa trabaho ay paniyak na mababawasan pa din ang iyong sweldo. Kung susumahin, aabot sa P30.00 karagdagang gastusin sa isang araw o P900.00 kada buwan ang mababawas sa kakarampot na ngang sinasahod ng mga manggagawa lalo’t hindi naman nagdagdag ng sahod si Duterte sa rehiyon ng Southern Tagalog sa loob ng halos 2 taon.

Malaking dagdag gastuin din ito sa libo-libong estudyante na pumapasok papunta sa Metro Manila o di kaya ay sa mismong probinsya nila. Tuloy-tuloy na nga ang pagtaas ng tuition fee at iba pang bayarin, dagdag pahirap pa ito sa mga estudyante at sa dulo ang kawawang magulang na manggagawa din ang magbubuhat ng hirap para madagdagan ang baon ng kanilang mga anak na estudyante. Maliban sa dagdag gastusin, ang palipat-lipat na pagsakay dahil sa bagong ruta ay magiging pahirap sa mga senior citizen at People’s With Disabilities (PWD’s) na direktang lumalabag sa mga ordinansa at batas na ibinigay na konsiderasyon at pangangalaga sa kanila.

Kung gagawing prioridad lamang ng gobyernong ito ang pagpapaunlad sa public mass transport system gaya ng railway system/daang bakal, road transport system at ang sea/air transport at kaalinsabay sa pagsasabansa ng lahat nang daang bakal at pagpapaunlad pa ng mga Public Utility Vehicles (Jeepney at Bus) ay magkakaroon ng tunay na pagresolba sa kasalukuyang problema sa pampublikong transportasyon. Kaalinsabay din nito ang pagdebelop sa mga kagamitan at materyales na gagamitin sa transport industry na locally produce ng sa ganoon ay maitulak ang pag unlad ng sarili nating manupaktura. Hindi rin naman tayo kulang sa mga mineral na pangangailangan gaya ng ore/bakal, nickel at bronse na mahalagang gamit para sa industriya ng daang bakal, dahil mayaman ang Pilipinas sa mineral na ito.

Napakahalaga at mahigpit na magka-ugnay ang mass transport system sa urban land at rural development, kaya susing aspeto ito sa pagpapalakas ng ekonomiya. Katunayan, may mahalagang papel ito sa pundasyon ng pagtatayo ng Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Repormang Agraryo. Sa ganitong konteksto, nararapat lamang na sa maksimum ay manatiling pag- aaring publiko ang pangmasang transportasyon lalo na ang sistema ng daang-bakal (railway system) at pampublikong behikulo (Public Utility Vehicles) gaya ng Bus at Jeep na mga pinakamahalagang aspeto ng road mass transport.

Kaalinsabay nito ang matinding kapabayaang ginagawa ng rehimeng US-Duterte sa mga manggagawang Pilipino gaya ng mga mga empleyado, driver, konduktor at iba pang mga manggagawa sa sektor ng pampublikong bus. Imbes na bigyang resolusyon ang kababaan ng sahod, kawalan ng security of tenure, pang-aabuso, hazard at posibleng pagkawala ng kanilang kabuhayan ay gobyerno pa mismo ang nagtutulak para mapabilis ang paglalarga ng neoliberal na patakarang maglulusaw sa kanilang mga trabaho at kabuhayan.

Kinakailangang labanan at salubungin ng malakas na protesta ng mamamayan ang kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa pampublikong transportasyon at ng malawakang pribatisasyon sa pag-aaring publiko’t serbisyo sa ilalim ng makadayuhang Build Build Build/Private Partnership Program ni Duterte. Ang mga kaganapan sa ating pampublikong transportasyon (jeepney at bus transport) ay kinakailangang i-ugnay natin sa malawak na pakikibaka ng mamamayan at maging sa lumalalang pagpapatupad ng labor flexibilization at mura at siil na paggawa.

Nanawagan tayo sa mga drayber ng jeepney sa Timog Katagalugan at buong bansa na tapusin na ang pagtitiis at pagtitimpi sa aping kalagayan, hinahamon tayo ngayon na mas paigtingin ang pagkakaisa at pagkilos laban sa isang rehimeng pahirap, tiraniko, korap at mamamatay-tao. Palakasin ang ating hanay sa pamamagitan ng malawakang pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos para ang hiwa-hiwalay na pagkilos ng mga drayber ng jeep ay maipakat natin sa lumalawak na galit at pakikibaka ng sambayanang lumalaban.

Mabuhay ang RCTU-NDF-ST!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!
Mabuhay ang REBOLUSYONG PILIPINO!

RCTU-ST: Modernisasyon ng tradisyunal na jeepney, anti-maralitang plano sa balangkas ng neoliberal na patakaran ni Duterte!