RCTU-ST: Regalo ni Duterte sa Mayo uno, panis na mumo!

Muli na namang napatunayan ang pagka-inutil, kriminal, pabaya, pahirap, korap at pasista ang rehimeng US-Duterte. Makatapos ang pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng paggawa, gaya ng inaasahan ng mga manggagawa, walang ibinigay na magandang balita para sa mga manggagawa kundi panis na mumo si Rodrigo Duterte. Bagkus, kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng iligal na pang aresto at kasinungalinga’t pabalat-bungang salita mula sa kanyang mga tagapagsalita at gabinete ang kanilang pinangangalandakan.

NGAWA NANG NGAWA – KULANG SA GAWA, SOBRA-SOBRANG PABAYA!

WALANG dagdag sahod; WALA ring tugon sa panawagan ng mga manggagawa sa kanilang mga kahilingang Paid Quarantine Leave (PQL) sa lahat ng mga manggagawang nawalan/nahinto ang trabaho sanhi ng military lockdown na ECQ. Mas masakit, pinayagan pa ng DOLE na i-defer ng mga kumpanya ang pagbabayad ng mga holiday’s payment kagaya ng May 1 sa mga manggagawa. Wala ding ginagawang signipikanteng hakbangin upang matulungan ang mga kawawang OFW na hirap na hirap na sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan dahil sa mga lockdowns na isinagawa ng kanilang host country – marami nang gustong umuwi o magpa-repatriate pero wala ring aksiyon dito, habang ang mga naka-uwi naman ay pinahihirapan ang buhay sa mga quarantine facilities gaya ng barkong 2GO na ginawang kwarantina ng mga OFW at pinangangasiwaan ng OWWA at coast guard. Pinababayaran ang mga pagkain, maging mineral water, madumi at siksikan din – inaayos lamang ito nang sila ay magreklamo na sa media.

USAD KUHOL SI DUTERTE sa pagbibigay ng ayuda sa mga manggagawa mula sa hungkag na CAMP, TUPAD at SSS/DOF finance support na hanggang sa kasalukuyan ay umaabot pa lamang nang halos 20% ang nabibigyan ng kabuuang programa; habang sa mga OFW, kulang na kulang din ang $200 na ayudang pangako na ang kalakhan ay dipa rin nabibigyan. Sa kabilang banda, patuloy ang pagtetengang kawali at kawalang paki-alam sa kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan, kulang na kulang pa rin ng matibay at appropriate na PPE’s na magagamit ng mga medical frontliners para maka-iwas sila sa pagkahawa at kamatayan. Patunay dito, umabot nitong Abril 27 sa 1,245 na mga health care workers—mga doktor (464), nars (471), nursing assistant (69), medical technologist (41), radiologic technologist (25) at midwives (10)—ang nagpositibo sa Covid-19 kung saan 27 na ang mga namatay na kinabibilangan ng 21 doktor at 6 na nars.

Wala man lamang pahayag sa magiging kalagayan ng mga babalik sa trabahong manggagawa, walang ibinibigay na kaseguruhan na mapangangalagaan ang kanilang kaligtasan at kalusugan sa pamamagitan ng pagbibigay kautusan para sa mandatory workers free mass testing, paglalaan ng shuntle bus service (door to door sa kalagayan pinahinto ang pampublikong transportasyon), hazard pay, paglalaan ng medical safety gadgets (face masks, gloves at face cover), paglalagay ng mga disinfectant facilities at pagbibigay ng kaseguraduhan na sasagutin nang buo ang gastos-medikal ng mga magkakasakit o magpopositibo sa SARS-CoV-2 at babayaran ang kanilang sweldo habang nagpapagaling.

Muling ipinakita ng rehimeng Duterte na wala talaga itong malasakit sa kapakanan ng mga manggagawa. Ang pangako ng sinungaling na tagapagsalita na si Roque na may iaanonsyo raw na regalo si Duterte sa Mayo Uno ay isang MALAKING KASINUNGALINGAN AT KAWALANGHIYAAN!

Ang mayabang nyang ibinalita na kanyang regalo sa mga manggagawa ay ang pagpayag na muling makapagbukas ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Ayon mismo kay Duterte, sa kanyang panayam sa media, pangunahing dahilan nito kaya payag sya sa agarang pagpapatuloy ng operasyon ng mga POGO ay “malaki ang perang IBINIBIGAY ng POGO sa AKIN”. Ayon naman kay Roque, “ang katangian naman ng POGO ay parang BPO lang at kung di daw ito papayagan hindi makatarungan naman sa mga kumpanyang ito” na tila bagang ikinokondisyon na ang mga tao na h’wag nang harangin ang pagbubukas nito.

Hindi naman ito pinalagpas ni Rey Untal, tagapangulo ng IT-Business Process Association of the Philippines (IBPAP) sa pagsasabing “ang POGO ay hindi makokonsiderang BPO” dahil ito ay nasa ilalim ng PAGCOR at hindi ng PEZA. Dagdag pa ni Untal, “kabaliktaran sa BPO na nag-eempleyo ng 1.3 milyong Pilipino, ang POGO ay nag eempleyo ng mga dayuhang Chinese”. Sa kabuuang 120,976 empleyado sa POGO, 58% dito o 69,613 ay mga dayuhang Tsino habang ang Pilipino ay 25% o 30,521 at ang natitirang 16% ay mula sa Vietnam, Indonesia, Malaysia at iba pang bansa. Pagsang-ayon din ito sa nauna ng pahayag ni Lilia De Lima ng PEZA, “Kung parang BPO ang POGO, dapat under sya ng PEZA” pero sa kasalukuyan ay hindi naman ito nasa ilalim ng PEZA.

Mukhang malakas talaga sa rehimeng US-Duterte ang mga Chinese operators ng mga POGO, dahil ba sa sinasabi ni Digong na maraming ‘datung’ na ibinibigay sa kanya ang mga ito? Ito ba ang dahilan sa pagbaha ng pera mula sa China na iligal na ipinapasok sa bansa, maraming insidente ng pagkahuli sa ilang personalidad gaya ng nangyari kay Ms. Rodriguez ng Parañaque na milyon-milyong piso ang ipinasok sa bansa kamakailan pero hindi ito inimbistigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC)? Bago ang 2016, ang POGO ay pinayagan lamang na mag opereyt sa 2 EPZA (Cagayan EZA at Aurora Pacific EZ & Freeport Authority). Sa pagkahalal ni Duterte, umabot na ito ngayon sa 61 kumpanyang POGO.

Sa kabilang banda, hanggang ngayon, ayaw kilalanin ni Duterte na isa sa posibleng pinagmulan ng pagkahawa ng mga Pilipino sa Covid-19 ay mula sa mga manggagawa ng POGO mula sa Wuhan China – kahit ang mga senador ay nangangamba sa idudulot nitong mabilis na pagkakahawahan ng bayrus na Covid-19. Dagdag pa dito, na ang POGO ay hindi isang simpleng BPO lamang kundi isa itong ONLINE CASINO o PASUGALAN, kalakhan din sa mga manggagawa dito ay mga Chinese na bitbit ng mga casino financiers mula sa mainland China at may kontak sa PLA. Kaya kamakailan ay may mga nahuling empleyado ng POGO na nakunan ng mga baril at ID’s ng Chinese military (PLA).

Ipinakita rin sa ABS-CBN na isa sa mga tinutuluyan ng mga empleyado ng POGO ay may sariling firing range para daw makapag praktis pa rin sila ng pagbaril. Pinatatakbo din ito bilang isang sindakato, karamihan sa mga krimen sa kapwa Chinese ay kagagawan ng mga nasa pamunuan ng POGO, halimbawa dito ang ilang beses na kidnapping incident sa mga empleyado nila na nagkaproblema sa paghawak ng pera, mga pina-uutang nilang kliyente para makapag-sugal at mga may alam sa sindikato na natatakot silang ipahamak.

Isa pang dulot nito, kapag may pasugalan, may operasyon ng bawal na gamot at prostitusyon gaya ng nabistong nagseserbisyo pa rin sa mga Chinese kahit naka ECQ sa lunsod ng Parañaque. Malakas sila kay Duterte, ilang beses na ring nabalita na kahit sa panahon ng ECQ ay nakakalabas at nakakagala sila at may mga eskort pang PNP. Noong wala pang ECQ, madalas na umaabuso sila sa batas ng trapiko kahit one-way ay nakakadaan sila dahil may mga naka wang-wang na pulls na eskort. Kinaya din nilang magpademolis ng isang buong komunidad sa Pearl Plaza Parañaque para lamang mapagtayuan ng mga quarters o condo para sa libo-libong Chinese na manggagawa ng POGO. Isa sa naging direktang epekto nito ay ang pagpapalayas sa 200 pamilyang nakatira sa komunidad na kalakhan ay mga manggagawang pumapasok sa mga kalapit na establisyemento sa lugar.

DI-PANTAY NA PAGPAPATUPAD NG ECQ:

KUNG KAYO AY MAHIRAP AT LUMABAG SA ECQ, ARESTO AT KASO ANG AABUTIN NYO. Kapag humingi ng tulong – KULONG! Kapag humingi ng bigas – REHAS! Habang ang mga tumutulong sa mga mamamayan na nagbibigay ng relief – GINIGIPIT at IPINIPIIT!

KUNG KAYO NAMAN AY DIKIT SA GOBYERNO NI DUTERTE – SONA LIBRE! Sa ginawang media stunt o pasikat ni Mocha Uson para ipakitang may ginagawang mabuti ang gobyerno sa mga OFW na nakakwarantina sa Cavite – nagkaroon ng isang pagtitipon na pinangsiwaan ng OWWA. Sa aktibidad na ito, binalewala ang physical distancing pero hindi sya hinuli o kinasuhan. Ang mga PNP at AFP contingent na inihanda para harangan ang mga magrarali sana sa Mendiola, US embassy, Morayta at Liwasang Bonifacio ay hindi rin kinilala ang kanilang batas na physical distancing – sino nga ba ang manghuhuli sa mga kapulisan at kasundaluhan na nagpapatupad ng martial law ni Duterte? Bakit si KOKO, hanggang ngayon walang Kaso sa paglabag sa ECQ, bakit ang mga maralita na nahuli sa ECQ ay may naka-standby na korte para sila ay kasuhan?

Kapag si Bong Go ang nagbibigay ng relief ayos lang, walang pagkakasala… pero kapag mga organisasyong masa gaya ng soup kitchen na ginawa sa Brgy. Central QC – hinuli ang 18 katao kasama na ang 3 estudyante ng UP Diliman. Sa ginawang paghuli sa 11 nagsagawa ng kahalintulad na aktibidad sa Marikina, ikinulong pa rin kahit na sinabi ni Mayor Teodoro na “mukhang nag-over react ang mga pulis” sa sitwasyon. Dadag pa nya, “legal, may permit at matagal na nilang nakakasama sa pagrerelief ang mga hinuling good samaritans na tumutulong lamang sa mga nangangailangan.” Nauna pa dito ang ginawang tangkang pagkakaso at pagpapatigil sa relief operation ni Vice President Lenny Robredo; ang iligal na pag-aresto kay dating Anakpawis representative Ayik Casilao at sa kanilang grupo na magsasagawa sana ng relief mission sa Brgy. Bigte, Norzagaray, Bulacan.

NABIGO at Hindi napigilan ni Duterte at ng militaristang LOCKDOWN na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang kagustuhan ng mga manggagawa na ipakita ang militanteng pagkilos sa pandaigdigang araw ng paggawa.

Naganap ang mga pagkilos ng mga manggagawa at maralita sa kahabaan ng kalsadang R-10 sa Tondo; Brgy. Central QC, paniningil sa rehimen ng mga aktibista sa Iloilo na walang takot na naglunsad ng aktibidad sa plaza para isigaw ang katarungan para sa ginawang pagpatay ng rehimeng US Duterte kay Jory Porquia, Bayan-Iloilo City coordinator, na nakipag-away sa mga pulis at sundalo nang pigilan ang ginagawa nilang relief operation at soup kitchen program na gustong ipatigil ng mga kapulisan at kasundaluhan. Hinuli din ang mga manggagawa na nagsagawa ng pagkilos para ipanawagan ang mabagal na ayuda sa Montalban, Rizal.

Sa Timog Katagalugan, matagumpay na inilarga ng mga manggagawa at pamilya nila ang ibat-ibang tipo ng pagkilos at aktibidad sa mismong pandaigdigang araw ng paggawa. Bumaha sa social media ang ibat-ibang pamamaraan ng pagdiriwang ng mga manggagawa sa rehiyon. Libo-libong manggagawa ang nagpahayag ng kanilang mga saluubin sa kanilang mga facebooks account; habang may mga nangalampag ng kalderong walang laman bilang simbolo ng kagutuman at kawalan ng tulong ng gobyerno sa kanila; may mga nagpahayag o nagtatalumpati ng kanilang mga saloobin; may mga nakalusot na gathering with placard sa mga komunidad maralita ng Sta. Rosa, Laguna at may nagsagawa ng pagpapakita ng mahigpit na alyansa ng mga manggagawa at magsasaka hawak ang kanilang pangunahing kagamitan sa paggawa na maso at karet.

Dahil sa mabilis at organisadong pagkilos ng mga manggagawa at mamamayan, nadiskaril ang imbing pakana ng AFP at kumpanyang Coke sa pasabog nila sa araw ng Mayo Uno. Sa nauna nang naireport sa RCTU-NDF-ST na may mga manggagawa ng Coca-Cola na pwersahang hinakot at tinakot ng mga militar sa pakikipagsabwatan ng kumpanyang Coke, katuwang ang kanilang bayarang military assets na sina Rey Medellin, Francisco Ladi at Raffy Baylosis na muling iparada ang 9 na mga manggagawang kontraktwal ng Coke para pagmukhaing sumukong mga NPA sa mismong pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng paggawa. Maaga itong nalaman ng mga manggagawa ng Coke, kaya naman nag-ulat agad sila sa pamunuan at agarang nagbuo ng isang pahayag ang unyon para ilantad ang imbing pakana ng mga kasundaluhan sa layunin nitong wasakin ang unyon sa kumpanya. Malinaw ang sabwatan ng kumpanya ng Coke at ng mersenaryong AFP at PNP na pinayagan nang mas maaga sa oras ng labasan ang mga manggagawang ipaparada bilang mga pekeng surrenderee.

Isa na naman itong malaking kasinungalingan at panloloko ng AFP-SOLCOM at PNP-RO4A sa mamamayan. Sa halip na kapakanan ng manggagawa ang kanilang paglingkuran, walang kahihiyan at sapilitang nilalabag ang karapatan ng mga inosenteng manggagawa para lamang pagkakitaan. Ginagawa nila ito, para magkamal ng milyon-milyong piso mula sa pondo ng E-CLIP at para mapabilis ang pag-akyat sa posisyon ni Gen. Burgos at Gen. Parlade na atat na atat nang pumwesto sa mataas na pamunuan ng AFP. Samantalang sagad naman sa buto ang kataksilan sa uring manggagawa nitong sina Medellin, Ladi at Baylosis na matapos na maregular sa trabaho at makinabang sa mga benepisyo at tagumpay ng pakikibaka ng unyon ay ipinagkanulo ang unyon, nakipagkutsabahan sa kapitalista at isinanla sa kaaway sa uri pati ang kaluluwa kapalit ng munting pakinabang. Bago pa ang araw mismo ng Mayo Uno, nilalabag na ng mga ito ang patakarag ECQ dahil walang pakundangang nagbabahay-bahay ng mga manggagawa na target nilang dahasin at pasukuin para palabasing mga NPA din.

Patuloy na mabibigo ang militaristang atake ng rehimeng US-Duterte sa kanyang mamamayan at sa mga manggagawa kahit pa nga nakabalangkas na ngayon sa NTF-ELCAC at OPLAN KAPANATAGAN ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil hindi ito tatangkilikin at susuportahan ng malawak na hanay ng mamamayang sinusupil at nilalabag ang kanilang mga karapatang pantao.

Ang Ibayong militarisasyon na nagdudulot ng kaliwa’t kanang pamamaslang sa mga lider masa, magsasaka at manggagawa, pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang mga sakahan at malawakang demolisyon sa mga komunidad maralita sa pamamagitan ng sistematikong panununog sa mga kabahayan ay dulot ng imbing layunin ng NTF-ELCAC na pagsupil daw sa legal front ng Kaliwa, pag-aalis sa kanila ng suporta ng masa upang maisagawa ang kanilang panaginip at hungkag na layuning wakasan na ang armadong tunggalian sa pamamagitan ng pagdurog sa CPP-NPA-NDF.

Katulad ng mga naunang rehimen at oplan, mabibigo si Duterte at kanyang mga militaristang heneral na durugin ang NPA, ang natatanging hukbo ng sambayanan dahil ito ay mahal na mahal ng masang anakpawis na kanilang pinaglilingkuran!

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

RCTU-ST: Regalo ni Duterte sa Mayo uno, panis na mumo!