Rebolusyon, Hindi Ebolusyon!


Itinataas ng rehimeng US-Duterte ang antas ng panlilinlang, paninindak at banta ng higit pang karahasan sa bansa.

Pinakatampok rito ang mapanlinlang na deklarasyon ni Duterte na tanging sa ebolusyon, hindi rebolusyon, mababago ang bansa.

Pinagarbo ni Duterte ang kanyang MO32 at National Task Force to End Communist Insurgency ng repormista at pagpapasukong kampanya para sa kapayapaan upang tabingan ang mga maiitim na pakanang pagmanipula ng eleksyon sa 2019, charter change, ganap na pagtayo ng pasistang diktadura at pagbraso sa Senado na ipasa ang kaban ng kurakot na budget sa 2019.

Sustenido ang mga serye ng militarista at kontrarebolusyunaryong pangungundisyon ng rehimen upang ipahiwatig ang napipintong ganap na paghaharing militar sa bansa. Ipinanawagan nina AFP Spokesperson Edgar Arevalo at PNP Chief Oscar Albayalde ang pagsuko ng Bagong Hukbong Bayan at matapos ay idineklara ang napipintong pag-apruba ni Duterte sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao at pagbubuo ng mga death squads. Idineklara rin ni Duterte ang napipintong pagtalaga sa magreretirong AFP Chief Carlito Galvez bilang bagong Presidential Peace Adviser on the Peace Process. Si Galvez ang utak ng pakanang Red October at delegado ng GRP sa peace talks bilang miyembro ng Committee on Cessation of Hostilities. Rumurok ito sa pagpapahiwatig ni Duterte ng mas maigting na pagpapatupad ng gera kontra droga matapos atakehin ang mga obispo ng bantang pagpatay at pagbantaan ang mga kritiko ng kanyang gera kontra droga.

Hindi kailanman malilinlang ni Duterte ang mamamayan sa mga saywar nitong batbat ng kontradiksyon, na walang ibang layunin kundi ilihis ang rebolusyunaryong diwa at paninindigan ng mamamayan. Samantalang ipinanawagan niya ang ebolusyon, patuloy naman itong naggaganyak at sumusuporta sa kanyang mga pasistang alipures sa AFP at PNP upang pahupain ang lumalawak na galit ng sambayanan sa malinaw nitong kawalan ng interes na tugunan ang mga batayang kahingian ng mamamayan. Hindi ebolusyunaryo ang pagpatay sa libulibo sa ilalim ng pinaigting na Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan. May taglay na dahas ang mas mataas na pasaning buwis ng milyon milyon para bundatin at ilibre ang iilan. Hindi ebolusyunaryong pagbabago ang mas matinding lagim ng karahasan sa ilalim ng Batas MIlitar.

Sa kanyang mga pahayag ng ebolusyon at kawalan niya ng magagawa sa bansang pinagkaitan umano ng ekonomya, inaamin ni Duterte na hindi niya kailanman kayang ipagtanggol ang bansa at ang mamamayan laban sa kontrol ng US at pananakop ng China. Pinatunayan lamang ni Duterte na siya ang nangungunang papet at tagapagpataguyod ng imperayalistang interes nito.

Matapos ang higit dalawang taon ng pagpapayaman sa pwesto at kinang pa ng bilyun-bilyong madarambong, nakalimutan na ni Duterte ang kanyang natutunan sa kasaysayan ng Plipinas na ang bansa ay sinakop sa doktrina ng US na “manifest destiny”. Naamnesya agad si Duterte sa mahigit 200,000 Pilipinong pinatay ng mga pwersa ng US at ganap na gawing kolonya ang bansa. Iginawad naman ang huwad na kalayaan matapos itali ang bansa sa mga tagibang na kasunduan sa pulitika, ekonomiya at militar. Ito ang madugo at malupit na tinutuntungan ng teorya ng ebolusyonaryong pagbabago ni Duterte.

Hindi mababago ni Duterte ang mga aral ng kasaysayang mapagpasya ngayong ipinagpapatuloy at tinatanganan ng mamamayang Pilipino. Sa kamay ng dayuhan, higit lalo sa imperyalismo, hindi kailanman madadaan ang panlipunang pagbabago at paglaya sa mapayapang pamamaraan. Lahat ng dayuhang pananakop ay dinaan sa armadong karahasan. Ginagamit ito ng imperyalismong US at ng mga lokal nitong kasabwat na estadong malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa upang patuloy na panatilihing atrasado, bansot, agraryo at pre-industriyal ang ekonomya ng bansa.

Sa 239 taong pag-iral ng US bilang isang imperyalistang bansa, 222 dito ay iginugugol sa paglulunsad ng gerang pananakop. Mula 1945 magpasahanggang ngayon, 20 hanggang 30 milyong mamamayan ang napatay ng mas marahas na gerang agresyon. Walang patawad itong ilinulunsad ng US laban sa mga bayang naghangad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Ilandaang taong sinadlak ng imperyalismo at mga katutubong aso nito sa kagutuman at kahirapan ang mamamayan. HIgit isang daang taon sa kanilang ipinagkait ang lupa at ang pagtatayo ng saligang industriya upang tunay na umunlad. Malinaw sa kanilang ang pag-unlad ng lipunan ay tanging makakamit sa pagpapalaya sa pwersa ng produksyon at tanging makakamit ito sa pagtahak sa landas ng rebolusyon.

Sa malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino, patuloy na ilinulunsad ng mamamayang Pilipino ang Demokratikong Rebolusyong Bayan upang mapalaya ang sambayanan sa dayuhan at pyudal na pagsasamantala at pang-aapi. Ito ay pambansa dahil naglalayon itong igiit ang pambansang soberanya laban sa imperyalismong US at mga lokal nitong papet. Ito ay demokratiko upang matugunan ang interes ng nakararaming magsasaka sa pagkakaroon ng sariling lupa at laban sa katutubong pyudalismo, at itaguyod ang mga demokratikong karapatan ng malawak na masa ng sambayanan laban sa pasismo.

Pinatutunayan ng desperadong pagpapaigting ng pandarahas ng estado ng rehimeng US-Duterte ang inabot na pagsulong ng rebolusyunaryong kilusan bunsod ng malawak at malalim na suporta ng masang anakpawis. Pinaninindigan ng CPP-NPA-NDFP ang rebolusyonaryong teorya ng panlipunang pagbabago at pagkilala sa masa bilang tagapaglikha ng kasaysayan. Patuloy nilang yinayakap ang landas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan upang ganap na palayain ang bansa tungo sa sosyalistang kinabukasan.

Rebolusyon, Hindi Ebolusyon!