Rebolusyonaryo at proletaryong pagpupugay sa ika-51 taon ng Bagong Hukbong Bayan! — RCTU-ST
Malugod na binabati ng Revolutionary Council of Trade Unions – NDF-Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) ang Bagong Hukbong Bayan sa ika-51 taong anibersaryo nito.
Sa araw na ito, pinagpupugayan namin ang mga dakilang martir ng rebolusyon. Pinagpupugayan namin si Kasamang Julius “Ka Nars” Soriano Giron, kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap at Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral ng Partido, na patraydor na pinaslang habang natutulog kasama ng kanyang doktor at istap sa Baguio City nitong Marso 13.
Tunay ngang hindi magmamaliw ang rebolusyonaryong hangarin ng sambayanang Pilipino para sa isang panlipunang pagbabago. Higit itong pinatingkad sa harap ng matinding krisis pampulitika at kainutilan ng rehimeng Duterte sa pagsagip sa mga sinalanta ng kalamidad dulot ng bagyo, tagtuyot at pagputok ng Bulkang Taal. Pananagutan ng rehimen ang kriminal na kapabayaan sa paghahanap ng solusyong medikal sa krisis ng pampublikong kalusugan para sawatahin ang pananalasa ng CoViD-19 pandemic.
Pinatungan nito ang busabos nang kalagayan ng manggagawang Pilipino. Sa 58 engklabo sa Timog Katagalugan pinakatampok ang matinding pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa. Kahit hindi nagkakaiba ang presyo ng mga batayang pansustento sa Metro Manila at sa rehiyon, lubhang napakalaki pa rin ang agwat ng pinaiiral na sahod. Laganap ang kontraktwalisasyon at hinahadlangan ang mga pagsisikap ng mga manggagawa na mag-organisa. Kontraktwal ang pito hanggang siyam sa bawat sampung manggagawa.
Ang kasalukuyang kalagayan ay nagpasahol pa lalo sa kagipitan sa mga manggagawa. Dahil sa pag-uunyon, naipaglaban sa kapitalista para ipagtagumpay ang mga kahilingan para sa sahod, seguridad sa trabaho at proteksyon sa pook-trabaho. Subalit, karamihan ng mga manggagawa ay mistulang nawalan na rin ng trabaho dahil sa tusong paggamit ng kapitalista ng anti-manggagawang batas.
Higit na pahirap sa mamamayang wala nang makain at inilulubog lalo sa karalitaan ang militaristang solusyon ng rehimeng US-Duterte sa pagsugpo ng CoViD-19. Para sa rehimen at mga militarista, isang simpleng problema sa peace and order ang solusyon sa epidemya ng Covid-19. Kaya sa halip na lapatan ng solusyong medikal ang krisis sa pampublikong kalusugan, lockdown, tsekpoynt, curfew at sapilitang pagpapatigil sa mga aktibidad panlipunan ng mamamayan hinahanap ang solusyon.
Sa ngalan ng pagsupo sa pandemya, pilit na ipinalulunok sa mamamayan ang solusyong militar at pagiging lehitimo ng mga mapanupil na hakbang na lumalabag sa karapatang pantao at sibil ng mamamayan. Tusong nililinlang ang mamamayan na ang pinalawak na kapangyarihan ni Duterte ang solusyon sa pandemyang Covid-19.
Nakikiisa at karamay kami ng mamamayan sa pagharap sa pandemya ng CoViD-19 na kumitil na ng libo-libong buhay sa buong mundo at halos 100 sa Pilipinas. Sinusuportahan namin ang panawagang gawing siyentipiko at medikal ang mga hakbangin sa pagsugpo sa CoViD-19. Dapat pang palawakin ang maramihang Covid-19 testing sa mga may sintomas na ng sakit at mga doktor at kawaning pangkalusugan na tuwirang nasa unahan ng paglaban sa Covid-19 at pag-aasikaso sa mga pasyente upang kagyat na malutas at malaman ang lawak na inabot ng pandemya.
Sa harap ng krisis, nagawa pang samantalahin ng rehimen ang pandemya upang tusong iratsada ng rubber stamp na Kongreso ang pag-apruba ng batas na magbibigay ng dagdag at pinalawak na kapangyarihan o emergency power kay Duterte. Kahit hindi naman kinailangan, pinalawig pa ang kapangyarihan ni Duterte upang matupad ang kanyang panaginip na pormalisahin ang Batas Militar sa buong bansa. Hanggang ngayon, ang Php 275-bilyong pondong ilalaan para sa pagtugon sa pandemya ay hindi pa rin malinaw kung saan mapupunta. Dapat maging mapagbantay ang mga manggagawa at mamamayan at siguraduhing deretso sa mamamayan mapupunta ang pondong ito.
Sa ganitong kalagayan, hindi na kataka-takang paparaming mga manggagawa ang nakikiisa at nais na tumahak sa landas ng armadong pakikibaka upang baguhin ang kanilang kaaba-abang kalagayan. Hindi nila alintana ang matinding buladas, paniniil at pandarahas ng reaksyunaryong estado sa rebolusyonaryong kilusan dahil sa kawastuhan ng rebolusyonaryong adhikain ng Partido at ng Bagong Hukbong Bayan.
Mahigpit na nakikiisa at sumusuporta ang RCTU-NDF-ST sa unilateral ceasefire ng BHB ayon sa rekomendasyon ng United Nations. Napatunayang doble ang talim ng ceasefire na ipinangangalandakan ni Duterte sa simula pa man ng kanyang termino, dahil nagpatuloy lamang ang samu’t-saring paglabag sa karapatang pantao at panliligalig ng AFP at PNP sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan.
Sa kasalukuyan, tusong ibinabandera ng AFP ang naganap diumanong engkwentro sa Sitio Puray, Rodriguez, Rizal bilang paglabag sa ceasefire ng BHB. Ngunit, nahuli sa sariling bibig si Major General Arnulfo Marcelo Burgos ng 2nd Infantry Division nang malantad na naglulunsad pa rin ng operasyong militar at community support program ang AFP sa interyor na mga barangay ng Rodriguez, Rizal sa kabila ng SOMO nito. Dagdag pa, naglunsad ng pekeng pagpapasuko ang AFP sa Calamba, Laguna, sa araw mismo ng anibersaryo ng BHB samantalang tuloy-tuloy ang ginagawang panghaharas ng ahente ng militar sa mga lider unyunistang nais nilang pasukuin at palabasin na kasapi ng NPA na nasa loob ng pagawaan..
Ngunit lalo lamang naging malinaw ang kainutilan ng AFP sa panahon ng mga sakuna. Utak-pulbura nilang tinutugis ang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa hibang nilang pangarap na wasakin ito. Hindi kailanman kinilala ng AFP ang karapatang pantao at pagtulong sa mamamayan. Ginagamit lamang nila itong tabing upang maipagpatuloy ang pagpigil sa pambansa at demokratikong hangarin ng masang Pilipino.
Dapat magkaisa ang uring manggagawa sa pagsugpo sa CoViD-19 habang ipinagpapatuloy ang rebolusyonaryong simulain at pinatataas ang antas ng digmang bayan. Habang seryoso ang banta ng pandemya ng Covid-19 sa mamamayang Pilipino, dapat linisin, sa dakong huli, ang lipunan sa higit na mabagsik na Duterte virus na nagpapalubha sa kanser ng lipunang Pilipino. Hindi pasismo ni pandemyang Covid-19 ang makapagpipigil sa ating tunay at dalisay na hangarin para sa sosyalistang bukas tungo sa ganap na pagkakapantay-pantay.
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!