Rebolusyonaryong daluyong ang magpapabagsak sa diktadura ng rehimeng US-Duterte
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa pagdiriwang ng ika-48 anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines. Pinagpupugayan din ng NDF-Bikol ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa mula sa iba’t ibang demokratikong uri at saray ng lipunan sa kanayunan at kalunsuran sa makauring pagtindig at paglaban para sa demokratikong karapatan at kagalingan ng buong sambayanang Pilipino. Pulang pagsaludo rin ang ipinaabot ng NDF-Bikol sa lahat ng kasapi ng NDFP na nasa labas ng bansa na nagkakawing ng paghihimagsik ng mamamayang Pilipino sa pandaigdigang pagpapalaya ng uring anakpawis. Higit sa lahat, pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang mamamayan sa mapagpasyang papel nito sa pagbabago ng kasaysayan ng lipunang Pilipino.
Batbat man ng hirap, sakripisyo at dalamhati, muli’t muling binibigo ng rebolusyonaryong pwersa ang mga pakana ng naghaharing-uri na mapawalang saysay ang kilusang pagpapalaya sa Pilipinas. Sa matalas na paggabay at pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, nakapag-ambag ang bawat henerasyon para sa pagpupunyagi laban sa imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo. Kasabay ng nagkakaisang hanay ng mamamayan, hakbang-hakbang nilang naipupundar at napalalakas ang Bagong Hukbong Bayan at napaiiral ang pulang kapangyarihan. Sa kanayunan, mabilis na yumayabong ang mga binhi ng organo ng kapangyarihang pampulitikang pinamumunuan ng mga nagmumula sa mga pinakabatayang saray ng uring magsasaka. Sinasalubong ito ng paglaganap ng rebolusyonaryong kilusang masa at kilusang progresibo sa kalunsuran.
Sa ilalim ng diktadura ni Duterte, ipinamalas ng mga rebolusyonaryong organisasyon ang katatagan at kahandaan nitong harapin at labanan ang masaklaw na gera kontra-mamamayan ng rehimeng lumuluhod sa dambana ng imperyalistang paninibasib. Pinagbubuklod ng NDFP ang sambayanang Pilipino para mapagpasyang bumangon mula sa delubyo ng brutalidad ng reaksyunaryong estado, pandemya, sakuna at kasabay nitong panlipunang ligalig. Makasaysayan ang pagsulpot ng mga indibidwal at kolektibong inisyatiba upang harapin ang garapalan at kriminal na kapabayaan ng rehimen sa kagalingan at karapatan ng mamamayan para maisulong ang kanyang nag-uulol na gera kontra-mamamayan.
Pinatataas ng pabulusok na krisis sa buhay at kabuhayan ang antas ng pang-ekonomikong paglaban ng mamamayan tungong pampulitikang pagbabalikwas. Binabagtas ng papalawak na hanay ng mamamayan ang landas ng pagrerebolusyon dahil sa malawakang pagsalaula sa mga pinakabatayang karapatang tao at kalayaang sibil. Higit na tumitingkad ang kainutilan at kaganidan ng isang estadong handang isubasta ang soberanya ng bansa at mamamayan nito sa anumang imperyalistang bansa. Nalalantad ang panlulumpo sa ekonomya ng bansa sa papasahol na pagpapatupad ng mga neoliberal na proyekto at patakaran. Nagdudumilat ang katotohanang ang gerang handang ilunsad ng gubyerno—ang gerang pinaglustayan ng bilyong pondo mula sa kabang bayan—ay laban sa mga namumulat at nagbabangong mamamayan at hindi laban sa anumang dayuhang mananakop.
Nangangamba ang rehimen at ang kanyang dayuhang amo sa rebolusyonaryong daluyong. Habang papatindi at papalawak ang pangangalit ng mamamayan laban sa pangkating Duterte, ihinahanda ng imperyalistang US ang entablado para apulahin ang paglalagablab ng gera sibil sa bansa. Para hatakin tungong repormismo, pinatatampok ngayon sa lahat ng daluyan ng opinyong pampubliko ang nalalapit na eleksyong 2022. Kaliwa’t kanan ang pagsasalansan ng mga loyalidad sa mga tradisyunal na pampulitikang partido ng naghaharing-uri at maging sa hanay ng militar. Higit itong nagpapasuray sa pundasyon ng diktadura ni Duterte.
Hangga’t nananatili ang malawakang pagkilos ng mamamayan, makakabig sa kanilang panig ang mga lingkod bayang sa anumang kadahilanan ay handang itakwil ang pamamayagpag ng pasismo at terorismong ilinalako ng rehimeng Duterte. Hangga’t determinado at sustenidong lumalakas ang iba’t ibang anyo ng paglaban ng mamamayan, magagawa nitong pakitirin at pabagsakin ang pampulitikang kapangyarihan ng naghaharing pangkatin. Hangga’t nakapagpapalakas ang BHB mapapanagot ang lahat ng naging instrumento at pikit-matang nakinabang sa paninibasib sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
Napatutunayan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kawastuhan ng makatarungang digma ng mamamayan. Kasabay sila ng masang anakpawis na kanilang minumulat, inoorganisa at pinakikilos sa bawat hakbang ng pagpapatatag ng muog ng isang lipunang magbabahagi ng yaman ng bansa batay sa aktibong pag-aambag ng mamamayan nito.
Kita ang paglaom sa pagkalda sa katingatingan!
Kita ang mapatalingkas sa banwaang inooripon!
Itindog ang rebolusyonaryong estado kan namamanwaan!