Rebolusyonaryong hustisya laban sa palalong tropang AFP at PNP at makataong pagturing para sa mga sumuko at sugatang pwersa nito
Isang tumbok na bigwas sa tagiliran ng kaaway ang matagumay na naisagawa ng Armando Catapia Command–BHB Camarines Norte nitong Marso 19, 2021. Ibinunga ang matagumpay na taktikal na opensiba ng mahusay at angkop na pagkakabihasa ng Pulang Hukbo sa taktikang gerilya laban sa malaking pwersa ng kaaway. Ang 14 na bagong armas, kasabay ng iba pang kagamitang militar na nasamsam ng mga kasama, ay dagdag lakas para sa mga platun ng BHB sa rehiyon. Umani rin ng mga pampulitikang papuri mula sa panggitnang pwersa at iba pang sektor ang matagumay na solidong taktikal na opensiba.
Taas kamaong pinagpupugayan din ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Bikol ang mahusay na pagtangan ng Pulang Hukbo sa makataong pagtrato sa tatlong sugatang sumuko at walang kakayahang lumaban (hors de combat) mula sa panig ng kaaway. Higit nitong ipinakikita ang superyoridad ng pang-ideolohiya at pampulitikang pundasyon ng Bagong Hukbong Bayan at ang matalas na pagpapatupad ng disiplinang nakabatay sa makauring kamulatan. Sa matapat na pagtangan ng interes ng mamamayan, ng kanilang kagalingan at karapatan, muli’t muling pinatutunayan ng BHB na sila ang tunay na hukbo ng mamamayan.
Ginagawang puhunan ng reaksyunaryong hukbno ang ihinahasik nitong pananakot at paninindak upang busalan at igapos ang mamamayan. Hindi kataka-takang ipinagbubunyi ng mamamayang Bikolano ang isang hambalos ng rebolusyonaryong hustisya na nakamit para sa lahat ng biktima ng gera kontra-mamamayan ng makadayuhang rehimeng Duterte. Ang dagundong ng tagumpay na ito ay tuluy-tuloy na aalingawngaw sa lahat ng sulok ng rehiyon at bansa na sasagutin ng iba pang paglaban ng mamamayan upang walang lubay na pahinain at pigilan ang pananalasa ng terorismo ng estado sa kanayunan at kalunsuran.
Sa loob ng hanay ng mersenaryong hukbo, namumulat ang mga makabayan at maka-mamamayang pulis at sundalo. Ang kanilang pagkamuhi sa kultura ng karahasan, kawalang pananagutan at pagkabangkarote sa moralidad ang nagtutulak sa kanilang makipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan. Mga buhong at utak-pulbura man ang kanilang mga nakatataas na upisyal at punong kumander, ang mga kawal at nakakababang upisyal ay hindi nakalilimot sa kanilang uring anakpawis na pinagmulan, sa kanilang kasaysayan ng kahirapan at kaapihan at kanilang panatang tunay na pagsilbihan ang mamamayan.
Hindi maikukubli ng pagawaan sa estadestika at kasinungalingan ng rehimen ang nagdudumilat na katotohanan: patuloy ang paglaban ng mamamayan! Sa bawat armas na nasasamsam ng BHB, higit na lumalakas ang armadong pakikibaka. Sa bawat ngiti ng tagumpay tumatatag at napapatunayan ang kapasyahan ng mamamayang magbalikwas para sa makauring kagalingan at karapatan. Makakaasa ang mamamayang Bikolano sa higit ang rebolusyonaryong pagsisikhay para biguin at papanagutin ang rehimen sa pang-ekonomya at pampulitikang delubyong ipinapataw nito sa mamamayan.
Sa pagkakasararo kan namamanwaan matutungkusan ang teroristang paghahade! Bakong pangatorogan ang pagkalda kan banwaan!