Rebolusyonaryong kilusan sa Partido Area, patuloy na lalabanan ang rehimeng US-Duterte!
Mahigpit na nakikiisa ang mamamayan ng Partido Area sa malawak na paglaban ng taumbayan laban sa pasista, kurakot, taksil at pahirap na rehimeng US-Duterte. Sawang-sawa na sila sa matinding pagdarahop at karahasang dinanas nila sa mga nakaraang taon. Tulad ng maraming iba pa, nananawagan sila ng hustisya para sa lahat ng buhay at kabuhayang niyurakan ng pasistang rehimen. Tulad ng maraming iba pa, wala silang mapapala sa mga manipuladong estadistika, gawa-gawang kwento at kahambugang tiyak na ipangangalandakan ni Duterte sa kanyang huling SONA.
Ang tunay na kalagayan ng Partido Area ay maisasalaysay lamang ng masang anakpawis.
Mayaman ang Partido Area, ngunit tulad ng kabuuhang kalagayan ng bansa, naghihirap ang mamamayan dito. Dito matatagpuan ang San Miguel Bay at Lagonoy Gulf, dalawa sa mga look sa rehiyong masagana sa yamang dagat. Dahil sa Mt. Isarog, dito rin matatagpuan ang pinakamalaking water reservoir sa rehiyon.
Mayaman ang mga kabundukan nito sa limestone, nickel at iba pang mineral na pinag-aagawan ng mga dambuhalang kumpanya sa mina. Sa ngayon, maraming malalawak na kalsadang magsisilbi sa neoliberalisasyon ang minamadaling itayo sa udyok ng mga lokal na pulitikong tulad nina Villafuerte at Fuentebella. Tatahiin ng mga ito ang kabundukan ng Lagonoy, Caramoan at Tinambac upang padaliin ang transportasyon para sa pagmimina, ekoturismo, quarrying at iba pang mapanalasang neoliberal na proyekto.
Gayunpaman, dinaranas ng masa ng Partido Area ang matinding kahirapan. Mahigit 25% ang naitalang tantos ng kahirapan sa buong Camarines Sur noong 2018. Hindi pa rin nakaaahon ang erya mula sa sunud-sunod na bagyong rumagasa nitong mga nakaraang taon. Nananatiling tila mga kandila ang puno ng niyog. Maging sa panahong masagana ang bunga ng mga ito, sa naturang lugar din naitala ang isa sa pinakamababang presyo ng kopra na umabot lamang sa P9 kada kilo.
Ang maka-imperyalista at neoliberal na interes na ito ang pangunahing dahilan ng mga pasistang rehimen sa paglalagak ng malalaking tropa ng militar at pulis sa erya. Hindi linubayan ng operasyong militar ang naturang lugar mula pa noong panahon ng rehimeng US-Arroyo. Ngayon, tuluy-tuloy na umaarangkada ang 83rd IBPA sa paglulunsad ng Retooled Community Support Program (RCSP). Mahigit kalahati ng buong Tinambac, tatlong baryo ng Lagonoy at dalawa pang baryo ng Goa ang sakop nito. Kaakibat nito ang sunud-sunod na pang-aabuso at paglabag sa karapatang tao. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin ilinilitaw ang menor-de-edad na dinakip sa Garchitorena, Caramoan noong Pebrero. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring katarungan sa pagpaslang kina Gerardo Abla at Marlon Collantes.
Kung kaya higit kailanman, makaaasa ang masa na hindi maglulubay ang TPC-BHB East Camarines Sur sa paggampan sa mga rebolusyonaryong tungkulin nitong nagsisilbi sa interes ng mga taga-Partido Area. Bilang hukbo ng mamamayan, mahigpit na pinanghahawakan ng mga Pulang kumander at mandirigma ang disiplinang bakal ng BHB at nagpapakahusay sa syensya at praktika ng taktikang gerilya upang epektibong maipagtanggol ang masang nasasakupan. Itinuturing nila ang matinding militarisasyon hindi bilang limitasyon kung hindi hamon upang makapagpalawak ng baseng masa, higit na magsulong ng rebolusyong agraryo at mapalakas ang armadong pakikibaka.
Para sa masa ng Partido Area, kasama ninyo lagi ang inyong Pulang hukbo sa laban upang ipagtanggol ang inyong buhay at kabuhayan.
Talingkas sa pagkaoripon!
Magkalda sa tingating!
Ibayong isulong ang digmang bayan sa higit na mataas na antas!