Rebolusyonaryong Pagbati mula sa Revolutionary Council of Trade Union – Bikol (RCTU Bikol) sa ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Nagpupugay ang manggagawa sa lahat ng proletaryado sa bansa sa makasaysayang araw na ito! Ang pagsisikap na itanim, palaganapin at itaguyod ang prinsipyo ng Marxismo, Leninismo at Maoismo ay patuloy na nagbubunga sa mas malawak at mahigpit na pagkakaisa ng mga manggagawa at ng buong sambayanang Pilipino.
Nananatili ang Partido bilang pinakaabanteng destakamento ng Pilipinong proletaryado at namumunong pwersa ng demokratikong rebolusyong bayan. Dumaluyong ang mga tagumpay nito dahil sa wastong paglalapat ng rebolusyunaryong pamumuno ng proletaryo.
Nasa wastong landas ang mamamayang ipagtagumpay ang rebolusyon. Ito ang ganap na magpapalaya sa masang anakpawis at sa sambayanan mula sa pyudal at imperyalistang paghahari. Pinanghahawakan ng uring manggagawa ang istorikong misyon nitong hawanin ang landas tungong sosyalismo.
Sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Partido ng uring proletaryado, nasasaksihan ng sambayanang Pilipino ang higit na lumalakas at lumalawak na pagsulong ng kilusang manggagawa hindi lang sa bansa kundi sa buoong daigdig. Sa bansa, hinaharap ng manggagawang Pilipino ang mas pinalalang kalagayan ng paggawa buhat ng palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang pinatindi ng ganap na pagpataw ng rehimeng US-Duterte ng neoliberal na patakaran sa ekonomya.
Tahasan nang hinubad ni Duterte ang kanyang sosyalista at populistang maskara at ibinunyag sa mamamayan ang isang rehimeng malinaw na kontra-manggagawa. Ibayong lumaganap ang kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng Department Order No. 174 na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE). Gayundin, nananatiling nakapako ang mababang sahod ng mga manggagawa habang dinaranas nila ang hindi makataong kondisyon sa paggawa. Lalo ring lumalala ang kawalan ng trabaho na nagreresulta sa kawalan ng kasiguruhan sa kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
Ang ganitong kalagayan ng manggagawa ay lalo pang pinalala ng mga patakarang ipinatupad ni Duterte na direktang umaatake sa kabuhayan tulad ng TRAIN Law. Ibayo nitong pinabagsak ang kakayahan ng sahod ng mga manggagawa na abutin ang halaga ng mga batayang bilihin. Umabot sa hindi pa napapantayang record ng 6.7% ang tantos ng implasyon sa buong bansa.
Sa Bikol, ang sahod ng mga mangagawa ay P265 ngunit ang totoong halaga nito ay P176.55, pinakamababa sa buong bansa. Naitala sa rehiyon ang 10.1% na tantos ng implasyon noong Oktubre 2018, pinakamataas na rekord ng implasyon sa lahat ng rehiyon sa buong kapuluan.
Ang masahol pa, nakaamba ngayon ang pagpapatupad ng Compressed Work Week o ang pagpapalawig ng oras ng paggawa. Kapag naisakatuparan, ibabalik nito ang 12 oras ng trabaho na matagal nang linabanan ng mga manggawa.
Bilang isa sa mga muog ng paglaban ng mamamayan, tinatarget ng pasista at teroristang atake ng rehimeng US-Duterte ang mga manggagawa. Higit pang pinaigting ang militarisasyon at pagbuwag sa mga piket-protesta at unyon sa pagawaan. Iligal na inaaresto at pinapaslang ang mga unyonista at lider-unyon.
Sa harap ng matinding hambalos ng neoliberalismo at pasismo ng estado, nakahanda ang uring manggagawa at malawak na sambayanang Pilipino na ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong interes. Higit na kinakailangan ang mapagpasya at pinakamalawak na pagkilos ng mga manggagawa at unyon. Marapat isanib ang lakas na ito sa organisadong pwersa ng kilusang masang kritikal na salik sa pagpapabagsak ng pasistang rehimeng US-Duterte. Halawan ng aral ang paglakas ng kilusang manggagawa noong panahon ng diktadurang Marcos at ang Yellow Vest Protests na kasalukuyang nagaganap sa Pransya. Ang pagsulong ng kilusang manggagawa ay bahagi ng pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan at pagpupundar ng isang lipunang malaya at maglilingkod sa sambayanan.
Sa huli, naninindigan ang mga manggagawa sa kawastuhan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa mga tagumpay na tinamo ng CPP-NPA-NDF sa loob ng limang dekada. Mahigpit na panghahawakan na mga manggagawa ang makauring pamumuno sa rebolusyong Pilipino at higit na itataas ang kanilang kapasyahang isulong ng makauring paglaban ng mamamayan.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Paglingkuran ang sambayanan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!