Rebolusyonaryong pagpupugay sa ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Bikol (PKM-Bikol) ay nagagalak sa mga tagumpay na nakamit ng PKP-MLM sa paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyong naghahangad na tugunan ang batayang problema ng lipunan sa kawalan ng lupa sa pamamagitan ng ganap na paglaya mula sa pyudal at malapyudal na paghahari ng malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador.
Nananatiling walang tunay na reporma sa lupa sa Pilipinas. Siyam sa bawat sampung magsasaka ang nakikisaka lamang. Nananatiling bansot, atrasado, pre-industriyal at agraryo ang lipunan dahil marahas na ipinagkakait ng imperyalismong US at ng mga tuta nitong lokal na naghaharing uri ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon bilang susing salik sa pag-unlad. Sa bawat rehimeng nagdaan, mga hungkag na mga reporma sa lupa ang ipinakilala sa mahihirap na magsasaka, na nagbunga lang ng mas matinding pangangamkam ng lupa at ibayo nitong konsentrasyon sa kamay ng iilan. Nasadlak sa kahirapan ang masang magsasaka sa kabila ng pawis at dugo nitong pagsusumikap na iangat ang kanyang kalagayan sa pamamagitan ng walang patid na sipag sa pagbungkal sa lupa upang maging produktibo ito at may makain ang kanyang pamilya.
Higit na lumala ang kondisyon ng magsasaka sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Walang malinaw na programa para sa tunay na reporma sa lupa. Sa halip, ipinagpapatuloy lamang nito ang CARPER, ang pinakamatagal, pinakamadugo at pinakamagastos na huwad na programa sa lupa. Hanggang ngayon, hindi pa naibabalik sa magsasaka ang coco levy fund na iginawad na ng Korte Suprema noong 2015. Matapos ang pakitang-taong deklarasyon ng pamamahagi ng coco levy, nakaamba namang isabatas ag pagsasapribatisa nito sa ilalim ng panukalang Coconut Farmers and Industry Development Fund (CFID). Hinayaan din ni Duterte na agawin ng kanyang mga kapanalig at kroni tulad ng LAPANDAY sa Mindanao ang mga lupang naipamahagi na sa mga kooperatiba ng magsasaka.
Tahasang ipinahayag ni Duterte ang patakarang patindihin ang kumbersyon ng lupang agricultural para sa turismo, real estate at mga plantasyon ng produktong agricultural na pang-eksport. Pinatindi rin ang usura at pagpasok ng microfinance corporations sa mga baryo upang higit na ibaon sa utang ang mahihirap na magsasaka. Dagdag pa sa pasakit na ito ang pagkapako ng mga produktong agrikultura tulad ng niyog at palay sa napakababang halaga at ang hindi nakabubuhay na sahod ng mga manggagawang bukid.
Nagpapatuloy ang operasyon ng mga malalaking dayuhang minahan sa bansa na nagdudulot ng malaking pinsala sa kalikasan at sa mga katutubong nakatira sa mga lugar na ito. Sa pag-upo ng dating heneral ng AFP na si Roy Cimatu sa DENR, lalo lamang nitong hinayaan ang pagpapatuloy ng operasyon ng malalaking dayuhang korporasyon na mag-opereyt at walang pakundangang dambungin ang likas na yaman.
Lalong ipinagtitibay ng masang magsasaka ang kanilang hanay sa paglulunsad ng matataginting na pakikibakang antipyudal. Ang tumitinding pasistang bigwas ng rehimen ay pangunahing nakatuon sa pagsupil sa lumalakas na paglabang ito ng uring magsasaka. Upang durugin ang lakas ng kilusang magsasaka sa kanayunan, pinaiiral ng rehimeng US-Duterte ang batas militar sa buong bansa. Sa pagpapatupad ng Memorandum Order No. 32 (MO 32) at Executive Order No. 70 (EO 70), higit na paiigtingin ang militarisasyon sa rehiyong Bikol. Pangunahing target ng operasyong militar ang mga magsasaka sa mga lugar na pinaghihinalaang balwarte ng rebolusyonaryong kilusan. Inaasahan ang mas pinatinding kaso ng paglabag sa karapatang tao at pang-ekonomyang ligalig.
Subalit higit kailanman, handa ang uring magsasaka na harapin ang pinakamatitinding teroristang atake ng kaaway dahil mahigpit nilang katuwang ang PKP at ang buong rebolusyunaryong kilusan sa patuloy na paglulunsad ng digmang bayan. Sa Kabikulan, ibayong nagpapatuloy ang rebolusyong agraryo at puspusang kinokonsolida ang mga nakamit na tagumpay mula rito. Hindi maikakaila na sa 50 taong tumataginting na pagsulong ng rebolusyon ay naipatupad na hindi lang ang minimum kundi maksimum na programa sa lupa. Dito sa rehiyon, henerasyon na ng mga pamilyang magsasaka ang nakikinabang sa mga tagumpay ng rebolusyong agraryo. Naitayo na ang mga kooperatibang mangangasiwa sa mga lupang ito at magtitiyak na mapanatili ito sa mga magsasaka. Patuloy nilang kinikilala at isinasakatuparan ang kanilang organisadong lakas sa pagtatayo, pagpapalawak at pagpapagana ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.
Higit sa lahat, patuloy na nagsisilbi ang kilusang magsasaka bilang malawak na bukal ng paparami at paparaming pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang isakatuparan ang pambansa at demokratikong layunin ng rebolusyong bayan.
Isang inspirasyon sa PKM ang malawak na tagumpay na nakamit ng PKP sa loob ng 50 taon para sa masang Pilipino. Isang hamon para sa ating lahat na lalo itong pagtibayin at mas mapangahas na isulong ang rebolusyon upang makamit ang tagumpay. Magsasaka, lumaban, sumulong at kamtin ang ganap na tagumpay!
Mabuhay ang uring Magsasaka!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Paglingkuran ang sambayanan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!