Rebolusyonaryong Pagpupugay sa Pinakamamahal na Kasamang Justine “Ka Pia” Vargas, martir at bayani ng sambayanang Pilipino!

Pinagpupugayan ng buong rebolusyonaryong kilusan ng Palawan ang kahanga-hangang dedikasyon ni Ka Pia sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa kanyang huling hininga. Napaslang ang kasama sa isang labanan sa Occidental Mindoro nuong Setyembre 14, 2020 habang gumagampan ng kanyang mga rebolusyonaryong gawain nang mapalaban sa mga pasistang tropa ng 203rd Bde PA.

Si Ka Pia ay isang kabataang tumahak sa landas ng kanayunan at nagpasyang humawak ng baril upang buong panahong maglingkod sa masang anakpawis. Nasa murang edad pa lamang ay maaga siyang namulat sa pang-aapi at pagsasamantala. Lumaki siyang mulat sa pakikibaka para sa karapatan sa kabuhayan at panirahan. Biktima ang kanilang pamilya ng panggigipit sa hanapbuhay at panirahan. Sa kasiglahan ng pagkilos ng mga mangingisda nuong taong 2016 upang tutulan ang mapaniil na batas na Provincial Council for Sustainable Development Administrative Order No. 5 o PCSD AO5, matatandaang si Ka Pia ay aktibong lumahok upang ipabasura ito. Ligalíg din at lubos na nababahala si Ka Pia sa patuloy na banta ng demolisyon sa mga tirahan ng mga nasa babay-dagat upang bigyang daan ang mga eko-turismong proyekto ng lokal na pamahalaan. Pangamba rin ang kanyang damdamin sa proyektong minahin ang buong isla ng Paly sa bayan ng Taytay sa Palawan na kanyang kinamulatan.

Ang kanyang paglahok sa mga pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan ay nagmulat sa kanyang kaisipan sa pinakabulok na sistemang mapang-alipin at mapagsamantala. Sa katunayan, ni hindi naibasura o walang nakinig mula sa sabwatang Duterte-Alvarez na dinggin ang kalagayan ng mga mangingisda kabilang ang pamilya ni Ka Pia.

Iisang taon pa lamang sa NPA si Ka Pia ngunit ang kanyang buhay ay di maaaring tumbasan ng bigat ng kabundukang Matalingahan sa kadakilaan nito. Mataas ang kanyang respeto sa NPA dahil aniya walang unang tumulong sa isla ng Paly nang ito ay miminahin nuon kundi ang mga NPA lamang. Napigil ng NPA ang operasyon nito nang winasak ang mga makinaryang sisira sa isla ng Paly kung natuloy ang nasabing pagmimina. Ilang araw bago ang kanyang ika-18 taong gulang ay humanap ng ugnay sa NPA si Ka Pia at duon ay hinanap ang solusyon sa kahirapan ng mamamayan. Maigting niyang pinanghawakan ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalitang perspektiba. Hindi niya inalintana ang hirap, pagod at gutom bunga ng matinding focused military operation sa isla ng Palawan sa kabila nang siya ay bagong-bago pa lamang. lalong nag-alab ang kanyang damdamin nang ikinasa ang pasistang atake sa Isla ng Paly hatid ng EO70 at NTF-PPTF-ELCAC ang Retooled Community Support Program o RCSP. Nasaksihan din niya ang mga pwersahan at maramihang pagpapsukong isinagawa dito. Sa mura niyang isip isang malaking katanungan kung bakit militar ang tugon ng gubyerno sa kahirapan at sa idinadaing ng mga mangingisda sa kanilang problema sa kabuhayan at lupa? Ang mga pangyayaring ito ay lalong nagpatibay ng kanyang komitment sa rebolusyon.

Laging maaalala si Ka Pia bilang isang mabuting anak ng bayan na may mahusay na ugali. Natural ang kabaitan at pagiging maalalahanin at magiliw sa mga kasama at masa. Nais sana niyang maging isang doktora kung siya ay nakapag-aral. Ngunit dahil sa kanilang kahirapan, mananatili na lamang itong isang pangarap sa kanya. Ngunit mabibigyang katuparan ito sa kanyang pagsapi sa NPA. Dito ay nakapagsanay siya sa panggagamot na kanyang naisapraktika sa panggagamot sa mga kasamang Hukbo at masa. Ang kanyang pag-aaral at pagpapakahusay sa panggagamot ay upang higit na mapagsilbihan ang masa lalo na ngayong may pandemya ng Covid-19!

Likas ang kanyang kagandahan na lalong nagningning nang siya ay parangalan bilang “ Miss Paly”. Pero sa NPA at masang pinagsilbihan niya, higit sa magandang mukha, ay ang busilak na puso na nagnanais ng kalayaan mula sa pagsasamantala ng lokal na burukrata, ng mga panginooong maylupa at ng dayuhan at lokal na kapitalistang siyang pangunahing nang-aagaw ng kabuhayan at tirahan nila.

Nagluluksa ang rebolusyonaryong kilusan at ang mga masang kanyang nakadaupang palad at taos pusong pinaglingkuran sa pagpanaw ni Ka Pia. Magiging panandang bato sa hanay ng mga kabataan at mangingisdang Palaweño ang kanyang buhay na tinahak na punung-puno ng kadakilaan. Hinahamon tayo ng kanyang pagkamartir na maging matatag at mahusay na rebolusyonaryo . Walang takot at alinlangan na humawak ng armas upang ipagtanggol ang uring anakpawis laban sa mga pasistang AFP kahit buhay pa ang maging kapalit. Ikinararangal ka namin Ka Pia, bilang isang kabataang anak ng bayan, bilang isang babae at bilang isang mandirigma ng New People’s Army! Habang panahong nakaukit sa puso ng sambayanan ang iyong kadakilaan. Asahang libong kamay ang pupulot ng iyong sandatang nabitawan at aani sa bunga na iyong ipinunla. Ang mga buhong na patraydor na kumitil sa iyong buhay ay pagbabayarin ng rebolusyonaryong kilusan sa kanilang utang na dugo sa bayan.

Mabuhay ang alaala ni ka Pia!

Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!

Kabataan tumungo sa kanayunan, Sumapi sa NPA at maglingkod sa sambayan!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Rebolusyonaryong Pagpupugay sa Pinakamamahal na Kasamang Justine “Ka Pia" Vargas, martir at bayani ng sambayanang Pilipino!