Red October Destabilization Plot: Gawa-gawa ni Duterte, hindi ng NPA
Taliwas sa gustong palabasin ng rehimeng US-Duterte at ng AFP-PNP, walang kinalaman ang CPP-NPA-NDFP sa Red October Distabilization Plot. Isa itong desperadong hakbang na niluluto ng rehimeng US-Duterte upang maging lehitimong batayan sa pagdedeklara ng Martial Law sa buong bansa.
Malaking kasinungalingan ang ikinakalat nilang “nagsasanib” ang NPA sa hangganan ng Bulacan at Rizal upang maisakatuparan ang Red October Plot. Pakana ito ni Duterte at ng AFP-PNP para suhayan na may nagaganap na paghahanda para sa destabilisasyon.
Hindi magkamayaw sa paglulubid ng mga kwento ang mga alipures ni Duterte. Nilikha ito ng matinding takot ng rehimen sa lumalakas na protestang bayan laban sa mataas na implasyon, walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at pagsirit ng presyo ng mga batayang pangangailangan, krisis sa kawalan ng mabibiling bigas at iba pa. Lahat ng kalahok sa kilos protesta ay pinagbibintangang mga kasabwat sa destabilisasyon.
Pinakalat nito na may 18 unibersidad sa Metro Manila na sangkot sa destabilisasyon. Pilit na sinasangkot ang mga demokratikong uri at sektor tulad ng manggagawa at mga estudyante sa destabilisasyon. Isang itong anyo ng intimidasyon at koersyon para takuting lumahok sa mga makatwirang kilos protesta ang mamamayan. Bahagi ito ng sistematikong represyon sa mga demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino.
Pinalaganap din na may magaganap na malawakang pagsabog sa iba’t ibang bahagi ng kalunsuran at kanayunan sa bansa. Ang lehitimong taktikal na opensiba ng NPA laban sa nag-ooperasyong sundalo at pulis ay pilit iniuugnay sa destabilisasyon ng nahihintakutang rehimen at mga berdugong heneral ng AFP-PNP.
Para matiyak ang suporta ng AFP-PNP sa malawakang militarisasyon sa buong bansa, walang tigil sa Duterte sa paglilibot sa mga kampo militar. Gamit ang pera ng mamamayan, sinusuhulan at pinangakuan nito ang mga sundalo at pulis ng mataas na suweldo at makabagong armas para makuha ang bulag na pagsuporta ng mga ito. Hindi pa nasiyahan, lalong pinalakas ang culture of impunity sa pagbibigay ng kasiguruhang walang sinumang sundalo at pulis ang makukulong sa pagsunod sa kanyang kautusan.
Sa Timog Katagalugan, walang pakundangang inilulunsad ng mga sundalo at pulis sa ilalim ng Oplan Kapayapaan laban sa mamamayan. Aabot ng higit 15 ang pinatay nila sa rehiyon, karamihan ay mga magsasaka at pambansang minorya. Naglunsad na rin ng dalawang aerial bombardment ang AFP sa rehiyon. Sa proseso ng kanilang mga operasyong militar at pulis, libu-libong magsasaka at pambansang minorya ang iniintimida, hinaharas at tinatakot. Puu-puong barangay ang isinasailalim sa food blocade at curfew at sapilitang pinapadalo sa kanilang papulong na pumipigil sa malayang pagkilos ng mamamayan at inilalagay sa matinding sarbeylans.
Sa kalikasan at katanginan ng rehimeng US-Duterte, lilikhain nito ang kondisyon na magpapabilis sa kanyang pagbagsak sa harap ng nag-aalimpuyong protestang bayan ng lahat ng demokratikong uri at sektor ng lipunan. Sa lakas ng mga dambuhalang kilos protesta ng mamamayan, lilitaw ang mga makabayan at patriyotikong sundalo at pulis na makipagkaisa at sasama sa pagpapabagsak sa rehimen ng pasista at tiranikong si Duterte. Ang nilalayong Martial Law ang magpapadali sa buhay ng isang naghihingalong rehimen ni Duterte.###