Red-tagging ng AFP sa mga pamantasan, pakana sa nilulutong Red October Destabilization Plot
Mga estudyante, hindi ligtas sa pasismo at supresyon ng rehimeng US-Duterte
Jaime ”Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog
Kinukumpleto na ng mga militar at pulis ang nilulutong Red October Destabilization Plot ni Duterte. Idinamay na ng sakim sa kapangyarihan na si Duterte ang mga guro at kabataang estudyante dahil sa takot ng rehimen sa lumalakas na pagkilos ng huli. Nais nilang likhain ang isang kondisyon para pagsilbihin sa senaryo ng pagpapataw ng Batas Militar para kontrolin at pahupain ang patuloy na lumalakas na panawagang pagpapatalsik sa rehimeng US-Duterte. Sa sobrang pagkapraning ni Duterte at mga militaristang general ng AFP-PNP sa sarili nilang anino, lumillikha sila ng kanilang sariling multong lubhang kinatatakutan.
Nais supilin ng ala-diktadurang rehimen ang pakikibaka ng mga kabataang estudyante para sa kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng malawakang kampanyang supresyon tulad ng red-tagging sa mga pamantasan upang maikubli ang lumalalang krisis at kahirapan sa bayan. Sa halip na resolbahin ang krisis sa ekonomiya at pulitika, nais ipasipika ng rehimen ang nag-aalimpuyong galit ng mamamayan at takutin ang mga nagnanais na lumaban.
Subalit sa harap ng pagpapakawala ng rehimen ng mga fake news para pagtakpan ang karahasan at kanilang mga kapalpakan, naging mapanuri ang mga kabataang-estudyante para sa katotohanan sa likod ng mga kasinungalingang ito. Iginigiit rin ng mga kabataan ang karapatan sa malayang pamamahayag laban sa isang pasistang rehimen. Katuwang ng malawak na sambayanan, kasama sila sa paggigiit at paglaban para sa mga demokratikong kahilingan ng mamamayan.
Kasabay ng pang-aabuso ni Duterte sa kapangyarihan ng estado at paggamit nito laban sa mamamayan, nagiging mulat ang mga kabataan sa kanilang karapatan na kundinahin at labanan ang anumang pasistang atake nito laban sa bayan. Demokratikong karapatan nila ang organisahin ang sariling hanay para sa lehitimong kagalingan ng mamamayan. Demokratikong tungkulin nilang edukahin ang kapwa estudyante at mamamayan sa panganib ng Martial Law at manguna sa pagtutol at paglaban sa de facto Martial Law ng rehimeng US-Duterte. Dahil higit na malupit ang pinapakawalang pasismo ng estado ni Duterte, nakatitiyak ang pag-aaklas ng mamamayan sa lukob ng isang naghahari-hariang diktador.
Upang hindi maulit ang Martial Law ng pasistang diktadurang rehimeng US-Marcos, higit na kailangang makipagkaisa ang kabataan sa sigla ng militanteng pakikibaka ng masa sa kalunsuran at kanayunan. Kasama nila ang buong rebolusyunaryong hanay sa pagkakamit ng minimithing kalayaan at tunay na demokrasyang panlipunan. Nakikiisa ang Melito Glor Command — New People’s Army Southern Tagalog sa mga estudyante at kabataan sa kanilang militansya at kasiglahang labanan ang di-makatarungang pamamahala ng rehimeng US-Duterte.
Umaapaw ang kasiglahan ng kabataan sa paglahok sa malawakang kilos protesta sa harap na ipinapakitang karahasan at kalupitan ng reaksyunaryong estado. Inspirasyon nila ang pamanang kagitingan ng ating mga bayani sa paglaban sa pananakop at pambubusabos ng mga sinaunang imperyalista at dayuhang kolonyalista. Tulad nila, nahakanda ang kabataan na ialay sa bayan ang kanilang angking talino at lakas upang hindi makapangibabaw ang kasakiman at kalupitan ng mga mapagsamantalang uri sa lipunang Pilipino na kinakatawan ng rehimeng US-Duterte.
Bukas ang MGC NPA-ST at lahat ng larangang gerilya sa ilalim nito na tanggapin bilang magigiting na Pulang mandirigma ang sinumang kabataang estudyanteng nanganganib na malagay sa peligro ang buhay sa kamay ng pasista, tiraniko at berdugong rehimeng US-Duterte. Sa kanayunan, malawak ang espasyo at maniubrahan ng mga estudyante kung gigipitin sila ng reaksyunaryong estado sa kanilang makatarungan at lehitimong pakikibaka. Sama-sama nating likhain ang ating kasaysayan tungo sa pagkakamit ng isang tunay na pagbabagong panlipunan. Nakasalalay ang hinaharap ng mamamayang Pilipino sa mga kabataang tagapagmana ng kinabukasan ng bayan.###