Red-tagging, tanim-baril at granada, iskrip na “nanlaban”—mga gasgas at desperadong taktika ng AFP at PNP laban sa mamamayan

Maski sino na lamang ay sinasabing NPA—ito ang ginagawa ngayon ng pasistang AFP at PNP.

Nitong Hulyo 30, iprinisinta ng PNP Daraga sa midya at ipinakilala bilang myembro ng NPA-Sorsogon ang naaresto nilang si Richard Dayton Tayam. SI Tayam ay isang dating gun for hire mula sa Brgy. San Juan, Bacon District, Sorsogon City na may kasong murder dahil sa pagtaga nito sa leeg ng isang may kapansanan sa pag -iisip noong Enero 17, 2018. Hindi siya kailanman naging kasapi ng NPA o ng kahit anong rebolusyonaryong organisasyon.

Hindi na bago ang iskrip ng PNP at AFP na pagdedeklarang NPA o Milisyang Bayan (MB) ang mga nahuhuli nitong may kasong murder, frustrated murder o attempted murder upang idagdag sa mga sinasabi nilang patunay na humihina o nadudurog na ang rebolusyonaryong kilusan.

Matatandaan nitong mga nagdaang buwan ay tinaniman ng baril, bala at granada at idineklarang NPA o MB, ang mga sibilyang sina Ruel Escullar, Crispin Espenida, Joven Emaas, Jose Amante, at Laurente Gestole

Ang mga nasa progresibong organisasyon naman na nagsusulong lamang ng kagalingan ng mamamayang Sorsoganon ay paboritong target ngayon ng AFP at PNP sa kanilang pagtatanim ng baril at granada tulad ng ginawa nila kina Arnullfo Borsigue na myembro ng Samahan ng mga Magsasaka sa Sorsogon (SAMASOR-KMP), Annie Castillo at Ruel Llamera na kasapi ng Sorsogon People’s Organization (SPO). Sila at si Jun Hisarza na kabilang din sa SPO ay pawang pinagbibintangang NPA.

Kung gusto nilang pumatay, ginagamit ng mga pasistang pulis ang iskrip na “nanlaban” upang gawing lehitimo ang kanilang pagpatay tulad ng pagpaslang ng mga elemento ng PNP nitong Hulyo 26 sa mga aktibistang sina Jemar Palero at Marlon Naperi na nagpipintura lamang ng islogang “Duterte Ibagsak” sa isang tulay sa Guinobatan, Albay. Dito sa Sorsogon, biktima din ng iskrip na nanlaban si Ian Estrellado na pinatay noong Hunyo 24, 2020 at si Michael Bagasala, sumukong NPA, na pinatay nitong Enero 18.

Desperado at paranoid na ang AFP at PNP, ito ang malinaw nilang katayuan sa kanilang kaliwa’t kanang panggigipit at pamamaslang sa mga ordinaryong sibilyan. Imbis na magsikap silang tugisin ang rebolusyonaryong kilusan ay nagkakasya na lamang sila sa kanilang mga gasgas na iskrip dahil alam nilang imposible ang pagdurog sa kilusan na iminamando ng amo nilang si Duterte.

Sa mga darating na araw, habang papalapit ang eleksyong 2022, tiyak na dadami pa ang ganitong mga gawa ng AFP at PNP sa paghahabol ng target ng rehimeng Duterte. Nananawagan kami sa mamamayang Sorsoganon na magkaisa, maging mapagmatyag at labanan ang pasismo ng AFP at PNP. Nananawagan din kami sa mga kagawad ng media na maging mapagmatyag at mapanuri sa mga balitang lumalabas galing sa AFP at PNP at pumanig sa mamamamayan.

Red-tagging, tanim-baril at granada, iskrip na "nanlaban"—mga gasgas at desperadong taktika ng AFP at PNP laban sa mamamayan