Rehimeng Duterte, patron ng e-sabong at iba pang kriminal na aktibidad
Tuluy-tuloy na nalululong ang maraming mamamayan sa online sabong , na lalong lumaganap sa panahon ng pandemya. Nagdulot ito ng ibayong pagkabaon nila sa utang at paglaganap ng kriminalidad sa bayan.
Kamakailan lamang ay nabalitang nang-holdap ang isang pulis sa Batangas dahil sa utang nito sa online sabong. Samantala umakyat na sa 30 ang bilang ng mga nawawalang magsasabong at hanggang ngayo’y wala pa diumanong anumang lead ang PNP dito.
Ang online sabong o e-sabong ay pasugalang binibigyan ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) ng prangkisa para mag-opereyt. Sa kasalukuyan, dalawa lamang ang kumpanyang nakakuha ng prangkisa nito: ang Lucky 8 Starquest ng burgesya komprador at binansagang “gambling lord” na si Atong Ang at kumpanya ni Bong Pineda matapos silang makasunod sa hinihinging performance bond na 75 milyong piso. Nitong Setyembre 2021 ay binigyan ng kongreso ng 25-taong prangkisa sa e-sabong ang dalawang kumpanya habang ang ibang nag-oopereyt ng online sabong ay itinuturing na iligal. Kamakailan lamang ay ipinag-utos ng PAGCOR ang crackdown sa mga e-sabong na walang prangkisa pero tuluy-tuloy pa rin ang malaganap na operasyon ng mga ito.
Sa pagtitiyak ng prangkisa dito kung saan mas mabilis at accessible ang sabong, eengganyuhin lamang nito ang mamamayan sa sugal na magpapalubog sa kanila sa utang na magpapayaman naman sa mga negosyanteng may-ari ng pasugalang ito. Sa pinakamalala, naitutulak din ng pagsusugal ang mamamayan sa mga anti-sosyal na gawain para lang makapagbayad ng kanilang utang.
Binibigyang-pabor ni Duterte si Atong Ang , tulad ng pagbibigay nito ng pabor sa iba pang mga kroni na tuluy-tuloy na nakapagpayaman kahit sa panahon ng pandemya. Bukod sa e-sabong, pinaboran din nito si Atong Ang na makapangamkam ng mahigit sa isang libong ektaryang lupain sa hangganan ng bayan ng Real, Quezon at mga bayan ng Siniloan at Famy sa Laguna na saklaw ng PP 1636. Pinatag nito ang kabundukan at winawasak ang kalikasan para maitayo ang farm ng mga pansabong na manok. Nagdudulot ito ng pagkasira ng Tipuan River na dating napapangisdaan ng mamamayan. Bukod dito ay pinangangambahan ng mga residente ang napipintong pagpapalayas sa kanila sa pagtutuluy-tuloy ng pagpapalawak ng ari-arian ni Atong Ang.
Napaliligiran ngayon si Duterte ng mga kroni niyang sangkot sa iba’t ibang mga krimen at anti-sosyal na gawain. Bukod sa sugarol na si Ang, nariyan pa ang sinungaling at magnanakaw na mga Marcos, manggagahasa at sex trafficker na si Quiboloy, mandarayang Arroyo, anak mismo ni Duterte na nasangkot sa iligal na droga, mga korap na burukrata kapitalista, at mga mamamatay-taong mga heneral niya sa kanyang rehimeng huntang militar.
Dapat na kundenahin ng mamamayan ang rehimen sa kanyang kapabayaan sa sistematikong paglutas ng pangangailangan ng mamamayan. Iwaksi ang pagkahumaling at pagsalig sa mga sugal na hindi kailanman tumutugon sa suliraning pang-ekonomya ng taumbayan. Dapat din ilantad ang ginagawang pagbibigay-pabor ni Duterte sa kanyang mga kroning MBK at kriminal para lang tiyakin ang suporta nila sa kanyang rehimen.
Sinasalamin lamang ng pamamayagpag ng online sabong at pagsusugal ang kabulukan ng sistemang malakolonyal at malapyudal na batbat ng kulturang anti-sosyal. Lalo lamang nitong ipinamamalas ang kawastuhan ng pagsusulong ng pampulitikang linya ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa maitatag ang isang sosyalistang lipunan. Iaangat nito ang antas ng pamumuhay ng mamamayan sa larangan ng ekonomya kasabay ng pagbibigay sa kanila ng edukasyon sa pamamagitan ng rebolusyong pangkultura hanggang sa puntong hindi na maeengganyo pa ang taumbayan na malulong sa masasamang bisyo at gumawa ng mga krimen.######