Rehimeng US-Duterte, 4 na taon nang bigong durugin ang NPA sa ST

Malaking kabiguan para sa rehimeng US-Duterte at tagumpay naman para sa Melito Glor Command ang pananatili at patuloy na paglakas ng pwersa ng NPA sa rehiyong Timog Katagalugan. Ang pagtuntong ng NPA sa ika-51 anibersaryo sa kabila ng samu’t saring pakana ng mga reaksyunaryong rehimen na gupuin ito ay patunay ng malalim at marubdob na suportang tinatamasa nito mula sa masang api—silang naniniwala sa kawastuhan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Matindi itong dagok sa kapalaluan ng rehimen at ng AFP-PNP lalo pa’t hindi biro ang laki ng ibinubuhos nitong pwersa at rekurso makamit lamang ang hangaring durugin ang rebolusyonaryong kilusan. Inilabas nito ang EO 70 at itinatag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nagbigay daan sa paghahari ng isang sibiliyan-militar na junta sa bansa. Nagbuo ito ng sampung bagong batalyon ng Philippine Army, bukod pa sa target na 10,000 bagong pulis na pasuswelduhin ng P3 bilyong dagdag sa badyet ng PNP. Naglabas ang rehimen ng P185 bilyon para sa Horizon 2 ng AFP Modernization Act na ipambibili ng mga bagong sasakyan at kagamitang pandigma. Naglaan din ang rehimen ng bilyun-bilyong piso sa programang pagpapasukong E-CLIP, na sa aktwal ay ginawang palabigasan sa korapsyon ng mga opisyal ng AFP-PNP sa mga ipinaparada sa midya na mga pinekeng sumukong NPA para lumikha ng ilusyong nagtatagumpay ang JCP-Kapanatagan.

Tuluy-tuloy din ang mga pagsasanay ng AFP-PNP sa direksyon ng imperyalismong US para higit pang pabangisin ang todo-gera at panunugis laban sa rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa ngalan ng anti-komunismo.

At ngayon, ginamit na tabing ng rehimen at ng AFP-PNP ang krisis sa pampublikong kalusugan at panlipunan dulot ng CoViD-19 upang magpatupad ng higit na mapanupil na mga hakbang sa pamamagitan ng pagpapailalim sa militaristang lockdown ng buong Metro-Manila at Luzon, kontrolin ang pagkilos ng populasyon at daloy ng rekurso, at ipag-utos ang masaklaw na curfew at mga tsekpoynt. Hindi pa nasiyahan, pinagtibay ni Duterte ang ipinasa ng Kongreso na Bayanihan to Heal as One Act of 2020 na ibayo pang pinalalawak ikinokonsentra ang kapangyarihan ng estado sa kamay nito.

Sa kabila ng pekeng unilateral ceasefire ng rehimen at SOMO/SOPO ng AFP at PNP, nagpatuloy ang mga focused military operation (FMO) at retooled community support program operation (RCSPO) sa mga larangang gerilya sa South Quezon-Bondoc Peninsula, Palawan, Mindoro, Rizal at North Quezon. Layon ng mga FMO at RCSPO na hanapin at durugin ang mga yunit ng NPA sa kanayunan at mga tagasuporta ng rebolusyon sa kalunsuran.

Ginawa na ng rehimen ang lahat ng kaya nitong gawin laban sa NPA subalit bigo pa rin itong lipulin ang rebolusyonaryong hukbo ng mamamayan. Nagyayabang lamang ang mga opisyal ng AFP-PNP at gubyernong Duterte na umano’y napahina na nila ang NPA pero ang totoo’y nababahala sila dahil nananatili itong malakas at palaban. Nakalatag ang mga larangang gerilya ng Melito Glor Command NPA ST sa walong (8) probinsya sa rehiyon na sumasaklaw sa 123 bayan at siyam (9) na siyudad at mahigit isang libong baryo sa kabila ng ilang taong hambalos ng mararahas na oplan ng GRP.

Tuluy-tuloy na opensiba ng NPA ST sa gitna ng JCP Kapanatagan

Patuloy na binibigo ang pinabangis na programang kontra-rebolusyonaryo ng rehimeng Duterte sa determinasyon ng NPA-ST na bigwasan ang pasistang tropa ng estado. Mula 2017 hanggang unang kwarto ng 2020, naglunsad ang MGC ng 236 na taktikal na opensiba (TO) at pininsala ang 472 tauhan ng AFP-PNP-CAFGU. Katumbas ito ng lampas sa laking-batalyong kaswalti sa sandatahang lakas ng GRP.

Samantala, wala namang inilunsad na TO ang MGC laban sa AFP-PNP mula Setyembre 2016 hanggang Disyembre 2016 dahil sa mahigpit nitong pagtalima sa pinagkasunduang tigil-putukan ng NDFP at GRP. Pagpapakita rin ito ng MGC ng suporta para sa muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP.

Habang ipinatigil at ipinagpaliban ang mga pag-atake sa AFP-PNP at mga paramilitar at iba pang armadong grupo ng GRP sa panahon ng tigil-putukan, hindi nagpabaya ang MGC sa tungkulin nitong ipagtanggol ang mamamayan. Noong Nobyembre 20, 2016, pinarusahan ng MGC ang despotikong pamilya Uy na sumusupil sa makatarungang laban ng mga magsasaka para sa pagbabago ng partehan, pagpapataas ng sahod ng manggagawang-bukid, karapatang magtanim ng mais at iba pang butil, at pagsingil ng danyos-perwisyo para sa kanilang pananim na sinira ng mga baka sa Hacienda Uy sa Brgy. Campflora, San Andres, Quezon. Kinumpiska ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon ang mga armas at kagamitang militar ng mga bayarang goon ng Hacienda Uy na ginagamit sa pandarahas sa mga magsasaka.

Opensiba ng MGC-NPA ST mula 2017-Marso 2020

2017

2018

2019

Enero-Marso 2020

Kabuuan

Taktikal na opensiba

70

70

86

10

236

KIA* sa AFP-PNP

92

79

52

19

242

WIA** sa AFP-PNP

75

60

76

19

230

Nasamsam na armas

63

27

19

109

*Killed in action

**Wounded in Action

Bukod sa mga taktikal na opensiba ay nagpakita ng kahusayan ang NPA sa aktibong pagdedepensa at kontra-atake. Tampok rito ang pagbigo ng mga yunit ng NPA sa Quezon at Mindoro sa mga presisong strike operation laban sa kanila noong ikalawang hati ng 2019—mga labanang ipinagmalaki ng kaaway sa masmidya bilang matatagumpay na reyd sa kampuhan ng NPA.

Itinago ng AFP-PNP ang laki ng pinsalang kanilang tinamo sa mga labanang ito. Sa labanan sa Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Hunyo 13, 5 KIA at di mabilang ang WIA sa laking platun na tropa ng 4th IBPA at PNP-MIMAROPA na umatake sa nakahimpil na yunit ng Lucio de Guzman Command. Samantala, tatlong Pulang mandirigma na magiting na lumaban sa kaaway ang nasawi sa labanan.

Malaking kahihiyan din sa kaaway ang pagkamatay ng anim na tropa ng 85th IBPA sa kontra-atake ng Apolonio Mendoza Command noong Oktubre 17 sa Barangay Suha, Catanauan, Quezon. Nagsasagawa ng FMO ang 85th IBPA nang atakehin ng NPA Quezon.

Taos-pusong pinaglilingkuran ng NPA ang mamamayan

Matapang at palaban sa harap ng kaaway, subalit mapagmahal at mapagkalinga sa piling ng mamamayan ang Bagong Hukbong Bayan. Sa buong panahong nilalabanan ng NPA ang rehimeng Duterte, patuloy rin ito sa pagmumulat at pag-oorganisa sa mamamayan at paghahatid sa kanila ng serbisyong panlipunan. Saan mang dako naroon ang NPA ay naitatanghal ang mensahe ng rebolusyon at nagkakaroon ng pag-asa ang mamamayan na mayroong maaliwalas na bukas.

Kasama ng mamamayan ng ST ang NPA sa gitna ng mga pagsubok na hinarap ng rehiyon sa ilalim ni Duterte. Tumuwang ang MGC sa pagsasaayos ng mga operasyong relief at rehabilitasyon sa mga eryang apektado ng mga sakuna at kalamidad tulad ng Batangas na sinalanta ng pagsabog ng Bulkan Taal. Kaagapay rin ang NPA ng mga biktima ng Bagyong Tisoy at Ursula sa muling pagtatayo ng kanilang mga bahay at pagbabangon ng kanilang kabuhayan.

Bukod sa pagdamay sa mga biktima ay gumagawa ng kongkretong aksyon ang NPA upang mapatigil ang mga mapanira at mapangwasak na proyektong nagpapasidhi sa mga epekto ng kalamidad at sakuna sa mamamayan at kapaligiran. Tampok dito ang pagpaparalisa ng NPA sa hydropower plant ng Sta. Clara Power Corporation sa Naujan, Oriental Mindoro noong 2019, gayundin ang pagpapahinto ng NPA sa operasyong quarry ng Monte Rock Corporation sa San Mateo, Rizal noong 2018. Ang dalawang proyekto ay sanhi ng malalang pagbaha sa mga tinurang probinsya at mga kalapit nilang lungsod.

Noong 2017 at 2019, sinira rin ng NPA ang makinarya at equipment ng CitiNickel Mines Corporation sa Sofronio Española, Palawan na lumalason sa mga ilog at pumipinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka sa lugar. Ipinagbunyi ito ng mga Palaweño at ng mamamayang mapagmahal sa kalikasan.

Sa mga opensibang ito nagiging malinaw sa mamamayan kung sino ang tunay na nagtataguyod ng kanilang kapakanan. Kung ang NPA ang kalaban ng mga nang-aapi sa mamamayan at mapangwasak sa kalikasan, ang AFP-PNP naman ang bayarang tauhan ng mga kumpanya ng pagmimina, quarry, megadam, at iba pa na sumusupil sa mamamayang tutol sa mga mapanirang proyekto.

Sa kasalukuyang hamon ng pagharap sa CoViD-19, determinado ang MGC na gawin ang buong kaya nito upang mag-ambag sa pambansang pagsisikap na maapula ang paglaganap ng nakamamatay na virus at matiyak ang pangangailangan ng bayan sa panahon ng krisis. Nakahanda ang lahat ng yunit ng NPA sa ST na tumugon sa hamong ito, at makaaasa rin ang sambayanan na tatalima ang buong MGC sa idineklarang ceasefire ng Partido Komunista ng Pilipinas kaugnay sa pagharap sa CoVid-19.

Hindi kayang pasubalian ang mga tagumpay ng MGC – NPA ST sa nakaraang apat na taon na yumanig sa naghaharing-uri at bumigwas sa AFP-PNP. Sa gabay ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan at sa patuloy na pagmamahal ng masang pinaglilingkuran nito, patuloy na susulong at lalakas ang NPA sa rehiyon. ###

Rehimeng US-Duterte, 4 na taon nang bigong durugin ang NPA sa ST